Sunday, 24 June 2018

Parbangon

Parbangon.
May hindi sinasabi ang mga dahon.
Sa pagitan ng liwanag at dilim, nakabantay sila sa bawat yapak, bawat hingal, at bawat pagtatangkang huwag mangamba.
Hindi nila sinasabi ang ngalan ng mga nauna, mga nag-iwan ng mumunting bakas.
Hahayaan ka nilang sundan ang mga daang natahak,
mga bundok na hindi mo akalaing may lalim tulad ng dagat,
may lawak tulad ng kalawakan.
Hindi nila sinasabi
na ang mga ngalan ay hindi na muling mabibigkas kailanman ngunit
hindi ito paglimot. Ito ay pagpapatuloy
at pagpapaalala. 
May lihim ang mga dahon. ###

Saturday, 16 June 2018

Malungkot ang lungsod

Kasama yata nitong ulan ang lungkot. Maghapon nasa kama ngumit maghapon ding pagod.

Bubuksan ang Instagram at makikita kang masaya na hindi na ako ang kasama. Magdi-deactivate ng Facebook, ng Instagram, etc.

Tanghaling tapat pero nakatambay pa rin sa kama. Titingin sa bintana. Maulap pa rin. Malamig pa rin. Maulan pa rin.

May kasama talagang lungkot itong ulan. Naalala ko bigla yung tulang naisulat ko noon, ganito rin yata ang pakiramdam ko ngayon - "tag-ulan sa aking dibdib at hindi ka kasama."###