Friday, 27 December 2013

Bago matapos ang taon #3

Ilang beses ko nang isinasadula sa isip ko ang ating muling pagkikita:
Mananahimik ang paligid.
Mag-aantay ng tunog.
Ilang pulgada lang ang pagitan natin.
Malayo ang tingin.Walang hangganan.
Lagi akong handa (at hindi handa) sa iyong pagbabalik.
Paano ba? Paano ko sasabihing
ikaw lang naman ang kaya kong isalba sa tuwing ninanakaw ng
pagtanda ang lahat,
na lagi’t lagi ,
may nakalaang kuwarto sa aking gunita para sa iyong ngiti, mukha
na lagi kong binibisita tuwing
nangungulila.
Ganito kaya talaga ang hindi paglimot?
Ilang beses na sigurong sumagi sa iyong isipan
ngunit piniling itapon kasabay ng paglayo, pagsakop
ng distansya?
Ito lang, patawad, ang kaya kong gawin
tuwing nakikinig sa tunog ng katahimikan:
Ang isiping sa ating muling pagkikita, tatanungin mo sa akin,
‘Maaari ba akong bumalik sa aking kuwarto?’
Magsisilipiran ang lahat ng pangamba, makikinig ang Sagada
sa mga salitang naantala sa dila:
‘Hindi ka naman nawala dito.’
###

3 comments: