Wednesday, 20 November 2024

Pagkikita

Kay daming tunggaliang kinakaharap araw-araw, kay daming masamang balitang bumubungad sa balita minu-minuto tapos

magpapakita ka bigla, susulyap mula sa tabing mesa na parang estrangherong nagkasalubong lang sa isang ordinaryong araw?

Kay daming tunggalian sa mundo, hindi ko na kailangan ng isa pa na iisipin ko pagkauwi ng bahay.###

Tuesday, 3 September 2024

Setyembre 4, Isang Maulang Madaling-Araw

K,

Ganito rin ang pakiramdam noong panahong nag-uusap pa tayo. 

Habang kumakatok ang hangin sa bubong ng luma kong boarding house, pinipilit kong pakinggan ang kantang pinipilit mong iparinig sa akin mula sa kabilang linya. Kahit hindi ko napakinggang mabuti, sinabi ko na “ang ganda” at kung hindi mo pa ipinadala sa akin ang title ng kanta ay hindi ko maaalala.

Ilang buwan rin tayong napupuyat hanggang 3am para mag-usap tungkol sa maraming bagay. Yung mga pangarap mo, yung inis mo sa boss mo, kung gaano nakakatamad lumabas para magkape (dahil lagi akong nasa bar o cafe habang nasa bahay ka lang), kung gaano mo ako gustong makita, kung paano tayo magkikita. 

Hindi ko ini-entertain yung thought na magsama tayo - yung aakyat ka para tumira dito. Hindi ko alam pero noong mga panahong iyon, hindi ako handa sa mga bagay na pwedeng pagmulan ulit ng masasakit na alaala.

Ilang buwan din tayong nagpapalitan ng mga paboritong kanta at pelikula, na hindi ko naman pinakikinggan o pinanunuod ng buo. Ilang buwan din tayong puyat, at papasok sa trabaho nang walang energy, at naghihintay ng 5pm para magkape, uminom, at tawagan ang isa’t isa. Noong mga panahon iyon, nararamdaman ko na mas handa ka kaysa sa akin. Nararamdaman ko na mas marami kang kayang ibigay kaysa sa akin. 

Ilang linggo at buwan, at bigla kang nawala. Walang pasabi. Walang tawag, text, o message sa Messenger. 

Ilang buwan ulit, tsaka ka nagmessage ng “Sorry. I’ve been an asshole.” Hindi na tayo nag-usap gaya ng dati mula noon. Hanggang sa hindi na tayo nag-uusap. 

Dito ko napatunayan na kahit gaano ko kagusto ang isang tao, kay dali sa akin ang dumistansya, maging ang magparaya, magpaalam.

Paminsan-minsan, kapag naiisip kita, tuwing madaling-araw, pinapakinggan ko ang mga kantang ipinakilala mo sa akin, pinanunuod ko ang mga pelikulang inirekomenda mo sa akin, sumisilip sa iyong account kahit hindi ka naga-update. At sa pagitan ng pagpupuyat at pag-alala, iniisip ko, kay tagal na ng sampung taon pero tuwing Setyembre at umuulan ay naalala kita. ###

Sunday, 19 May 2024

Saglit na pag-alala

Ang sabi ko noong umalis ka, mabubuhay ako sa present dahil ganoon ka - masayahin at laging nakangiti. Sampung taon na ang nakararaan, hindi pa ako masyadong nakausad. Kay dami nang nangyari, kay rami na ring umalis. 

Maaga ang ulan ngayon di katulad noong nawala ka. Panahon lang yata ang nagbago, hindi ang mga pusong naglalagalag para sa mga bagay na wala o nawala na. #

Isang pag-alala: https://mgaespasyo.blogspot.com/2014/05/isang-maulap-na-umaga-ng-lunes.html#comment-form

Monday, 27 November 2023

Reunions

Higit 30 minutos na yata akong naghihintay para magload itong Canva page. Siguro, isang oras na rin akong nakatutok sa paggawa ng banner para sa batch reunion nitong Disyembre. Bukod sa pera (mandatory contribution) e ito na lang yata ang ambag ko bilang wala naman ako sa probinsya. At isa pa, wala akong balak um-attend sa reunion.

Matagal ko nang pinutol ang relasyon ko sa mga tao mula sa nakaraan katulad ng mga kaklase mula elementary hanggang kolehiyo. Mabibilang ko lang sa kamay ko yung nakakausap kong mga dating kaklase na naging kaibigan hanggang ngayon. Hindi ko naman sinasadya. Madalang akong umuwi sa probinsya kaya hindi na ako nakakasama sa outing or gatherings ng mga kaklase ng elementary o highschool. Hanggang sa hindi na rin ako invited kinalaunan. Hindi ko naman sila masisisi.

Sa papalit-palit ko ring account ng Facebook, mangilan-ngilan na lang din yung naging friend ko. Madalas yung masipag lang mag-add dahil intentional akong hindi rin naga-add unless may kailangan ako sa kanila. Besides, bukod naman sa paglalike or mandatory comments kapag birthday and all, hindi naman talaga kami nag-uusap. Pagkatapos ng mga lockdowns, yung nabuhay na group chat (project group, bloc group, school group, alumni group, etc.) ay isa-isang namatay. Bumalik lahat sa normal - tahimik.

Pero nitong nakaraang buwan nga, nabuhay itong group chat ng elementary batch dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng alumni homecoming. I find it weird na may alumni homecoming sa isang paaralan sa isang baryo na lagi namang nagkikita ang mga magkakaklase. Hanggang sa marealize ko na, oo nga naman, may mga katulad kong hindi na mahagilap ng mga kaklase ko noon. Kwento nga ng pinsan ko sa mama ko, kapag naririnig ng mga kaklase ko na umuwi ako ng bahay, nagdadalawang-isip sila kung dadalawin ako o hindi. Walang dalaw na nangyari, hindi rin naman ako lumalabas ng bahay. Kaya nagvolunteer akong gawin itong batch banner para sa souvenir program at pa-tarpaulin bilang ambag dahil balak ko ngang hindi pumunta sa reunion. 

Habang ginagawa ko ito, nagbalik ang mga kaganapan noong kabataan. Habang isa-isa kong nilalagay ang litrato ng mga kaklase ko, inaalala ko yung mga memorable na bagay sa kanila.

Si L, na sinampal ako noong grade 5. Si C, na transferee at laging nakikipagsuntukan. Si K, na laging partner sa sayaw. Si I na ka-loveteam ko noong grade 2, Si A na lagi kong katabi sa upuan, si M na pasimuno sa mga kabulastugan sa classroom. At marami-rami pang mga alaala na nagpapangiti sa akin ngayon.

Kay bilis ng panahon, at hindi mo rin talaga malalaman kung saan ka dadalhin ng mga desisyon mo sa buhay. Hindi ko maiwasang ikumpara ang sarili ko sa kanila. Kung sakaling darating ako sa alumni homecoming ay masasabi ko bang 'successful' ako sa buhay? Ang petty, oo. Pero ito yata problema kapag achiever ka as a pupil/ student tapos bigla mong narealize na ang liit-liit mong dust sa universe. Ito yata ang rason ko kaya pinili kong paliitin ang circle ko, maging lowkey (kunwari). Dumaan ako sa phase na nagmamadali. Hanggang sa napagod. Hanggang sa tumigil.

This reminds me of BINI's song na Karera (lowkey fangirl). Ang sabi ng kanta, "di naman dapat matulin ang pagtakbo...buhay ay di karera." Siguro, pinipressure ko ang sarili kong ma-achieve ang isang bagay na sa tingin ko ay indikasyon ng success sa aking edad pero nakalimutan kong mabuhay sa now, sa present. Subsob ako sa trabaho nitong nakaraang sampung taon at nakalimutan ko ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin - magbasa, bumiyahe (nang hindi work-related), umattend ng mga gatherings, maglandi, etc. 

O baka, hindi ko alam. May mga bagay pa akong pinoproseso sa sarili ko. Isang step siguro itong magreconnect sa mga elementary friends. Pero sigurado akong hindi lang ako ang nakakaramdam ng ganito. Hindi pa naman ito siguro midlife crisis (pero pwede rin kong 60-70 y/o ako mamamatay).

Genuinely happy naman ako sa mga ka-batch ko. Masaya siguro sa reunion kasi siguradong mala-piyesta ang kaganapan at magdamagan ang kwentuhan (at inuman).

Sa ngayon, itong paggawa ng banner muna ang aking sariling "alumni homecoming" o pagbabalik sa sarili at paghahanap sa mga bagay na nawala nitong nakalipas ng 20 taon.###

Saturday, 27 February 2021

Kumusta?

Bigla akong naluha habang nakikinig sa These Dreams ng Heart. Kay tahimik ng gabi, kay lamig ng Baguio. Andito akong nagtatanong bigla sa sarili ko kung bakit ako nakararamdam ng lungkot. Andito ba ulit ako sa hangganan? 

Sunday, 21 June 2020

Isang umaga ng Sabado

Dumating ng maaga ang ulan para kay Joseph. 

Alas singko ng umaga pa lamang ay nagising na siya; di katulad ng mga araw na may pasok siyang nagigising ng alas siyete o alas otso. Pero di ito tulad ng mga ibang gising - may katahimikan sa unang dilat ng mga mata niya. Walang bakas ng panaginip, walang naiwang antok. Ang tanging nararamdaman niya sa sandaling yun ay ang pagtigil ng oras, pag-aagaw ng liwanag sa mga anino. 

Lumingon siya sa direksyon ng bintana. Nagliliwanag na sa labas. 

Diyos ng madaling-araw

Dumarating siya tuwing madaling araw
at pinupulot paisa-isa ang mga nawasak kong panaginip. 

Isisilid niya sa ilalim ng unan at aalis nang hindi nagpapaalam.

Friday, 21 February 2020

"Sa Muli Nating Pagkikita"

1. Tahimik ang Sunshine Park noong huling sindi natin ng sigarilyo. May mga saglit na katahimikan sa pagitan ng paghithit-buga. Paulit-ulit. Paulit-ulit.

2. Saglit kang tumanaw sa langit, maganda ang sikat ng araw, masigla ang mga puno. Nagmamadali ang lahat - mga jeep, taong nagdaraan, ang daigdig. Tayo ay naiiwang nakaupo sa parke, nagbibilang ng mga minuto, ng oras bago magpasya. 

3. Alam natin noon, hindi na tayo babalik sa ganoong sitwasyon - nagpapalipas ng oras, namumuhay sa mga pagkaantala. Ang mga bagay, mga desisyong pipiliin natin mula sa araw na iyon ay siyang magtatakda ng ating hantungan. Nagdadalawang-isip ako noon, sigurado ka na. Nung araw na yun ay pinili nating magsulat tungkol sa mga sangandaan kahit na ang totoo'y ako lamang ang may alinlangan. Ako lamang ang walang sagot na sinabi mong aalamin mo "sa muli nating pagkikita." Nilisan natin ang liwasan nang hindi sigurado kung tayo'y magkikita pa o hindi na.

4. Ilang beses nating ibiniro ang kamatayan sa isa't isa at kinumbense ang mga sarili nating ito'y hindi maiiwasan. 

5. Sa huli, sa magkabilang panig ng daigdig tayo  napadpad. Gusto kitang maalala na masaya, katulad noong araw ng iyong kasal. Gusto kitang maalalang nakangiti habang nangungumusta kasama ng kape (ang huling araw din na tayo'y nagkita). Salamat, Finela.

###

Monday, 30 September 2019

Pansamantala

May isang hapong nasa taas ako ng isang burol sa Mabua (Surigao City). Tanaw ko ang malawak na dagat na may iba-ibang kulay ng asul. Malamig ang yakap ng hangin at ang mga puno ng niyog sa gilid ng dagat ay sabay-sabay na sumasayaw. Gusto kong tumigil ang daigdig noon pero patuloy sa paglalim ang mga anino tungong gabi. Kailangang bumaba, kailangang bumalik sa reyalidad. 

Ito yung panahong inaalala ko ang kamatayan (dahil sa pagpanaw ng isang kapamilya). Ano nga ba ang meron pagkatapos ng hangganan? Alam kong darating din lang naman tayo sa dulo ngunit naiisip ko lang: bakit tayo nabubuhay sa lungkot, galit, at poot? Nakakapagod lumaban araw-araw.

Dito muna ako. Dito muna.  ###