Monday, 2 September 2013

Tungkol sa On the Job (OTJ)

Sa simula, habang nagdiriwang ang mga tao sa piyesta ng San Juan, ibang pagdiriwang naman ang pinaghahandaan nina Daniel (Gerald Anderson) at Tatang (Joel Torre). Walang kaabog-abog na babarilin ni Tatang ang target na Chinese businessman sa dibdib at sa noo. Makikita mo ang pagkawasak ng mukha at paglabas ng utak ng biktima.

Magkakagulo ang mga tao habang payapang aalis si Tatang na hindi mo makikitaan ng pagsisisi o pag-aalinlangan. Ito ang buhay ng mga bayarang preso na ginagamit bilang mga invisible weapon ng mga may kapangyarihan. Ito ang On the Job (OTJ).

***

Galit at kawalan ng pag-asa ang umiiral na motibo ng pelikulang OTJ.  Ibinabahagi ng pelikula sa mga manunuod ang motibong ito ng walang pagpipilit.

Ambisyoso si Erik Matti sa piniling genre at tema para sa pelikulang OTJ ngunit hindi siya nabigong bigyan ng larawan ang nakaririmarim na katotohanan sa lipunang Pilipino.

Sa panahong ginagawang bata ng mga mainstream films ang mga Pinoy sa pamamagitna ng mga rom-com, comedy, at horror movies (na karamihan ay mula rin sa Star Cinema), bago sa panlasa ng mga manunuod ang OTJ. Madilim at mabilis ang kabuuan ng pelikula ngunit hindi mararamdaman ang pagkaumay sa dami ng mga pagmumura nina Daniel, Tatang, at Acosta (Joey Marquez). Habang gumigiling ang istorya, dinadala ka nito sa lalim ng mga karakter ng OTJ.

Hindi na siguro kailangan pa ng debate pagdating sa katalinuhan sa pag-arte ni Joel Torre. Salungat sa imahe niya bilang Tatang sa loob ng kulungan ang kanyang pagiging tatay kay Tina (Empress) at asawa sa nangangaliwang si Lolet (Angel Aquino).

Nasabayan naman ito sa atakeng ginawa sa karakter ni Francis (Piolo Pascual), Daniel, at Acosta. Pinapalawak ngunit napanghahawakan ng pelikula ang kontradiksyon ng bawat karakter na hindi lamang nakakulong sa sentral na tunggalian – sa pagitan ni Francis at ng grupo ni Tatang – ngunit umaalpas sa kani-kanilang mga pamilya’t kaibigan na kumakatawan sa mas ordinaryong mga Pilipino. 
  
Napatunayan din ng pelikula na hindi kailangang i-resolba lahat ng naipakitang tunggalian bagkus binibigyan nito ng kakayahan ang mga manunuod na mag-isip. Hindi man nabanggit, alam na natin ang kahihinatnan ng karakter ni Nikki (Shaina Magdayao) na mas pipiliing tumahimik at sumunod sa amang (Michael de Mesa) kasabwat sa pagkamatay ng sariling asawa (Francis).

Alam na rin nating hindi kailanman mapaparusahan si General Pacheco (Leo Martinez) na siyang utak sa assassinations ng kanyang mga kalaban at pagkamatay ng mga ahenteng may alam sa transakyon sa kulungan. Alam na rin nating hindi kailanman mababago ang namamayaning sistema, ang pag-upo ng katulad ni General Pacheco sa gobyerno.

Samantala, maikli ngunit mahusay naman ang pagganap ng ilang kilalang artista na nagkaroon ng cameo roles sa pelikula katulad nina Rosanna Roces at JM de Guzman ganun din sina Dawn Balagot at Angel Aquino. Sila ang mga kabataang lulong sa droga, mga nanay na walang ibang ginagawa kundi umasa sa asawa, at mga taong walang kamalay-malay sa lalim ng sugat ng Pilipinas.

Mahusay na naihabi ang mga karakter sa pelikula na kahit sandali lamang ang papel ng iba ay parang kilala mo na sila ng matagal. Minsan sa buhay mo ay nakilala mo rin sina Lolet, Tina, Diana (Dawn Balagot), etc.

Pinatay ng pelikula ang pag-asang paglaya ni Tatang sa kulungan sa pamamagitan ng pagpatay nito sa estudyante at anak-anakang si Daniel. Nakakitaan ng puso, hindi puro karahasan, ang pelikula sa tagpong nagpapaalam na si Daniel kay Tatang. 

Bagama’t hindi gaanong kailangan, mapangahas din ang mga sex scenes nina Piolo-Shaina at Gerald-Dawn walang pag-aatubiling nagpakita ng katawan.

Hindi katulad ng ibang karaniwang action scenes sa pelikula, hindi ka mamamangha sa mga imposibleng stunts ng mga artista na kayang maging Superman pagdating sa pag-ilag sa mga bala. Makatotohanan ang OTJ. Makatotohanan ang mga tagpo sa pagitan ng mga pulis at nina Tatang at Daniel o nang daredevil na pagsugod ni Acosta sa convoy ng heneral.

Tumatagos sa bawat pag-inog ng kamera ang mga kwentong ito. Bagama’t karamihan ay madilim, hindi mo kakikitaan ng monotony ang mga shots o ‘di kaya’y pagkagasgas ang mga hand-held shots.

Hindi naman gaanong mapapansin ang musikang nakalapat sa pelikula maliban sa pagpasok ng Mateo Singko ni Dong Abay sa mga huling eksenang may malaking parte sa kabuuan ng pelikula.

Sa pag-ikot ng kwento, sa pagtalima ni Francis sa katotohanan, makikita ang kapangyarihan ng mga naghaharing-uri at kung paano nila kayang-kayang balikwasin ang katotohanan gamit ang media at iba pang rekursong sila lang ang may kontrol (kasama na dito ang NBI), kasama na dito ang buhay ng mga taong hawak nila sa kanilang mga kamay.

Sa huli, ipinagdidiinan ng OTJ ang namamayaning istruktura sa lipunang Pilipino – ang lumalawak na pagitan ng mayaman at mahirap, ang pang-aapi at pambubusabus ng estado o mga nasa poder sa ibang sektor, at ang buhay ng mas malawak na masang Pilipino na ginagawang mga alipin at laruan ng naghaharing-uri.

Laging pinapatay ang mga katotohanang ito katulad ng pagkamatay ni Francis at Daniel, at pagkaalis sa puwesto ni Acosta ngunit hindi nagtatapos sa kamatayan ang lahat. Iniluluwal ng karahasan ang bagong karahasan, at parte ng prosesong ito ang kamatayan. ### 

11 comments:

  1. Masubukan lang kung review man ang tawag dito :)

    ReplyDelete
  2. nice review.. astig nga itong OTJ na 'to
    9/10 ang rating ko dito eh hehe ^_^

    hindi sya tipical na pinoy film

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tama! Sa ploning yata ako huling natuwa hehe

      Delete
  3. hindi review tawag dito kung hindi spoiler , at dahil dito natipid ko pera sa pagnuod ng sine , oks na oks na ako dito

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hala sori. Sana pala may warning sa simula. Pero panuorin mo pa rin! Hehe

      Delete
    2. Ahaha, same with Kulapitot and that's why I love spoilers. Kase alam ko naman, matagal pa bago ko mapanood ang isang bagong movie *evil grin*

      Delete
    3. Hahaha! Maraming movies naman ang maganda na wala sa sinehan. #torrent

      Delete
  4. You know, nawalan talaga ako ng gana sa mga mainstream natin dahil ewan lang. Too commercialized at sugar-coated, nakakasuka na. But thanks to this review nagkaroon pa ng pag-asa ang Filipino film industry.

    Mukhang interesting din. And i think this is the kind of movie I'd really love to see. Plus si Piolo Pascual to! si Papa Piolo! hahaha! Another chance to redeem his manhood? hahaha! joke!

    Plus factor din si Rockstar Extraordinaire Dong Abay! I must watch this!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Natuwa talaga ako sa pagpasok ng kanta ni dong abay. Watch it :)

      Delete
  5. not a big fan of new filipino movies. not sure why but i still crave for the black and white movies...

    ReplyDelete
    Replies
    1. Its okay. Maraming basurang pelikula talaga sa sinehan.

      Delete