Sunday, 18 May 2014

Lunes, Maulap na Umaga

A,

Noong Pebrero ang huli nating pagkikita na siya ring huling dalaw ko sa UP. Tinapik mo pa ako at sabi mo, “oh nakita ko yun.” Ang tinutukoy mo ang 'yung pagyakap ko sa dati kong crush na nai-kwento ko sayo noon.

Hindi ko naman alam na sa muling pagpunta ko sa UP ay necrological service para sa'yo ang aking dadaluhan. May pamilyaridad ang pagpunta sa UP kahit gaano pa katagal akong hindi makadalaw o makabalik pero kanina, ibang lamig ang naramdaman ko kahit pa tirik na tirik ang araw.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Guilt o lungkot, hindi ko alam. Guilt dahil sa mga bagay na nasabi ko sa'yo kahit pa nagkaayos na tayo. Pakiramdam ko ay hindi sapat ang sorry para sa mga bagay na 'yun. Lungkot dahil sa isang banda, naging magkaibigan naman tayo at may pinagsamahan.

Ang huli nating seryosong usapan ay noong nagkape tayo para ayusin ang lahat ng bagay. Ilang beses mong tinanong na “minahal mo ba ako?” Ilang beses din akong tumangging sumagot. O pareho ba tayong nagbibiro noon?

Nakakamiss ka rin pala. Cliche. 

Kanina, gusto kong magsalita sa harap. Gusto ibahagi ang nararamdaman ko tungkol sa iyong pagkamatay pero nahiya ako.

Masayahin kang tao at marami kang taong napasaya. Ang iyong pagkamatay ay paalala na hindi permanente ang buhay sa mundo at dapat nating sulitin itong oras na mayroon tayo.

Huling-huli at maling-mali na sabihin ko ngayong “salamat” pero ito lang yata ang kaya kong sabihin sa kabila ng lahat. 

###   

1 comment:

  1. Sadness. People come. People Go. We just have to live in the moment. Sana nga lang, bago man lang tayo lumisan, lahat ng mga tanong natin ay masagot... Though, I guess, thats really impossible.

    ReplyDelete