I.
Ganito iyon: Kung makikinig ka nang mabuti,
mauulinigan mo ang aking alingawngaw na parang hanging
umuuwi sa kabilang pampang, hampas ng tubig sa malalaking bato,
o tinig na humihingi ng saklolo mula sa pinakailalim ng bangin.
Kapag inilapit mo pa ang iyong tainga,
baka marinig mo ang paggaralgal ng aking boses
na parang hinahalong inumin sa loob ng pitsel, nanlalagkit sa gasgas
ng pagkaaligamgam at duro ng mapaglarong dilang-kutsara.
Kapag lumapit ka pa, sige, halika
lumapit ka pa, mawawala ang tunog, garalgal, gasgas
at sagasa ng mga salita mula sa aking bibig patungo sa iyong tainga.
Sapagkat hahalikan kita at saka mo pakinggan
ang mga sinusukat mong akala.
II.
Ganito iyon: kung lalayo ka ng tatlong hakbang
mula sa aking kinauupuan, magkakaroon ng mesa
at puting-puting mantel at sabihin na nating may mataas na kandila
sa pagitan natin. Sinisigurado ko na hindi kita papasuin.
Kung lalayo ka pa ng sampung hakbang
maaapakan mo ang basag na pinggan sa sahig
ngunit tulad ng maraming lumang pelikula, wala kang maririnig
na tunog ng pagkawasak, kahit ang iyong hiyaw sa hapdi sa sugat
ay magiging mga salitang sinakmal ng saknong sa ilalim ng eksena:
Sumigaw ang Lalaki.
Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay.
Kung lalayo ka ng isandaang hakbang
nakaupo ka na sa loob ng bus, sa iyong kanan
ay ang bintana: ang kalsada, ang lungsod, ang gabi,
ang mga tala at pagkaantala. Sa iyong harap, isang pagod na konduktor,
ipinamasaheng pagkakataon at isinukling pagkaligta.
Kung lalayo ka pa ng ilang kilometro, isang milya,
Tutunog ang katabi mong telepono sa loob ng opisina,
at sa ganito kalayong distansiya, ibubulong ko kung
natatandaan mo pa ba ang pangalan ko?
###