Wednesday, 24 June 2015

Tawi-Tawi

Nagising ako sa tunog ng azan (call to prayer) mula sa isang malapit na mosque. Pang-apat na araw ko na dito sa Tawi-Tawi ngunit pakiramdam ko, ang tagal ko nang nakatira dito. 

Nasasanay na yata ako. Nasasanay na ako sa mausok na mga kalye ng Bongao at sa maingay na palengke nito. Nasanay na ako sa katahimikan, sa init ng klima, at sa lamig ng hangin tuwing alas kuwatro ng madaling-araw. 

Ngayon, hindi pa sumisikat ang araw, nakaramdam ako ng katahimikan habang pinapakinggan ang awit mula sa mosque. Naramdaman ko ang pagod na matagal ko nang iniinda. Naramdaman ko ang pagkaupos, ang pagkawala ng motibasyon sa maraming bagay. 

Ilang oras pa at babalik na ako sa Zambonga patungong Maynila at pauwi ng Baguio. Nakatakas ako pansamantala mula sa mabilis at magulong kagubatan ng siyudad. 

Iniisip ko, ang pagtakas ay hindi solusyon. Ang walang hanggan at mailap na katahimikan ay nasa ating mga sarili. Kailangan lang natin ng kaunting panahon ng pag-iisa at pagmumuni-muni. 

Masayang hanapin din ang sarili na nawala sa kabalintunaan ng buhay. ###    

Tuesday, 9 June 2015

Alas singko

Nagsisimula na ang lahat na mag-empake ng kanilang gamit pauwi. Mag-aalas singko na pero pareho yata tayong walang balak umuwi.
Nakakapanibago lang kasi minsan, mapapansin ko na lang na wala ka na sa cubicle mo lalo sa mga araw na sobrang dami ng mga gawain. Ngayon, himala yatang nasa opisina ka pa samantalanag ako ay sanay nang umaalis ng opisina ng walang araw.
"Tara. Siomai. Libre ko." sabi mo.
Hindi naman ako maarte pero noong sinabi mong mag-siomai tayo, hindi ako naniwala agad.
"Tara na. Di ba paborito mo ang siomai tsaka yung sunset sa SM hahaha " dagdag mo.
Sumama naman ako. Kasi gusto ko 'yun. Gusto kita.
Malamig ang hapon na 'yun. Wala akong dalang suot na jacket dahil sanay naman na ako habang ikaw naman ay suot-suot ang itim mong hoodie. Hindi naman awkward pero hindi lang yata akong sanay na kasabay kang maglakad paalis ng opisina papuntang SM. Yun yata ang pinakamahabang lakaran sa buhay ko. Mas mahaba pa sa mga trails sa kabundukang napuntahan ko.
Hindi naman kasi tayo ganooon ka-close. Sa inuman at kainan lang yata tayo nagkakasama o sa mga boring na meeting kung saan tayo nakakapag-yosi break. Wala akong ibang alam sa'yo maliban sa mag-isa mo dito sa Baguio at mahilig ka sa pusa. Na-inlove ka noon sa isang babaeng may iba. Na-tsismis ka noon sa isa pa nating ka-opisina. Mahilig kang kumanta. Madaling malasing.
Pero hindi mo rin ako kilala.
Nagba-blog ako tungkol sa'yo. Sinasadya kong humiram ng lighter tuwing makakasabay kang magyosi kahit may dalawang akong lighter sa opisina at sa bag. Pinapakinggan ko ang pinatutugtog mo tuwing alas dos ng hapon. Alam ko kung saan ka tumatambay tuwing Biyernes. Alam kong marami kang imbak na kape sa mobile ped at alam kong naglalaro ka ng Sims tuwing nabuburyong ka na sa trabaho.
May mga bagay na lilipas. Katulad ng sunset, katulad ng oras na ito. At sigurado akong isa rin ito sa mga bagay na hahayaan ko na lamang mangyari  at dumaan dahil alam kong hanggang dito na lamang - mga sunset ang laging pumupuno sa ating pagitan. ###