Tuesday, 26 November 2013

Saturday, 23 November 2013

Sabado ng Umaga

Iniabot mo sa akin ang isa sa dalawang huling stick ng yosi mo. Ang sabi ko kagabi ay titigil na ako sa pagyoyosi.

Nasisilip na ng araw itong smoking area ng hotel. Nagsisimula nang magsilabasan ang ibang guests patungo sa katapat na highway habang tayo’y nagsisimula pa lamang ang araw mula sa napakahabang gabi ng Biyernes.

“Nalasing ka ba kagabi o nabitin?” tanong mo sa akin.

“Ayos naman. Ayos lang.”

Humithit ako. Ngayon ko na nararamdaman ang antok, alas diyes ng umaga.

“Sasakay ka na ba dito?” tanong mo sabay buga ng usok.

“Oo yata. Ikaw ba?” sagot ko.

“Sa kabila.”

Maaliwalas itong umaga at tila lahat ng naganap kagabi ay parte ng mahaba’t magandang panaginip. Manipis ang ulap. Maganda ang pangitain para sa buong araw ng Sabado. Sana hindi na matapos ito.

“Sige.”

Nauna kang umalis at sumakay ng taxi sa kabilang parte ng highway. Mabilis ang iyong pamamaalam at paglisan.

“Ingat.”

Sa kabila ng sigla ng sikat ng araw, may mumunting kalungkutan itong smoking area kung saan hinihithit ang huling sigarilyo, naibubulalas ang huling mga paalam at habilin. Ikaw. Ikaw ang huling parte ng Biyernes ko na naiwang nakapako sa umaga ng Sabado.###



Tuesday, 19 November 2013

Pangatlo

May kakaibang katahimikan itong loob ng hospital. Bagama’t maingay ang mga nagdadaldalang mga nurse o umiiyak na mga bata, para akong nakakulong sa isang vacuum na tanging hininga ko lang ang maririnig.

Bumalik ka noong umalis na ang doctor na nang-check up sa akin.

“Amoy yosi ka” sabi ko.

“Hindi naman” ang sagot mo.

Lagi tayong magkasalungat.

Tumingala ako sa kesame at pinilit na isara ang mga mata. Umupo ka sa tabi ko. Bumulong ka sa akin.

“Magiging okey din ang lahat.”

Itinangay ako ng iyong mga salita sa langit. ### 

Monday, 18 November 2013

Pangalawa

Noong hinawakan mo ang kamay ko habang naglalakad tayo paalis ng Cubao X, alam kong hindi na ako bibitiw pa.

Sigurado akong maingay noong Biyernes ng gabi pero pakiramdam ko, 'yung tibok lang ng puso ko ang umaalingawngaw sa paligid.


Pagkalagpas natin sa puwesto ni Manong Guard, binitawan mo ang aking mga kamay. Sabi mo 'lasing na yata ako.'


Sumakay ako ng taxi mag-isa. Ang wakas ng gabing iyon ang simula ng lahat. ###

Monday, 11 November 2013

Yolanda

Niyakap niya ang anak na kanina pa umuubo’t natutulog. Malakas na kasi ang ulan at hangin sa labas. Hapon pa lamang ngunit tila tumutulay sa hating gabi ang buong daigdig. 

Alam niyang kailangan nilang lumikas ngunit hindi niya maiwan ang tanging tahanang uuwian ng kanyang asawa na hindi pa umuuwi mula sa trabaho.  

Sa loob ng kanilang barung-barong, maririnig ang dasal niya na siya na ring oyayi sa anak na may sakit. Ito ang kanyang pag-asa. 

“Mawawala rin itong bagyo.”

Ang sabi sa TV kinabukasan, pinulbos ng bagyo ang kalawakan ng Tacloban. ### 

Tuesday, 5 November 2013

Sa Natonin, Mt. Province

Sa Natonin, ang kabundukan ay dagat.
Ang mga dausdos ay alon na lumulukso patungo
sa iyong paanan.
Natatanaw kita sa mga payew na humahati
sa dibdib na kaluntian
na siyang binabagtas rin ng iyong mga paa
ang kurba
ang linya
ang hiwaga
ang payew
ang kabundukan.
Sa Natonin, ang ulan ay pangangamusta
itinatangay ang mapulang kulay ng mga idinurang momma,
sa pintuan na pinagpapanaugan ng mga bumabalik,
sa sulok-sulok na tagpuan
ng mga naghihintay
at naghahanap.
Sa Natonin, ang gabi ay mahabang biyahe
patungo sa iyo
patungo sa pusod
ng katahimikan,
o mga gabing para sana sa mahimbing na tulog,
at mahabang panaginip,
mga sandaling hinuhuli kita
sa aking isipan.
###
08/10/2009

Paano ko pinatay si Bob Marley

            Dumating si Bob Marley sa kuwarto ko nang bumagsak ang panglimang bote ng beer. Kahit ako’y nagtataka kung bakit siya narito sa kuwarto ko. Hinayaan ko na lang siya. Wala na rin kasi akong makausap na iba maliban sa mga bote ng beer na kanina ko pa kinakausap.

            Nagkukuwentuhan kami noong una. Maayos ang usapan. Nakikinig lang siya.  Pero habang tumatagal napapansin kong nababagot na siya. Malikot ang mga mata niya. Ayaw raw niya sa pulang bombilya. Humiga pa sa kama ng boardmate ko. Ayaw raw niya sa blue na kumot. Hindi na siya nakikinig at parang nang-iinsultong binubuklat ang mga libro sa kama. Corny raw ang mga binabasa ko. Nagsasawa na raw siya sa mga paulit-ulit kong kuwento. Nagsimula na siyang magkuwento ng iba.

            Tumahimik ako. Sandali lang iyon dahil naiirita na talaga ako sa kanya. Sa tingin ko’y niloloko na niya ako. Gusto kong hugutin ang bituka niya at gawing pulutan.

            Hindi ko na siya maintindihan. Ayaw daw niya sa kuwarto ko. Ilang sandali pa’y inilabas na niya ang isang pakete ng marijuana at sinimulang pausukan ang loob ng aking kuwarto. Nasa langit na daw kami.

            Kinabahan ako. Baka malaman ng landlady ko. Pinilit kong agawin ‘yon sa kanya. Pero hindi ko makuha ang umuusok na marijuana. Mahaba ang mga braso niya, abot ang kesame.

            Gusto ko siyang palabasin pero ayokong mag-isa sa kuwarto. Gusto kong may kasama. Pero naiinis na ako sa mga ginagawa niya. Nakakagago. Pinagtatawanan na niya ako at ininsulto pa. “Magpakamatay ka na lang…” sabi niya.

            Kahit pa nakapikit ako ay alam kong tuwang-tuwa siya sa pang-iinsulto sa akin. Naririnig ko ang mga tawa niya.

            Hindi ko alam pero bigla na lang nagkaroon ng baril sa ilalim ng kama ko. Hindi ko alam kung saan galing ‘yon. Sumabit sa mga kamay ko ang baril at mahiwagang alam ko kung paano ikasa ‘yon, parang radyo. Tumayo ako at humarap sa aking bisita. Namumula pa rin ang mukha niya sa katatawa. May  mga ulap at hamog sa kuwarto namin.

              “Nasa langit na ba ako…” Kumikinang ang mga mata niya na parang salamin. Parang mga mata ko rin.

            Alam niyang babarilin ko na siya pero hindi siya natatakot. Tuloy pa rin siya sa trip niya na pagtawanan ako. Hindi ako nagdalawang-isip na paputukin ang baril. Para lamang akong pumapatay ng lamok. 

            Isang bala pa lang tumahimik na amputa. Tumahimik ang kuwarto ko. Unti-unting kumalat ang dugo. Kitang-kita ko sa dugo ang repleksyon ko. Mapula. Pulang-pula ang mukha ko lalo na ang mga mata ko.

            “Patay na ang gago.”

            Gusto ko pa sana siyang barilin pero baka marinig ng landlady namin. Buti na lang at hindi pa niya ako sinisita sa naunang putok. Itinago ko ang baril ulit sa ilalim ng kama. Ngayon hindi ko alam kung paano lilinisin ang bangkay ng Marley na ‘toh.

            Biglang dumating ang boardmate ko dala ang pulutang pinabili ko. Nagmura siya. “Paksyet.”

            Nag-away kami ng kaibigan ko dahil pinatay ko si Bob Marley, ang paborito niya.### 

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes