Tuesday, 17 September 2013

Sa Kanto Bonifacio

“Dalawang stick nga po ng green,” sabi ko kay manang. Matagal na yata akong hindi nagagawi sa kantong ito. Bukod sa kaunti ang estudyanteng tumatambay ngayong araw na ito, tatlong puwesto ng karinderya yata ang inaayos.
Makipot pero matao ang lugar na ito. Bukod kasi sa tabi nito ang pinakamalaking unibersidad dito sa Baguio, isa rin siyang major na daanan ng mga jeep.
“2.50 isa ha,” paalala ni manang. Inabot ko ang limang piso, nagsindi tsaka tumalikod para humithit ng sigarilyo.
Pulu-pulupot na ang mga wires sa katapat kong electric post. Makulimlim pero maalinsangan ang pakiramdam. Amoy guma. Amoy basura.
Hithit-buga. Parang tambutso lang ng mga jeep na dumadaan ang bunganga ko. Hithit-buga. Napagod yata ako sa maghapong trabaho, at lumulutang ang isip ko katulad ng usok galing sa baga ko.
Ilang saglit lang, lumapit sa akin ang isang bata. May kulay ng pula ang buhok na medyo mahaba. Parang ‘yung buhok ng stereotype na emo punk, mas magulo at dugyot nga lang. Maluwang ang damit niyang kakulay ng lupa. Sa sobrang haba at laki, hindi ko na makita ang shorts niya. O kung may shorts nga ba siya. Nakapasok sa sleeves ng damit niya ang kamay niya.
“Kuya, pahingi pera.”
“Wala akong pera.”
Tumalikod ako at hinintay ko siyang umalis. Pero nandoon pa rin siya.
“Kuya, sige na. Pera,” sabi niya ulit.
“Wala. Wala akong pera.”
Biglang nagsalita si manang.
“Walang pera ‘yan. Estudyante ‘yan” sabi niya.
Tumingin lang sa akin ang bata. Itinakip sa ilong at bunganga ang kuwelyo ng damit. Huminga ng malalim tsaka umalis.
“Pukinginang bata ‘to ah.”
Humithit ulit ako ng yosi. May dumaan pang apat na batang katulad niya.
“Itong mga batang ito, nagra-rugby tapos hihingi ng pera” sabi ko habang kumukuha ng candy sa mga paninda ni manang.
“Napabayaan ng magulang eh” sagot niya.
Inabot ko ang isang piso. Hinithit ang huling usok mula sa yosi. Ipinahid ang sindi nito sa talampakan ng sapatos ko. Binalatan ang candy at isinubo sa bunganga. Hinanap ko ang basurahan.
Dumating agad ang jeep. 
Sadyang marami ang nagbago sa kantong ito, pangalan na lang ang naiwang pamilyar sa akin. ### Hunyo 2011

5 comments:

  1. Hindi ko mapigilang pansinin kung paano mo ito kinuwento

    Payak ngunit malalim

    ReplyDelete
  2. okay ah.... nagpapakita ito ng tunay na realidad ng buhay...

    ganyan talaga....

    keep on writing... ^^

    ReplyDelete