Wednesday, 23 August 2017

Laundry Day

"Kung liligaya ka sa piling ng iba..."

Ito ang tugtog sa loob ng laundry shop. Medyo may tampuhan yata itong mag-asawang may-ari ng shop. Kanina pa ipinapapatay ng lalaki ang tugtog. Nakatingin lang sa labas si ate. Itinangay ng jeep ang pag-iisip. Mabilis ang takbo ng mga sasakyan sa labas. Nakikisabay ang busina ng mga jeep sa boses ni Imelda Papin, kasabay ng ikot ng mga laundry machine. Paulit-ulit. 


Ito siguro ang musika nila araw-araw. Ganito sila umiibig at nagtitiis. ###

Tuesday, 18 April 2017

"Magnanakaw ng panaginip"

Inagaw mo ulit sa akin ang magdamag.

Bumabalik ka lagi

At lagi rin akong hindi handa.

Tatawid ulit tayo sa magdamag-

Ako- na laging nakapako sa gabi,
At ikaw na laging lumilisan pagsapit ng umaga.

Inaagaw mo sa akin ang himbing

Nang hindi ko namamalayan.
Tumatawid tayo sa magdamag at
Ako ang laging nauupos pagdating ng umaga,
Ikaw naman ang panaginip na hindi nabubura. 

Paano ako kikilos, paano ako

aalis sa aking kama? ###

Free write. Timecheck: 1:16am. Matulog na tayo.


Saturday, 11 February 2017

9.6°C dito sa Baguio

Limang minuto lang ang dumaan at malamig na lahat
mula sa kabilang dulo ng kama
hanggang sa kapeng kanina ko pa
natimpla. Ganito na lang lagi tuwing umaga.

Darating ka kaya?
Darating ka kaya?

Kay tagal nang sinabi mong "nandyan na"
Isang taon na akong
gumigising at
nagkakape
nang
mag-isa. 


###