Noong araw na nanalangin ako ng mas mahabang tag-araw ay ang araw na nawala ka. Kasunod noon, habang himbing ang daigdig, dumalaw ang unang ulan ng Hunyo: nagpakilala at nagbabala ng mas mahabang mga araw ng ulan.
Mula noon, bubuksan ng hamog ang umaga at ikinakalat ang sikat ng araw sa dingding at bintana. Ang paggising ay pakikipagtunggali sa pagitan ng panaginip at lumbay. Ang araw ay magtatapos nang may hamog sa mga daanan at sinasakop ang siyudad tungong kadiliman. Wala ka pa rin.
Nagsimula ang pag-ulan tuwing tanghali. Kaunting araw at muling magbabalik ang ulan na nagpapahiwatig ng mas mahabang pananatili. Ang init ng tanghali ay naging lamig na dati'y sa gabi lang dumarating. Mas mahaba na ang ulan kaysa araw, ang lamig kaysa init, ang lumbay kaysa saya.
Nagsimula ang pag-ulan tuwing hapon kasabay ng makapal ng hamog. Ang alas singko'y pagluha ng langit. Ang mga kalye'y nalulunod. Magtatapos ang araw na walang araw, ang dilim ay mas madilim sa anino. Ang lamig ay mas malamig sa yelo. Wala ka pa rin.
Nagsimula ang mas mahabang pag-ulan sa gabi habang lahat ay nagkukukot sa kanilang mga higaan. Nagkukulang ang kumot, nawawala ang init. Mas humihigpit ang yakap sa unan. Mas lumalawak ang kuwarto. Nasasanay sa tunog ng ulan sa bubungan; hindi na siya estranghero, hindi na siya bago.
Wala ka pa rin. Ang narito ay ang lamig na laging nakamasid sa bintana, kumakatok sa pintuan; pahiwatig ng walang hanggang tag-ulan. #