Monday, 29 April 2013

Distansya

Kanina ko pa tinititigan ang
batok mo
mula sa likuran

o, gusto kong tabihan ka habang nagkakape 
habang nagkukuwento tungkol sa mga karanasan ko sa kanayunan 
tungkol sa ating pagkabata

gusto kong malaman kung gusto mo rin ba ng mga tula 
(gusto mo bang sulatan kita ng tula)
pareho ba tayo ng binabasa
pareho ba tayong may nunal 
sa paa

gusto kong hawakan ang iyong kamay
ikumpara ito sa init ng tasa ng kape

sa init ng aking puso

gusto kong sabihin sa iyo na kaya kong baliktarin ang mga salita, piliting huwag gumamit ng mga tuldok at comma

para lang sabihing
mahal na mahal kita
pero tanging titig lang mula sa likuran ang kaya kong gawin
nang hindi mo pa nalalaman.


### 

Sunday, 21 April 2013

Hating-gabi

I. 
Ilang pulgada lang pero parang lumalayo, lumalawak lagi ang ating pagitan.
Paano kaya ako matutulog sa susunod na mga gabi kung nasasanay na ako sa hilik mo? Paano kaya
bukas wala ka na, at babalik ulit ako sa simula.
II.
Nasanay na nga ba akong hindi nasasanay? Dumadalas na itong pangungulila sa mga bagay na hindi ko sakop, hindi teritoryo nitong itinakda kong pag-ibig.  
III.
Kukumutan muna kita ngayon ng pag-ibig kong inimbak sa puso ng bulubunduking Kordilyera, at pinatamis ng kape ng Kalinga.
Patayin na lang natin ang ilaw at magpanggap na walang darating na umaga.
###   

Tuesday, 16 April 2013

Ang Araw ng Pagtatapos para sa mga Kabataan ng Tineg

“Goodbye 4th Year.”

Ito ang nakasulat sa dingding ng isang gusali sa Caganayan National High School kung saan kami dumalaw. Para sa iba, natural lang namang maging sentimental sa papalapit na paglisan sa highschool patungong kolehiyo. Sabi nga nila, mas independent, mas exciting at bagong mundo. Pero para sa kabataan ng Tineg [na syang panglimang pinakamahirap na munisipyo batay sa datos ng NSCB – Poverty Incidence noong 2009 sa Cordillera], mas malalim ang kahulugan ng pagtatapos sa highschool.

Masaya ang mga bata kapag may pagtitipon sa kanilang 
lugar. Paminsan-minsan lang kasi sila makakita ng 
bagong mga mukha.
Isang educational discussion o Family Development Session kung tawagin sa aming programa ang aming isinagawa kasama ang ilang kabataan ng Brgy. Caganayan. Ito na ang pangalawa sa walong barangay ng Tineg na pinakamalapit o accessible tuwing tag-araw. Hindi bababa sa anim na oras ang biyahe lulan ng jeep papunta rito mula Bangued, Abra kung tag-araw. Ibang usapan ang tag-ulan dahil hindi na talaga kayang daanan ang lugar sa lalim ng putik at sa mga landslides. Mararating na lamang ito sa pamamagitan ng paglalakad/ pagha-hike. Ibang usapan rin ang Upper Tineg dahil talagang lakad at pagtawid sa ilog ng ilang araw kinakailangan.  Walang kuryente sa lugar na ito at iilang kabahayan lamang ang may kakayanan na gumamit ng mga maliliit na solar panel para sa ilaw. Isa rin sa mga problema rito ang access sa tubig kung kaya’t walang mga poso o gripo sa mga kabahayan. Sa ilog lahat nanggagaling ang pangangailangan, sa pagkain o pagsasaka man.

Tinipon namin ang mga kabataang taong 12-17 upang ibahagi ang tungkol sa kanilang mga karapatan at responsibilidad (Child Rights and Responsibilities). Sa tulong ng isang guro sa barangay, halos tatlong oras namin silang nakasama sa diskusyon na iyon.

Parte ng komunidad kung saan kami tumira. 
Sa bandang huli, kanilang ibinahagi ang mga saloobin ukol sa kalagayan ng kanilang munisipyo at kung ano ang magagawa nila bilang mga bata para sa kanilang komunidad. At hindi nga kami nagkamali nang malaman namin ang kanilang mga ninanais -- ang magkaroon ng kuryente at transportasyon sa lugar. At ayon sa kanila, para sa ikauunlad ng munisipyo, mag-aaral sila ng mabuti para makatulong sa kanilang bayan.

Bago kami umalis, ipinaalala namin sa kanila na mahalagang malaman nila ang kanilang karapatan at responsibilidad para malaman nila ang kanilang pangangailangan. Ang pagkamit sa mga pangangailangang ito ang siyang katulungan nila sa pagpapa-unlad ng kanilang mga pamilya, at lalo na ng kanilang bayan.

Sumabay kami sa jeep kasama ng mga pulis. 
Topload for six hours pabalik ng Bangued, Abra 
habang tirik na tirik ang araw. 
“Goodbye 4th Year.”

Malalim ang kahulugan ng mga vandalism sa likod ng eskwelahan. Wala naman nang ibang patutunguhan ang mga kabataang ito kung hindi ang harapin ang hamon ng buhay sa kanilang bayang matagal na panahon nang naging mailap ang kaunlaran. Mapalad pa nga sila at nakaabot sila ng 4th year hindi natulad ng kanilang mga lolo at lola na hindi man lang nakapag-aral dahil wala pang eskwelahan o di kaya’y malayo ang paaralan noon.

Mapayapa ang pamumuhay sa Tineg. Sa kapayakan ng pamumuhay dito, hindi na ninanais ng mga nakatira na umalis o pumili ng iba pang lugar sa Abra. Ika nga ng mga matatanda, dito na nabuhay ang kanilang mga ninuno, dito na rin sila mamamatay. Katulad ng iba pang mga tao sa ibang munisipyo sa Cordillera, hinihintay lamang nila na muli ay mabigyan ng pag-asa at pagkakataon ang kanilang bayan na makatamo ng kaunlaran sa kabila ng maraming hamon. 

###