Friday, 21 February 2020

"Sa Muli Nating Pagkikita"

1. Tahimik ang Sunshine Park noong huling sindi natin ng sigarilyo. May mga saglit na katahimikan sa pagitan ng paghithit-buga. Paulit-ulit. Paulit-ulit.

2. Saglit kang tumanaw sa langit, maganda ang sikat ng araw, masigla ang mga puno. Nagmamadali ang lahat - mga jeep, taong nagdaraan, ang daigdig. Tayo ay naiiwang nakaupo sa parke, nagbibilang ng mga minuto, ng oras bago magpasya. 

3. Alam natin noon, hindi na tayo babalik sa ganoong sitwasyon - nagpapalipas ng oras, namumuhay sa mga pagkaantala. Ang mga bagay, mga desisyong pipiliin natin mula sa araw na iyon ay siyang magtatakda ng ating hantungan. Nagdadalawang-isip ako noon, sigurado ka na. Nung araw na yun ay pinili nating magsulat tungkol sa mga sangandaan kahit na ang totoo'y ako lamang ang may alinlangan. Ako lamang ang walang sagot na sinabi mong aalamin mo "sa muli nating pagkikita." Nilisan natin ang liwasan nang hindi sigurado kung tayo'y magkikita pa o hindi na.

4. Ilang beses nating ibiniro ang kamatayan sa isa't isa at kinumbense ang mga sarili nating ito'y hindi maiiwasan. 

5. Sa huli, sa magkabilang panig ng daigdig tayo  napadpad. Gusto kitang maalala na masaya, katulad noong araw ng iyong kasal. Gusto kitang maalalang nakangiti habang nangungumusta kasama ng kape (ang huling araw din na tayo'y nagkita). Salamat, Finela.

###