Wednesday, 26 August 2015

Ang tunog ng pamamaalam

Ito 'yun:

Noong isinara mo ang pintuan ng aking kuwarto at hindi ka na bumalik.

Noong nagkasalubong tayo sa Session Road at hindi mo ako tinignan. 
Noong sumakay ako ng bus isang madaling-araw, yakap-yakap ang lamig ng buong kalunsuran. 

Ito ang tunog ng pagtatangka kong kalimutan ka. ###




Saturday, 15 August 2015

Burnham Park 2010

Sa burnham park, nawawala ang galit at pag-ibig, naiintindihan ang pagkakakilala sa pagiging anonymous, ang nakalipas sa kasalukuyan, ang totoo sa hindi.

Sa burnham, lumalaya ang salitang pag-ibig sa iba't ibang paraan na hindi kailangang magwakas ng masaya o sa isang trahedya.

Sa burnham, ikaw ang huling ulap na tatakip sa maliwanag, malamig, at mabilog na buwan.
###

Wednesday, 5 August 2015

Hantungan

K:

Ito na ba ang araw na yun?

Naaalala mo 'yung usapan natin na ayaw nating tumanda, na dapat mamatay tayo ng maaga? Katulad sa Norwegian Wood, mananatili tayong bata kasi
'ayaw nga nating tumanda.
Ayaw nating mag-isang tumanda.
Ayaw nating mag-isa.

Ang sabi mo, mamamatay ka siguro kapag 33 ka na. Mamamatay ka sa cancer. Ang sabi ko naman, sana kapag namatay ako, isang pikit lang tapos hindi na ako magising.

Kanina, naalala ko ang usapan natin. Kanina, habang naghihintay ako sa ospital, naalala ko ang usapan natin.

Sabi ko pa noon sa iyo, baka hindi ako umabot ng 28 dahil sa lifestyle ko. Kanina sa ospital naalala ko lahat ng sinabi ko.

May nagbabadya sa mga alaala ngunit hindi ko lang sigurado kung ano.

Sa unang pagkakataon yata, nalunod sa katahimikan ang buong ospital habang nananalangin ako na sana
hindi ito cancer. ###