Monday, 27 November 2023

Reunions

Higit 30 minutos na yata akong naghihintay para magload itong Canva page. Siguro, isang oras na rin akong nakatutok sa paggawa ng banner para sa batch reunion nitong Disyembre. Bukod sa pera (mandatory contribution) e ito na lang yata ang ambag ko bilang wala naman ako sa probinsya. At isa pa, wala akong balak um-attend sa reunion.

Matagal ko nang pinutol ang relasyon ko sa mga tao mula sa nakaraan katulad ng mga kaklase mula elementary hanggang kolehiyo. Mabibilang ko lang sa kamay ko yung nakakausap kong mga dating kaklase na naging kaibigan hanggang ngayon. Hindi ko naman sinasadya. Madalang akong umuwi sa probinsya kaya hindi na ako nakakasama sa outing or gatherings ng mga kaklase ng elementary o highschool. Hanggang sa hindi na rin ako invited kinalaunan. Hindi ko naman sila masisisi.

Sa papalit-palit ko ring account ng Facebook, mangilan-ngilan na lang din yung naging friend ko. Madalas yung masipag lang mag-add dahil intentional akong hindi rin naga-add unless may kailangan ako sa kanila. Besides, bukod naman sa paglalike or mandatory comments kapag birthday and all, hindi naman talaga kami nag-uusap. Pagkatapos ng mga lockdowns, yung nabuhay na group chat (project group, bloc group, school group, alumni group, etc.) ay isa-isang namatay. Bumalik lahat sa normal - tahimik.

Pero nitong nakaraang buwan nga, nabuhay itong group chat ng elementary batch dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng alumni homecoming. I find it weird na may alumni homecoming sa isang paaralan sa isang baryo na lagi namang nagkikita ang mga magkakaklase. Hanggang sa marealize ko na, oo nga naman, may mga katulad kong hindi na mahagilap ng mga kaklase ko noon. Kwento nga ng pinsan ko sa mama ko, kapag naririnig ng mga kaklase ko na umuwi ako ng bahay, nagdadalawang-isip sila kung dadalawin ako o hindi. Walang dalaw na nangyari, hindi rin naman ako lumalabas ng bahay. Kaya nagvolunteer akong gawin itong batch banner para sa souvenir program at pa-tarpaulin bilang ambag dahil balak ko ngang hindi pumunta sa reunion. 

Habang ginagawa ko ito, nagbalik ang mga kaganapan noong kabataan. Habang isa-isa kong nilalagay ang litrato ng mga kaklase ko, inaalala ko yung mga memorable na bagay sa kanila.

Si L, na sinampal ako noong grade 5. Si C, na transferee at laging nakikipagsuntukan. Si K, na laging partner sa sayaw. Si I na ka-loveteam ko noong grade 2, Si A na lagi kong katabi sa upuan, si M na pasimuno sa mga kabulastugan sa classroom. At marami-rami pang mga alaala na nagpapangiti sa akin ngayon.

Kay bilis ng panahon, at hindi mo rin talaga malalaman kung saan ka dadalhin ng mga desisyon mo sa buhay. Hindi ko maiwasang ikumpara ang sarili ko sa kanila. Kung sakaling darating ako sa alumni homecoming ay masasabi ko bang 'successful' ako sa buhay? Ang petty, oo. Pero ito yata problema kapag achiever ka as a pupil/ student tapos bigla mong narealize na ang liit-liit mong dust sa universe. Ito yata ang rason ko kaya pinili kong paliitin ang circle ko, maging lowkey (kunwari). Dumaan ako sa phase na nagmamadali. Hanggang sa napagod. Hanggang sa tumigil.

This reminds me of BINI's song na Karera (lowkey fangirl). Ang sabi ng kanta, "di naman dapat matulin ang pagtakbo...buhay ay di karera." Siguro, pinipressure ko ang sarili kong ma-achieve ang isang bagay na sa tingin ko ay indikasyon ng success sa aking edad pero nakalimutan kong mabuhay sa now, sa present. Subsob ako sa trabaho nitong nakaraang sampung taon at nakalimutan ko ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin - magbasa, bumiyahe (nang hindi work-related), umattend ng mga gatherings, maglandi, etc. 

O baka, hindi ko alam. May mga bagay pa akong pinoproseso sa sarili ko. Isang step siguro itong magreconnect sa mga elementary friends. Pero sigurado akong hindi lang ako ang nakakaramdam ng ganito. Hindi pa naman ito siguro midlife crisis (pero pwede rin kong 60-70 y/o ako mamamatay).

Genuinely happy naman ako sa mga ka-batch ko. Masaya siguro sa reunion kasi siguradong mala-piyesta ang kaganapan at magdamagan ang kwentuhan (at inuman).

Sa ngayon, itong paggawa ng banner muna ang aking sariling "alumni homecoming" o pagbabalik sa sarili at paghahanap sa mga bagay na nawala nitong nakalipas ng 20 taon.###