Tuesday, 5 November 2013

Paano ko pinatay si Bob Marley

            Dumating si Bob Marley sa kuwarto ko nang bumagsak ang panglimang bote ng beer. Kahit ako’y nagtataka kung bakit siya narito sa kuwarto ko. Hinayaan ko na lang siya. Wala na rin kasi akong makausap na iba maliban sa mga bote ng beer na kanina ko pa kinakausap.

            Nagkukuwentuhan kami noong una. Maayos ang usapan. Nakikinig lang siya.  Pero habang tumatagal napapansin kong nababagot na siya. Malikot ang mga mata niya. Ayaw raw niya sa pulang bombilya. Humiga pa sa kama ng boardmate ko. Ayaw raw niya sa blue na kumot. Hindi na siya nakikinig at parang nang-iinsultong binubuklat ang mga libro sa kama. Corny raw ang mga binabasa ko. Nagsasawa na raw siya sa mga paulit-ulit kong kuwento. Nagsimula na siyang magkuwento ng iba.

            Tumahimik ako. Sandali lang iyon dahil naiirita na talaga ako sa kanya. Sa tingin ko’y niloloko na niya ako. Gusto kong hugutin ang bituka niya at gawing pulutan.

            Hindi ko na siya maintindihan. Ayaw daw niya sa kuwarto ko. Ilang sandali pa’y inilabas na niya ang isang pakete ng marijuana at sinimulang pausukan ang loob ng aking kuwarto. Nasa langit na daw kami.

            Kinabahan ako. Baka malaman ng landlady ko. Pinilit kong agawin ‘yon sa kanya. Pero hindi ko makuha ang umuusok na marijuana. Mahaba ang mga braso niya, abot ang kesame.

            Gusto ko siyang palabasin pero ayokong mag-isa sa kuwarto. Gusto kong may kasama. Pero naiinis na ako sa mga ginagawa niya. Nakakagago. Pinagtatawanan na niya ako at ininsulto pa. “Magpakamatay ka na lang…” sabi niya.

            Kahit pa nakapikit ako ay alam kong tuwang-tuwa siya sa pang-iinsulto sa akin. Naririnig ko ang mga tawa niya.

            Hindi ko alam pero bigla na lang nagkaroon ng baril sa ilalim ng kama ko. Hindi ko alam kung saan galing ‘yon. Sumabit sa mga kamay ko ang baril at mahiwagang alam ko kung paano ikasa ‘yon, parang radyo. Tumayo ako at humarap sa aking bisita. Namumula pa rin ang mukha niya sa katatawa. May  mga ulap at hamog sa kuwarto namin.

              “Nasa langit na ba ako…” Kumikinang ang mga mata niya na parang salamin. Parang mga mata ko rin.

            Alam niyang babarilin ko na siya pero hindi siya natatakot. Tuloy pa rin siya sa trip niya na pagtawanan ako. Hindi ako nagdalawang-isip na paputukin ang baril. Para lamang akong pumapatay ng lamok. 

            Isang bala pa lang tumahimik na amputa. Tumahimik ang kuwarto ko. Unti-unting kumalat ang dugo. Kitang-kita ko sa dugo ang repleksyon ko. Mapula. Pulang-pula ang mukha ko lalo na ang mga mata ko.

            “Patay na ang gago.”

            Gusto ko pa sana siyang barilin pero baka marinig ng landlady namin. Buti na lang at hindi pa niya ako sinisita sa naunang putok. Itinago ko ang baril ulit sa ilalim ng kama. Ngayon hindi ko alam kung paano lilinisin ang bangkay ng Marley na ‘toh.

            Biglang dumating ang boardmate ko dala ang pulutang pinabili ko. Nagmura siya. “Paksyet.”

            Nag-away kami ng kaibigan ko dahil pinatay ko si Bob Marley, ang paborito niya.### 

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes 

9 comments:

  1. naalala ko lang si macarthur..... waaaaa.... bat kelangan hugutin ang bituka at gawing pulutan???? so nung college kayo, kelangan talagang gumawa ng mga ganito? bongga!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahahah hindi naman mam! pinapili kami kung tula o kwento. walang restriction sa topic or theme hehe

      Delete
    2. yung book ni bob ong :)

      Delete
    3. Ah. Hindi ko yata nabasa yun. Isang book lang niya ang binasa ko. Hehe

      Delete
  2. Akala ko panaginip to... O sadyang adik ka lang. *hahaha* :P

    ReplyDelete
  3. I like this one. It's very Kafka-esque. Kung work of fiction ito, then you earned one more admirer. Pero kung ito'y isinasalaysay mo at hango sa tunay mong buhay eh please lang, lumayo-layo ka na sa akin. hahaha!

    Naka drugs ka ba? hahaha! Seriously, kung na high ka man, ganyan ba ang nakikita mo? I remember a conversation I had with this guy na adik talaga. Sabi niya nakita daw niya at nakausap ang Diyos habang high daw siya. Natatawa ako at natatakot. Iba kasi talaga ang mga adik.

    And "high" writers are really one of a kind. Iba na rin kasi ang nagagawa ng drugs. Ayoko namang i-promote. Anyway medyo napapalayo nako sa main theme.

    I like this surreal theme. nakakabagot na rin kasi minsan yung mga sobrang realistic. Ako nga mismo ang nababagot sa mga pinagsusulat ko eh. hehehe! Si Haruki Murakami agad ang pumasok sa isip ko nung binabasa ko

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ang sure Ser ay hindi ako nagda-drugs. Hehe

      Delete