Thursday, 31 October 2013

Multo


            Sinikap kong ilayo ang tingin sa ibang bagay maliban sa pinto ng  kuwarto. Pero hinihila talaga nito ang dalawang bola ng mata ko na lalong tignan at buksan ito. Sigurado talaga ako. May multo sa kuwarto ng tita ko.
…..
            Dumating ang multo matapos ang libing ng tita ko. Parang ganoon ‘yong nangyari kay tita. Umalis na lang bigla ng walang pasabi nalaman ko na lang na patay na siya  sa isang ospital sa Dagupan. Hindi man lang  niya naibigay ang pangako niyang banana cue.  Ganoon ang pagdating ng multo. Hindi ko alam kung ano ang pakay niya. Basta ang alam ko, malimit siyang magparamdam, tahimik, paunti-unti. Lalo na sa mga panahong nag-iisa ako at nag-iisip ng malalim.
…..
            Ngayon, muling nang-aakit ang multo. Lumapit ako sa pinto. Idinikit ko ang aking tenga sa poster na nakadikit sa pinto na may “silence please at knock first before entering.” Walang kaluskos akong narinig.  Alam niyang nasa labas ako at minamatyagan siya. Kumuha ako ng walis sa kusina at bumalik. “Huhuliin kita.” Pinihit ko ang seradora ng pinto. Hindi ako natakot.
…..
            Inangkin na ng multo ang kuwarto ni tita. Tuwing biyernes ang madalas niyang pagpaparamdam. Naririnig ko minsan mula sa aking kuwarto ang paghila ng upuan, ang pagbuklat niya sa mga libro at notebooks ni tita na minsan ay nahuhulog niya. Pati ‘yong mga gamit ni tita sa pagtuturo sa school ay ginugulo niya rin, mga lesson plans at class records o kaya mga informal themes ng mga estudyante niya. Sa tingin niya siguro dahil wala na si tita ay sa kanya na iyon.
…..
            Patay ang ilaw. Mabilis ang mga kamay kong nanghagilap  sa  “on”. Alam ko kung nasaan  iyon kaya naging madali na sa akin ‘yon. Agad akong niyakap ng lamig mula sa bukas na bintana, ng kakaibang pakiramdam, ng kakaibang amoy ng pabango ni tita na medyo amoy ilang-ilang. Kasabay ng pagpasok ng amoy sa ilong ko ang biglaang paglabas ng mga alaala sa isip ko. Pero hindi ko muna iisipin iyon. Kailangan kong huliin ang multo.
…..
            Mahilig manggulo ng mga gamit ang multo at mahilig ding makialam. Minsan naabutan na lang ni mama na nakakalat ang mga libro ni tita sa kuwarto. Sa may study table, sa kama, sa tukador. Pati ‘yong mga photo albums. Pati ang kama ay pinaglalaruan nito. Punong-puno ito ng mga papel na may drowing. Nagagalit tuloy sina mama. Hindi nila alam na may multo. Ako ang lagi nilang sinisisi.
…..
            Determinado akong huliin ang multo. Gusto kong malaman kung sino siya at kung ano nga bang itsura niya. Kamukha niya kaya ‘yong nasa mga “Shake, Rattle and Roll” na mga pelikula? Pagkasindi ko ng ilaw, wala na siya. Pinasadahan ko ng tingin ang buong kuwarto at tama ang hinala ko. Nagkalat na naman siya ng mga papel na may mga drowing niya.  Alam kong magagalit na naman sina mama. Itinago ko ang lahat ng mga kalat sa komoda ni tita na gawa sa nara. Napakalaki nun kaya siguradong hindi na ‘yun titignan ni mama. Amoy naphtalene pa ang aparador.   
…..
            May mga oras na pakiramdam ko ay bumubulong ang multo sa akin. May mga oras na pinipilit niya akong pumunta sa kuwarto ni tita. Iyon ‘yung mga oras na sana buhay pa si tita para takbuhan ko. Siguradong rosaryo lang ang katapat niya tulad ng sakit sa tiyan, bukol sa ulo, palo ni mama at sapak ni kuya.
…..
            Isinuksok ko nang mabuti ang mga piraso ng papel sa mga damit ni tita. Kapag natuklasan iyon ni mama, tiyak ako ang mapapagalitan. Isinara ko ng mahigpit ang komoda. Ganoon din kalakas ang ingay noong isinara ko ito, parang pinupunit na plywood. Kinuha ko ang mga bolpen na nakakalat. Naamoy ko pa ang mabangong tinta na paborito ni tita at gustong-gusto ko rin. Inilagay ko ‘yon sa Flintstones niyang lalagyan ng bolpen. Inayos ko lahat ng libro na ikinalat ng multo at inilagay sa shelf sa tabi ng komoda. Naroon din ang bibliya.

            Nang maayos ko na lahat, muli kong tinignan lahat kung meron pa bang bakas ng multong iyon. Pero nakaramdam lang ako ng pangungulila ng makita ang mga litrato ni tita sa dingding. Nakatingin sila lahat sa akin. Pati ang malaking larawan ni Jesus sa altar nakatingin sa akin.

            Sa likod ko paglingon ko, ang malaking salamin. Malapad ito kasya ang katawan ko bilang isang pitong taong gulang na bata. Pinagmasdan ko ang sarili ko. Hindi ako nagkakamali sa nakikita ko. Nasa likod ko ang multo
.
            “Sabi ko na nga ba eh. Ikaw na bata ka ha. Sige labas. Ila-lock ko na ito para hindi mo na pakialamanan ang mga gamit ng tita mo.”

            Hindi ko namalayan mula sa pagkakatitig ko sa salamin ang paparating na tunog ng mga yapak ni mama. Binuksan niya ang pinto ng pabigla. Agad akong tumingin sa salamin kung nandoon pa ang multo. Pero wala na.

            Ako na naman ang mapagbibintangan. Paano ko kaya ipapaliwanag sa kanya ang tungkol sa multo? Maniniwala ba sila sa akin? Isa lang akong bata.

            Tumingin ako ulit sa salamin. Wala na nga talaga ang multo. Pero nakita ko ang sarili ko.
…..
            Maraming multo sa buhay ko.
            Paminsan-minsan natatakot ako.
             Basta mag-pray lagi daw ako sabi ni tita noon.
……
            Hindi ko na alam kung sino ang multo. Kung ano ang pakay niya. Isang linggo pagkatapos noon, ginawang bodega ang kuwarto ni tita. Hindi na ako nangahas na pumasok pa doon. Kung paanong dumating ang multo sa bahay namin ay ganoon din siyang umalis ng walang paalam.

###

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes 






11 comments:

  1. ooohhh. Buti at harmless ang multo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hehe nakikisabay lang sa mga kuwentong multo this season :)

      Delete
  2. idol! ang galing mo talaga magsulat.

    eh yung multo bat kamukha mo? hahahaha

    ReplyDelete
  3. Iba ata ang writing style mo for this post? Anyway, I still love it. Maganda pa din! :3

    ReplyDelete
    Replies
    1. 2006. Virgin pa ako niyan kaya masipag pa akong magsulat. Deh joke lang. Haha Basta masipag pa ako niyan. Ang corny nga eh. Haha Salamt btw!

      Delete
  4. sorry, pero nacurious ako.. anong marka ang nakuha mo para sa likha mo na 'to?

    hehe..

    ayos ang pagkakasulat... kakainggit. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahah salamat! Am. Basta. Ayos naman yung grade. Hindi ko na nalaman yung partikular na grade dito. 5 kwento (o tula) yung final requirement. Mataas naman yung final grade so in-assume ko na kataas ako dito hahahahah

      Delete
  5. natawa naman ako bigla dun, nasingit yung SRR hahaha...
    anyway natuwa naman ako dito gawa mo pero di ba sabi nga nila pagnagpakita sa bata ang multo totoo ito? dahil meron silang tinatawag na innocence mind? di ko lang sure kung yun nga tawag nila dito..

    ReplyDelete
    Replies
    1. Actually hindi ko alam kong anu yun. Pero nakakatakot lang yung thought na yun hahaha

      Delete