Wednesday, 5 March 2014

Bakit tayo naririto (o kung bakit pinipili nating manatili)?

“Nasa Baguio ka pa rin?”

‘Yan lagi ang tanong ng mga blocmates at mga kaibigang matagal ko nang hindi nakikita at matagal nang iniwan ang Baguio pagkatapos ng kolehiyo. Isa ako sa mga iilang mas piniling maiwan sa lungsod na ito kaysa subukan ang buhay sa Maynila.

Katulad ng iba pang pagro-romanticize ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa Baguio, mayroong “something” na kahit gusto kong ipaliwanag ay hindi ko masabi (ng diretso). Sa pananaw ng mga hindi nag-aral sa Baguio at nakikita lamang ito bilang pasyalan, maaaring mababaw na dahilan ang klima at kaunting polusyon pero ang esensya ay mas malalim pa sa pag-ibig na walang hanggan. Keme lang.

Dumating ako sa Baguio noong 2005 para mag-aral. Ayaw ko naman talaga noong una kasi wala sa unibersidad na papasukan ako ang kursong gusto ko pero dahil dito na rin naman nag-aaral ang mga kuya ko, mas ginusto ng magulang ko na sa Baguio na rin ako mag-aral.

Malaki ang adjustment ko sa Baguio community. Ang unang buwan ko sa boarding house ay tungkol lamang sa bahay. Nakikinig lang ako sa Coldplay at Urbandub, nakakukot sa kama, at hinihintay lang na maihi ako o matae bago bumangon.

Sa eskwelahan, sa likod lang ako ng classroom, kumakain ng Skyflakes kapag lunch. May pagka-inferior ako noon dahil iba ito sa highschool. Mula probinsya tungong lungsod, para akong nalulunod sa kulturang bago sa akin. Hindi ako makasabay sa unang taon ko sa kolehiyo at pakiramdam ko bago ang lahat sa akin lalo na’t talagang mapipilitan kang umasa lamang sa sarili mo.

Sumali ako sa schoolpaper at sa iba pang organisasyon sa eskwelahan. Nakakilala din ako ng mga kaibigan at naging malapit ako sa iilang mga kaklase at blocmates. Natuto akong manigarilyo pero humina naman ako sa alak dahil wala naman akong perang pag-inom.
Noong tumagal, nawala na ang hiya ko at hindi ko alam kung paano akong naging aktibo sa iba’t ibang bagay sa loob at labas ng kolehiyo.

Mahal ko ang Baguio dahil malamig, tanghali man o gabi. Mahal ko ang Baguio dahil hindi ko kailangan ng pera kapag lalabas. Mahal ko ang Baguio dahil sa mga tao, mga kaibigan, at mga kaganapan humubog sa akin at sa aking mga paniniwala at pilosopiya sa buhay.
Hinubog ng kultura ng Baguio ang bagong “ako” at bagong pagtingin sa buhay. Natuto akong umibig at magparaya.. Natuto akong tanggapin ang mga kasawian at gawin itong asukal para sa mas matamis na tagumpay ng paglimot at pamamaalam.

Maaaring mas malaking bahagi ng pagkakabighani ko sa Baguio ang mga taong nakasama ko, na ngayon ay wala na at kumikilos sa ibang larangan, ibang daigdig. Maaaring dahil din ito sa pisikal na katangian ng lungsod – ang hamog, ang mga ilaw, ang kultura sa umaga at sa gabi, ang mga liwasang saksi sa lahat ng pagbabago sa buhay ko.

Tinatanong ko rin naman ang sarili ko. Bakit nga ba narito pa rin ako matapos ang lahat-lahat?

Marami din namang masasakit na alaala ang Baguio pero pinili ko pa rin ito kaysa sa maraming oportunidad sa labas. Mas pinili ko ang Baguio kaysa sa pag-ibig na hanggang ngayon ay hinahanap-hanap ko pa rin.

Sabi ng mga kaibigan kong nakabase na sa Maynila, ito ang sakit ng mga nag-aral sa Baguio – takot sa paglisan sa nakasanayan, sa comfort zone.

Hindi ko alam. Maaaring may katotohanan lalo na sa mga tulad kong ikinasal ang sarili sa kabundukan.

Hindi ko pa nakikita ang sarili kong umalis ng Baguio ngayong taon o sa susunod na taon. Handa pa rin naman akong masaktan sa tuwing nakikita ko sa Facebook ang taong gusto ko na piniling iwanan ako dahil sa distansya at layo. Habang buhay din siguro akong magsisisi dahil sa mga oportunidad na pinalagpas ko. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, mananatili ako dito hangga’t nais pa rin ng puso ko.

Patuloy akong magmamahal sa isang karelasyong umaaruga sa akin sa mga gabing ako’y nilalamig, nag-iisa, at nangangarap ng mga bagay na hindi ko mahahawakan hangga’t nakapako ako sa pangakong pag-ibig sa kabundukan. ###

-repleksyon mula North EDSA tungong Mandaluyong sa loob ng taxi

6 comments:

  1. Ang sarap basahin!

    Naalala ko noong unang taon ko sa highschool, ang ermats ko kinukundisyon ang utak ko na wag magdiliman. Mas kampante siya na nasa Baguio ako. Mas malapit sa bayan na kinalakihan ni ermats.

    Gusto ko noon na magBaguio. Kaya lang, wala sa Baguio ang kursong gusto ko, Bigla tuloy akong napaisip kung ano ang takbo ng buhay ko kung nasa Cordillera ako. Sa isang banda, ako ay naiinggit sayo.

    ReplyDelete
  2. Ang kabundukan ang iyong pag-ibig. Maraming bagay na mapalad ka at nararanasan mo ngayon. Ang kasimplehan ng buhay. Ang katihimakan at ang pagkakataong manamnam ang bawat sandali ng buhay at pagbabago. Di tulad sa lungsod, mabilis, maingay, magulo. Hayaan mo, ihahatid din sayo ng kabundukan ang pag-ibig na para sayo :) keme lang. Haha. Hindi raw yan hinihintay, kusang dumarating......

    ReplyDelete
  3. Ang ganda naman ng post na ito.

    "Sa pananaw ng mga hindi nag-aral sa Baguio at nakikita lamang ito bilang pasyalan, maaaring mababaw na dahilan ang klima at kaunting polusyon pero ang esensya ay mas malalim pa sa pag-ibig na walang hanggan."- feel ko yang sinabi mo hehehe...

    Seriously, I am from a very small city here in Italy. Ang Florence. Kung ikukumpara mo ang "lungsod" na ito sa super fashionable and financial city ng Milan at ang uber historical and religious Rome, sa sobrang laki ng mga cities na ito, ang Florence ay mukhang barrio lang. My friends there are so sophisticated kasi iba talaga ang buhay doon at ang mentality nila. When I visit them, I really feel like a provincial, a true blue-blooded promdi.

    But I'm not ashamed of it. Hindi ko ikinahihiya na wala akong pangarap o plano na manirahan sa mga malalaking siyudad. Totoo ang sinabi mo- maihahanlintulad talaga sa pag-ibig na walang hanggan ang nararamdaman mo sa isang napakagandang bayan na walang thrills na kayang ibigay ng mga metropolitan cities.

    Minsan inihalintulad ko ang sarili ko sa isang manunulat na si Orianna Fallaci. Sabi niya- dalawa daw ang kanyang patria or homeland- ang Florence at New York. For me it's the same. I have two hometowns- Laguna is my original hometown, and Florence is my adopted hometown.

    Dito na rin kasi ako nagbinata, nagkaisip, na in-love at nang-iwan, nagpakagago at nagbulakbol sa school, at kung anu-ano pa.

    Speaking of school, nakaka interest basahin ang mga entries ng mga school life ng ibang bloggers, kahit itong sayo. Wala kasi akong tinapos. Umalis ako ng Pilipinas second-year highschool noon ako at aspiring UP student (matalino daw kasi, hindi nila alam, makapal lang talaga ang mukha ko. Kasing bobo ko lang si Senator Sotto and Co. sa senado).

    Hindi ko gusto ang highschool and I always looked forward sa college life. Ewan. parang mas enjoying ang college life. What's so good about highschool. Looking back i feel so awkward and stupid. O siguro ako lang talaga ang ganon.

    And this is what i liked best about this entry- it showed a different kind of Baguio- naturally beautiful in its simplicity, and not something as a tourist spot. When something is so commercially featured parang nawawala na yung enchanting effect na meron talaga ang Baguio. Hindi ko kasi minsan trip yung "ano ang meron, anong event, anong festival". ang gusto ko, "ano ang makikita, matitikman, at ma-experience, and what it's like to walk down the street and live the life there." Hindi ko alam kung malinaw ba ang sinasabi ko.

    Anyway, hindi ako naniniwala na comfort zone ang manatili diyan. It is courageous in fact to see a different kind of future in your life by choosing to stay there instead of looking for a future in other lands. Naniniwala ako na ang hindi tumingin sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan. Your home will always direct your future.

    ReplyDelete
    Replies
    1. I feel you Sir. Maliit ang Baguio pero sinakop niya ang puso ko ng buong-buo.

      Delete