Thursday, 31 October 2013

Multo


            Sinikap kong ilayo ang tingin sa ibang bagay maliban sa pinto ng  kuwarto. Pero hinihila talaga nito ang dalawang bola ng mata ko na lalong tignan at buksan ito. Sigurado talaga ako. May multo sa kuwarto ng tita ko.
…..
            Dumating ang multo matapos ang libing ng tita ko. Parang ganoon ‘yong nangyari kay tita. Umalis na lang bigla ng walang pasabi nalaman ko na lang na patay na siya  sa isang ospital sa Dagupan. Hindi man lang  niya naibigay ang pangako niyang banana cue.  Ganoon ang pagdating ng multo. Hindi ko alam kung ano ang pakay niya. Basta ang alam ko, malimit siyang magparamdam, tahimik, paunti-unti. Lalo na sa mga panahong nag-iisa ako at nag-iisip ng malalim.
…..
            Ngayon, muling nang-aakit ang multo. Lumapit ako sa pinto. Idinikit ko ang aking tenga sa poster na nakadikit sa pinto na may “silence please at knock first before entering.” Walang kaluskos akong narinig.  Alam niyang nasa labas ako at minamatyagan siya. Kumuha ako ng walis sa kusina at bumalik. “Huhuliin kita.” Pinihit ko ang seradora ng pinto. Hindi ako natakot.
…..
            Inangkin na ng multo ang kuwarto ni tita. Tuwing biyernes ang madalas niyang pagpaparamdam. Naririnig ko minsan mula sa aking kuwarto ang paghila ng upuan, ang pagbuklat niya sa mga libro at notebooks ni tita na minsan ay nahuhulog niya. Pati ‘yong mga gamit ni tita sa pagtuturo sa school ay ginugulo niya rin, mga lesson plans at class records o kaya mga informal themes ng mga estudyante niya. Sa tingin niya siguro dahil wala na si tita ay sa kanya na iyon.
…..
            Patay ang ilaw. Mabilis ang mga kamay kong nanghagilap  sa  “on”. Alam ko kung nasaan  iyon kaya naging madali na sa akin ‘yon. Agad akong niyakap ng lamig mula sa bukas na bintana, ng kakaibang pakiramdam, ng kakaibang amoy ng pabango ni tita na medyo amoy ilang-ilang. Kasabay ng pagpasok ng amoy sa ilong ko ang biglaang paglabas ng mga alaala sa isip ko. Pero hindi ko muna iisipin iyon. Kailangan kong huliin ang multo.
…..
            Mahilig manggulo ng mga gamit ang multo at mahilig ding makialam. Minsan naabutan na lang ni mama na nakakalat ang mga libro ni tita sa kuwarto. Sa may study table, sa kama, sa tukador. Pati ‘yong mga photo albums. Pati ang kama ay pinaglalaruan nito. Punong-puno ito ng mga papel na may drowing. Nagagalit tuloy sina mama. Hindi nila alam na may multo. Ako ang lagi nilang sinisisi.
…..
            Determinado akong huliin ang multo. Gusto kong malaman kung sino siya at kung ano nga bang itsura niya. Kamukha niya kaya ‘yong nasa mga “Shake, Rattle and Roll” na mga pelikula? Pagkasindi ko ng ilaw, wala na siya. Pinasadahan ko ng tingin ang buong kuwarto at tama ang hinala ko. Nagkalat na naman siya ng mga papel na may mga drowing niya.  Alam kong magagalit na naman sina mama. Itinago ko ang lahat ng mga kalat sa komoda ni tita na gawa sa nara. Napakalaki nun kaya siguradong hindi na ‘yun titignan ni mama. Amoy naphtalene pa ang aparador.   
…..
            May mga oras na pakiramdam ko ay bumubulong ang multo sa akin. May mga oras na pinipilit niya akong pumunta sa kuwarto ni tita. Iyon ‘yung mga oras na sana buhay pa si tita para takbuhan ko. Siguradong rosaryo lang ang katapat niya tulad ng sakit sa tiyan, bukol sa ulo, palo ni mama at sapak ni kuya.
…..
            Isinuksok ko nang mabuti ang mga piraso ng papel sa mga damit ni tita. Kapag natuklasan iyon ni mama, tiyak ako ang mapapagalitan. Isinara ko ng mahigpit ang komoda. Ganoon din kalakas ang ingay noong isinara ko ito, parang pinupunit na plywood. Kinuha ko ang mga bolpen na nakakalat. Naamoy ko pa ang mabangong tinta na paborito ni tita at gustong-gusto ko rin. Inilagay ko ‘yon sa Flintstones niyang lalagyan ng bolpen. Inayos ko lahat ng libro na ikinalat ng multo at inilagay sa shelf sa tabi ng komoda. Naroon din ang bibliya.

            Nang maayos ko na lahat, muli kong tinignan lahat kung meron pa bang bakas ng multong iyon. Pero nakaramdam lang ako ng pangungulila ng makita ang mga litrato ni tita sa dingding. Nakatingin sila lahat sa akin. Pati ang malaking larawan ni Jesus sa altar nakatingin sa akin.

            Sa likod ko paglingon ko, ang malaking salamin. Malapad ito kasya ang katawan ko bilang isang pitong taong gulang na bata. Pinagmasdan ko ang sarili ko. Hindi ako nagkakamali sa nakikita ko. Nasa likod ko ang multo
.
            “Sabi ko na nga ba eh. Ikaw na bata ka ha. Sige labas. Ila-lock ko na ito para hindi mo na pakialamanan ang mga gamit ng tita mo.”

            Hindi ko namalayan mula sa pagkakatitig ko sa salamin ang paparating na tunog ng mga yapak ni mama. Binuksan niya ang pinto ng pabigla. Agad akong tumingin sa salamin kung nandoon pa ang multo. Pero wala na.

            Ako na naman ang mapagbibintangan. Paano ko kaya ipapaliwanag sa kanya ang tungkol sa multo? Maniniwala ba sila sa akin? Isa lang akong bata.

            Tumingin ako ulit sa salamin. Wala na nga talaga ang multo. Pero nakita ko ang sarili ko.
…..
            Maraming multo sa buhay ko.
            Paminsan-minsan natatakot ako.
             Basta mag-pray lagi daw ako sabi ni tita noon.
……
            Hindi ko na alam kung sino ang multo. Kung ano ang pakay niya. Isang linggo pagkatapos noon, ginawang bodega ang kuwarto ni tita. Hindi na ako nangahas na pumasok pa doon. Kung paanong dumating ang multo sa bahay namin ay ganoon din siyang umalis ng walang paalam.

###

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes 






Tuesday, 29 October 2013

Sampung kwento mula sa Sugarfree at kung paano tayo nabigo sa pag-ibig


I.
O ngayong gabi, managinip
Managinip ulit tayo sa sarili nating mundo

II.
Dahil dito sa Mariposa ay mahirap ang nag-iisa
Dahil dito sa Mariposa, ako lang yata ang nag-iisa

III.
Tinatawag kita
Sinusuyo kita
Di mo man madama
Di mo man marinig

O kay tagal kitang mamahalin

IV.
Hintay, hintayin mo ako
Mahirap nang maiwan dito
Hintay, hintayin mo ako

V.
Tapusin na natin ang mga hindi natin kailangang dalhin

VI.
Wag ka nang matakot sa lungkot
Wag kang mag-alala ako ang iyong kumot
Sa alinlangan

VII.
Parang atin ang gabi

***

VIII.
Walang paalam
Natutulog ka lang
Bukas paggising ko nandyan ka na muli
Sa aking tabi
At ikukuwento mo
Mga nakita mo
Habang tayo’y magkalayo

IX.
Ito na ang ating huling gabi

X.
Magpapaalam na sa’yo ang aking kuwarto
Magpapaalam na sa’yo

 ###

 Ang mga linya ay mula sa mga kanta ng Sugarfree:


I. Telepono
II. Mariposa
III. Burnout
IV. Hintay
V. Wala
VI. Alinlangan
VII. Prom
VIII. Walang paalam
IX. Huling gabi
X. Kwarto


Sunday, 13 October 2013

Ganito ang pagbabalik

Nagpasya na lamang tumahimik ang lahat ng bagay. Hinihintay ang babala, o ‘di kaya’y pasabi na may darating. Ganito,
walang init ang palad sa mga haplos sa magkabilang siko habang naglalakad sa kadiliman ng parking lot. Malayo ma’y naaabot ako ng ilaw mula ng sala. Nagtampo yata itong buwan at hindi nagpapakita, pasilip-silip, patumpik-tumpik, nagdadalawang-isip kong darating o hindi.
Huwag ka muna kayang lumapit. Kaunting distansya lang ay pwede ko nang sabihin “huwag ka munang umalis,”
kung darating ka man.
At itong kalawakan sa taas, mahinahong bumubulong – malamig na dampi sa tenga, hamog na kanina pa lumulutang-lutang at wala direksyon. At hihinto.
Ilang ruta na ng pag-ikot ang natalunton ko dito sa parking lot. Anong haba ng paglalakbay na walang hinahantungan, na hindi umuusad.
Itong katahimikan, nagtakda ng katapusan. Ubos ang sigarilyo’t namatay sa talampakan.###
Sa alaala ng Sagada, hantungan ng lahat-lahat. Reblogged - May 29, 2012

Saturday, 5 October 2013

Sa Bay 8

Tumabi siya sa akin. 

'Wala naman akong gagawin ngayong gabi' sabi niya sa kausap niya sa telepono.


Hinawakan ko ang bag ko. Maraming bagay ang nawawala't nananakaw sa mga terminal.


Tinignan ko siya. Mula sa itim na sapatos hanggang sa kanyang buhok. Nakaramdam yata siya't tumingin din sa akin, sa mata. Humithit ako ng yosi sabay iwas ng tingin. Alam kong nakapako pa rin sa akin ang mga mata niya. 


Inilabas ko ang usok sa aking dibdib. Marami ang nalulunod sa mga bagay na ikinukulong sa dibdib katulad ng lason ng usok. 


Tinignan ko ulit siya. Ngumiti siya. 


Tumingin sa mga sasakyang dumadaan, at umaalis na mga pasahero. Tumingin ulit ako sa kanya. 


Maraming bagay ang naliligaw sa mga terminal at kanya-kanya tayo ng paraan para mahanap ang daang patutunguhan. 


Hindi yata ako nag-iisa. ###


Kanina sa NAIA Terminal 3 habang nagpapahinga at nag-iisip kung saan ako titira ngayong gabi.

Thursday, 3 October 2013

Ganito ang katahimikan

Ganito ang katahimikan sa loob ng aking kuwarto: 
May telebisyong hinahalo ang sarili sa kulay at liwanag. May bukas na bintanang naghihintay sa pagdampi ng hangin. Hindi na sumasayaw ang kurtina. Hindi na umuungol ang mga pusa sa kalsada.
Sa papel, sa aking mesa, isinusulat ng katahimikan ang kawalan ng salita. Hindi na matutulugan ang kalahati ng kama.
Sa kabilang panig ng mundo, may isinarang kabanata sa isang kuwento ng pag-ibig.
###
(repost) 05302012