Tinanong ko siya matapos ang mahabang intro, "So, anong gusto mo, lalaki o babae?" tanong ko.
Ngumiti siya ng kaunti. 'Yung tipong may sundot sa gilid ng labi na parang alam niyang aabot kami sa usapang ganoon.
Kasama ko siya araw-araw sa opisina. Isa o dalawang taon na yata ngunit madalang kaming mag-usap. Nasa IT department siya, nasa field operations ako. Hindi nagtatagpo ang mga mundo namin at laging nasa pagitan kami ng mga cubicle, steel cabinet, at printers. Ang pinakamahabang usapan namin na naaalala ko ay noong nagpatulong akong mag-install ng Adobe InDesign.
Ako: May installer ka?
Siya: Um, meron yata.
Ako: Pa-install naman...if di ka busy.
Siya: Sige.
Ako: Thanks poooooo. *pabebe*
Laptop: ...
Mesa: ....
Coffeemaker:...
Boss namin: .....
Sa mga ganitong office party lamang kami nagkakausap ng mas matagal at nakakapag-usap ng ng mas personal.
"So, ano nga? Okay lang namang di ka sumagot. Hahaha." pahabol ko.
"Um..." nagkagat labi muna siya bago sumagot at umayos ng pagkakasandal sa poste. Tumingin siya sa mga kasamahan naming nagvivideoke tsaka humithit ng sigarilyo. Tumingin siya sa akin.
"Depende. Hindi ko naman mapipili ang gusto ko. Basta masaya ako, at kung pakiramdam mo tama, wala namang isyu yun. Okay na sa akin kahit sino o ano pa siya."
Hindi ako umaasa ng matinong sagot pero pakiramdam ko ay nasa beauty pageant ako.
"Taray! Pak! Tangina! Ano na pota!" ang sabi ko sa loob-loob ko.
Marami akong follow up questions ngunit ni isa, walang lumabas sa aking bibig. May lamig itong hapon at tila napalibutan kami ng hamog na kanina pa nagbabantay sa aming ulunan. Malawak ang kalawakan, malawak ang Baguio, at pakiramdam ko, ako ang sentro de grabedad ng mundo sa mga oras na ito bago muling bumulong ang katotohanan sa aking kaliwang tenga:
"Huwag kang umasa."
Umalis na siya pabalik sa kumpulan habang hinihithit ko ang huling usok sa aking sigarilyo. ###
*titulo mula kay Puen ng Project S