Showing posts with label pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label pag-ibig. Show all posts

Saturday, 1 June 2013

Dapithapon


May pelikulang ipinapalabas sa langit. Nagsisiliparan ang liwanag. Nag-uunahan ang mga larawan.
Tumigil saglit ang lahat ng nasa labas ng kani-kanilang bahay. Tumigil ang magbabalot sa paghiyaw. Sumilip si Aling Tinay mula sa bintana ng kanyang tindahan. Ang mga nagkakape’t naninigarilyo sa labas ng call center ay natigil. Lahat ng nasa Vergara Alley ay tumingin sa langit. Naantala pansamantala ang daigdig.
Lahat sila nalungkot. Lahat sila nangulila.
Nakalimutan na nilang umibig sa mahabang panahon.###

Sunday, 21 April 2013

Hating-gabi

I. 
Ilang pulgada lang pero parang lumalayo, lumalawak lagi ang ating pagitan.
Paano kaya ako matutulog sa susunod na mga gabi kung nasasanay na ako sa hilik mo? Paano kaya
bukas wala ka na, at babalik ulit ako sa simula.
II.
Nasanay na nga ba akong hindi nasasanay? Dumadalas na itong pangungulila sa mga bagay na hindi ko sakop, hindi teritoryo nitong itinakda kong pag-ibig.  
III.
Kukumutan muna kita ngayon ng pag-ibig kong inimbak sa puso ng bulubunduking Kordilyera, at pinatamis ng kape ng Kalinga.
Patayin na lang natin ang ilaw at magpanggap na walang darating na umaga.
###