Thursday, 14 December 2017

Saglit pa, dito ka muna sa aking tabi

May dalang lungkot itong hangin ng Disyembre.
Hahalik at
ipapaalala ang lahat ng naganap nang isinilid sa nakaraan.

Bumabalik na 'sing linaw ng iyong mata -
anong pait ang tamis ng pag-ibig?
Bakit pa muling nalulungkot kung wala na?
Bakit sa huling buwan ng taon
ako nagkakaroon ng pagbabalik
sa "tayo."

Pagod na akong maghanap ng kapayapaan. At sa mga nakaraang buwan, sigurado akong hindi na kita naiisip ngunit sa huling buwan ng taon
ikaw
pa
rin
ang
biglang
naaalala.
Ikaw pa rin
Ang lahat.

Kung nasaan ka man, sana,
Sana ay nararamdaman mo rin itong lamig ng hangin, sana ay nararamdaman mo rin itong punyal na lamig sa iyong puso.
Umaasa akong
itong huling buwan ng taon ang magpapaalala sa iyo sa una't huli mong pagtanggi nang alukin kitang
"saglit pa,
dito ka muna sa aking tabi."

Umaasa akong ito na ang huling lungkot sa aking Disyembre. ###

Sagada, isang malamig na hapon




2 comments:

  1. Daming feels!!! Sarap nitong i-recite sa spoken poetry!!!!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat! Di ko pa nasusubukan yan! Hehe

      Delete