Tatapusin ko ang oras, araw, at buwan na ito sa ganitong kaganapan. Ganito ang uwian tuwing hapon, ganito ang pagluluksa at pagdiriwang, ganito ang katahimikan at kalungkutan, ganito ang kontradiksyon, ang pag-ibig, ganito ang lahat-lahat tungkol sa akin at sa iyo. ###
Saturday, 29 June 2013
Wednesday, 26 June 2013
Langit
Iniisip ko,
sana’y tayo’y mga ulap na kailanman ay
hindi mawawala.
Lagi lang tayong nakadungaw sa kalawakan, at hinihintay
lagi
itong init ng umaga at lamig ng magdamag.
Hindi nangangamba kung magbago man itong daigdig
pagka’t lagi,
lagi tayong naririto sa ating kinaroroonan. Nag-aabang o
naghihintay, at tiyak na hindi magmamaliw.
Nakatitig sa isa’t isa. Tahimik man ay siguradong isinasambit
lagi sa hangin ang mga katagang
‘minamahal kita.’ Hindi magwawakas sa paglimot. ###
Wednesday, 19 June 2013
Ang kalungkutan ayon kay Bon Iver
Madaling-araw na noong ipinarinig niya sa akin mula sa kabilang linya ng telepono ang kanta. Hindi ko maintindihan 'yung lyrics. Pero sabi ko, 'uy ang saya naman niyan.'
'Yun na 'yung huling usap namin tungkol sa mga paborito niyang kanta. Sabi nya, para sa akin daw 'yun. Naalala ko lang, pinakinggan ko ulit at binasa ang lyrics.
###
Thursday, 13 June 2013
Sa Vergara Alley
Tumingala ako sa langit. Umaambon ng kalungkutan.
Binabasa nito paunti-unti ang aking pisngi, pilik-mata, labi at buhok at palad at mga bubong, ang daanan.
Naninilaw ang paligid. Pakupas itong alaala. Katulad noong minsang humingi ako ng sigarilyo sa’yo, dito rin, sa ilalim ng streetlight, may pamamaalam, di tiyak na distansya, di tiyak na muling pagkikita, na laging sumasagi sa aking nalulungkot na isipan.
Napakakipot ng eskinita ng Vergara ngunit lubhang malawak ito para sa aking pag-iisa.###
Saturday, 1 June 2013
Sulat I
X,
Nakita ko na yung picture niyo. Sabi ko sa kaibigan ko naka-move on na ako. Pangatlong shot 'yun ng vodka. Sabi ko, wala nang dahilan para hindi umusad sa buhay. Masaya ka naman. Masaya ako kapag masaya ka. Tangina mo John Lloyd Cruz.
Masaya naman ako talaga. Tuwing alas-sais nga, pagkatapos ng trabaho, pumupunta ako sa tambayan nating cafe tapos magbabasa ng mga tula ni Pablo Neruda. Sinong matinong tao ang gagawa noon? Gago.
Masaya naman talaga ako. Paminsan-minsan, nagpapadala lang ako sa mga kalungkutan. Hindi lang naman tungkol sa iyo. Tungkol sa trabaho, tungkol sa sweldo, tungkol sa alak, at sa trapik. Pero alam mo, kapag nalulungkot ako sa mga bagay-bagay, naaalala kita. Ikaw yata ang diyos ng kalungkutan at hindi mo nakalilimutang dalawin ako lagi, madalas.
Isinusulat ko ito dahil nalulungkot ako. At tuwing binabalik-balikan ko ang mga larawan natin noong huli tayong nagkita, kung saan ginawa mong malinaw na nasa point A ako at ikaw ay nasa point B, gumagaan naman lahat. Isang shot lang ito. Tumigil na kasi akong manigarilyo. Nasa proseso pala.
Kapag nararamdaman ko nang nalulunod na ako sa sarili kong kalungkutan, naaalala kita. Inililigtas mo lagi ako sa sarili kong kalungkutan.
Lilipas din ito katulad ng lahat ng mapait na nangyari sa atin.
May matamis ding alaala ang lahat. Hindi ko lang nalalasahan ng lubos ngayon.
-E
###
Dapithapon
May pelikulang ipinapalabas sa langit. Nagsisiliparan ang liwanag. Nag-uunahan ang mga larawan.
Tumigil saglit ang lahat ng nasa labas ng kani-kanilang bahay. Tumigil ang magbabalot sa paghiyaw. Sumilip si Aling Tinay mula sa bintana ng kanyang tindahan. Ang mga nagkakape’t naninigarilyo sa labas ng call center ay natigil. Lahat ng nasa Vergara Alley ay tumingin sa langit. Naantala pansamantala ang daigdig.
Lahat sila nalungkot. Lahat sila nangulila.
Nakalimutan na nilang umibig sa mahabang panahon.###
Subscribe to:
Posts (Atom)