Monday, 27 May 2013

Pagpikit

At sinakop tayo ng hamog.
Hindi natin nakikilala ang isa’t isa hangga’t hindi nagdadampi ang ating mga balat, hindi nasasalat. Sa lamig ng pambihirang pagkakataon, natutunaw tayo upang muling mabuo.
Sa sandaling pumalangit muli ang hamog, tayo’y mga estrangherong may tiyak na patutunguhan.
###

Ulan sa Sunshine Park

Tila binibilang mo ang ulan
habang pinagmamasdang maipon
ang tubig sa ating paanan.
Ganito ka nakikipag-usap sa akin.
Nag-uunahang patak
ang mga salitang
hindi masabi-sabi.
Aalis ka.
Magsisindi ako ng sigarilyo.
Ganito tayo namamaalam.
Dito sa liwasan, kabisado ko
ang lugar kung saan ka
uupo’t tatahimik,
kung saan ka seryoso’t
nagagalit.
Ang Sunshine Park
ang kanlungan ng lahat
ng alam ko tungkol sa iyo,
ang hindi mabilang
at hindi maalalang
mga alaala.
Sa ganitong paraan ako nagbabalik
sa ating tagpuan
at sa iyo.###

Wednesday, 22 May 2013

Mga pag-abot sa langit

012511

Sa Cordillera, animo’y maaabot mo ang langit. Ngunit nananatili itong mataas. Ganito ang mga pangarap ng mga ina, ama, at anak na nakausap ko sa halos 10 araw na paglilibot ko sa Balbalan, Kalinga – malapit lang ang mga pangarap subalit milya-milya ang layo mula sa kanilang mga palad.
Pumunta ako ng Balbalan upang magdaos ng community assembly. Ganito ang naranasan ko sa Asipulo at Tinoc (mga munisipyo ng Ifugao), at sa Bakun, Kapangan at Kabayan (mga munisipyo naman ng Benguet), at sa iba pang mga munisipyo sa Koldilyera. Subalit kakaiba ang naganap sa Balbalan dahil hindi lang isang araw ang isinagawang community assembly. Kung dati’y sa Poblacion (o sa sentro ng munisipyo) kami nagtitipon, ngayon kailangan naming puntahan o suyurin ang lahat ng barangay upang isagawa ang community assembly.
Maraming mukha, maraming klase ng personalidad. May nahihiya, may mayabang, may clueless, at may misteryoso. Minsan, may madaldal o perky lang talaga, o di kaya’y parang ayaw kang kausapin.
Sa ibang paraan, maaaring natutuwa ako sa tipo ng trabahong ito—nakakapaglibot ka sa mga lugar na hindi karaniwang napupuntahan ng kung sinu-sino lang. Nasusukat ko rin ang hangganan ng aking kakayahan sa pakikipagkapwa, pakikisalamuha at pagiging sort of ‘athletic' ng katawan ko.
Hindi ito ang unang beses na sumakay ako sa likod ng pick up habang umuulan habang nakasabit sa leeg ang nakabalot sa supot na kamera. O di kaya’y mag-hike sa maputik na daan. Subalit, mas matanda na ako ngayon. Madali na akong mapagod at hindi na sanay ang baga ko sa mahabang lakaran.
Sa kabila nito, pakiramdam ko ay masuwerte ako dahil nagagawa kong umikot sa sulok-sulok ng Kordilyera. Bakit ka nga naman pupunta sa isang barangay na walang signal, walang kuryente, at trail lang na maputik, matarik at mabato ang dadaanan?
Bakit ka nga naman gigising ng madaling-araw, tatawid ng ilog na parang mai-aagos, o kaya’y magpaulan hanggang hatinggabi?
Nagtatrabaho ako para sa isang programa ng gobyerno (with no employer-employee relationship). At kung kilala mo ako personally, siguradong tataas ang kilay mo. Pero ibang kuwento iyon.
Ibig sabihin, kaya kami pumupunta sa mga lugar na ito dahil isa itong mahirap na lugar. Maaaring mataas ang poverty incidence o nasa listahan ito ng National Statistical Coordination Board ng mga pinakamahihirap na lugar sa bansa.
Mayaman ang Kordilyera. Isa ito sa pinakamayamang lugar sa Asya na pwedeng pagkunan ng ginto at iba pang mineral. Kung titignan sa mapa, maaaring ang konsentrasyon ng mga mining companies (o target ng mga mining companies) ay sa Kordilyera matatagpuan.
Hindi iilang beses tayong nakarinig ng mga kuwento ng pagbalikwas ng mga katutubo ukol sa pagmimina ng mga malalaking kompanya (open pit mining). Sa isang biyahe ko noon sa Licuan-Baay, Abra (area din ng aming programa) masigla ang oposisyon ng mga katutubo dahil alam nilang malaki ang maipipinsala nito sa kanilang lugar. Ngunit hindi lahat ay ayaw sa minahan. Mayroon ding mga pabor dito. Subalit sa dahilang nakakapit ang kanilang pamilya sa patalim, at kung hanap-buhay din lang ang pag-uusapan, mas maganda nang mamatay ang mga puno kaysa sa kanilang pamilya. Hindi ko sila masisisi.
Mahirap isalarawan ang kagandahan ng Balbalan. Bukod sa mayroon pang mga usa (deer) na pwedeng i-hunt, mamamangha ka sa mga nakatagong paraiso na para sa mga tao roon ay karaniwan na.
Sa kabila nito, dahil sa kawalan ng maayos na daan, mahirap pumasok ang social services. Naglalakad ang mga bata araw-araw sa maputik na kabundukan upang makapag-aral dahil kilometro ang layo ng pinakamalapit na primary school. Iba pang usapan ang elementary at high school na karaniwan ay wala sa malalayong baryo.
Sanay na ang mga tao sa ganitong kalakaran. Hindi na sila nagtatanong kung bakit ganoon. Kung kaya’t kung may pagkakataon na makaalis sa lugar na ito upang makahanap ng disenteng trabaho bukod sa pagsasaka, ay gagawin ng mga nakatira dito ang lahat.
Nakilala ko rito ang mag-asawang nakatira sa tabi ng bahay ni Kapitan (siya ang kumupkop sa amin sa Barangay Tawang). Lahat ng kanilang mga anak ay nasa ibang lugar na. Kasama ng basi at pineapple juice, at kape, ikinuwento sa amin ni lola kung paanong namatay ang anak niya noon sa ibang bansa.
Wala pang isang buwan sa Taiwan, umuwi nang bangkay ang isa nilang anak. Kinuha ang puso, atay at kidney ng anak nila. Nanalo sila sa kaso ngunit hindi nanagot ang illegal recruiter na sinampahan nila ng demanda. Panahon iyon ng impeachment  ni Erap kaya daw hindi na naasikaso ang kanilang reklamo. Subalit mula noon, lahat ng pumupunta ng ibang bansa na nakaalam sa kuwento ng kanilang anak ay naninigurado na sa kanilang recruiter.
Nakilala ko rin ang isang 12 anyos na batang babae. Noong tinanong ko kung nasaan ang mga magulang niya at kung bakit siya ang pumunta, sinabi niya na nasa Maynila ang mga magulang niya. May colon cancer daw ang nanay niya at siya ang naiwang nag-aalaga ng kanyang mga kapatid.
Malungkot ang iba pang kuwentong nasilayan ko sa lugar na ito, subalit hindi nawawala ang ngiti sa kanilang mga labi. Matamis pa rin ang mga kuwentuhan kasama ng kakanin at overflowing na kape.
Tuwing matatapos ang isang araw, bagamat hindi ko alam kung lumubog na ang araw o hindi pa dahil sa kapal ng hamog, marami akong naiipong kuwento at alaala na mahirap ikuwento sa ganitong paraan.
Simple ang pamumuhay sa kanayunan ng ng Balbalan. Subalit salat sa mga serbisyong dapat na naibibigay sa kanila. Kasama dito ang access sa edukasyon.
Nai-kuwento rin ng kasama naming Kapitan na isa ang Balbalan sa mga lugar na pinupuntahan ng mga nag-i-exposure trip. Ito ay karaniwang mga estudyante, partikular sa UP Diliman, na pumupunta sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (NPA). Ngumiti ako sa kabilang banda. Ano bang bago sa kuwentong ito? Sa kanayunan, kung saan nararamdaman ang kahirapan, itinatanim ang binhi ng rebolusyon. Paano mo itatanggi ang isang katotohanan kung mismong mga tao ang nakararanas nito?
Mataas ang respeto ko sa mga kasamahan kong social workers na ginagawa ang lahat dahil ito ang alam nilang paraan upang makapagsilbi sa bayan. Hindi ko nilalahat, at hindi ko sasabihing masasagot ng gobyerno ang isyu ng kahirapan dahil kung ganoon, dapat wala nang mahirap na pamilya sa bansa. Isa itong responsibilidad ng pamahalaan na dapat binabantayan ng mamamayan.
Kung totoong nasasagot ng gobyerno ang isyu ng kahirapan, dapat wala nang pamilya ang aming tinitipon upang ilista at maging parte ng programang nag-aambisyong putulin ang siklo ng kahirapan ng ilang taon lamang.
Komplikado ang usapin ng kahirapan. At mula dito, nais kong bakahin ang sinabi ng isang ka-opisina ko na ang kahirapan daw ay isang ‘choice.’
Saang anggulo ko man tignan, hindi ko maatim na isiping kaya pala may mga batang hindi nakakapag-aral ay dahil pinili nila ito? May mga pamilyang lumilikas mula sa kanayunan at tumutungo sa lungsod bilang isang street family ay dahil gusto nila ito? At kaya may mga pumupunta sa pusod ng kabundukan, tinatalunton ang daan ng rebolusyon, ay dahil hindi totoong ang kahirapan ay may malaking ugat?
Kawawa naman ang sambayanang Pilipino kung ganoon. Ang kahirapan pala ay isang choice na pinipili. Pero ang katotohanan, walang option ang kahit na sino. Walang iniwang 'choice' para sa bawat sanggol na ipinapanganak kada minuto. Malinaw na malinaw na sa kalakaran ng lipunang ito, ang pamumuhay ng mapayapa at masagana ay isang bagay na ipinaglalaban.
Nais kong maramdaman na may pag-asa sa bawat mukhang nakikita o nakakasalubong ko sa daan. Nais kong isiping na ang mga batang naglalaro ng walang kamuwang-muwang sa gilid ng daan ay makaaabot din ng kanilang mga pangarap balang-araw, at hindi na lamang naisusulat sa kanilang ‘All About Me’ activity sa eskuwelahan.
Mahaba ang daan tungo sa kaunlaran. Hindi ito isang pagtitipon at pambubusog sa mga retorikang hindi naisusubo sa bunganga upang gawing pagkain sa oras na nagugutom ka. Hindi ito gamot na maibibigay mo sa anak na nagkakasakit dahil walang pampagamot, at walang hospital na kayang magbigay ng libreng serbisyo para sa isang mahirap na pamilya. Sa kabilang banda, ginagawa ng gobyerno ang iba’t ibang paraan upang iparamdam na hindi ito nakalilimot sa mga naghihirap na mamamayan. Subalit hindi ganoon kasimple ang ugat ng kahirapan. At alam ko sa sarili ko na mas mataas pa sa kabundukan ng Kordilyera ang kailangan kong akyatin upang masagot ang tanong –  bakit sa yaman ng Kordilyera (o ng Pilipinas), ay may mga naghihirap na pamilya rito?
Ilang ilog man ang tawirin, ilang bundok man ang aking galugarin, alam ko na marami pang puso ang nais na makaranas at makaramdam ng pagmamahal – na sa matiwasay at mapayapang pamumuhay lamang makukuha. Sa isang lipunang batbat ng kahirapan, ang pag-asa ay tila mailap kung lagi itong iisipin.
Sa Balbalan, sa sulok ng mga tahanang aking napuntahan, lumilipas ang araw nang hindi mo namamalayan.
Sa mga ngiti, sa mga tasa ng kape, sa init ng apoy o sa lamig ng hangin tuwing umaga, umaalpas ang mga pangarap tungo sa langit. Umaalingawngaw ito, at nagiging hiyaw ng katarungan. Bigyan natin ng pag-asa ang mga pangarap na matagal nang natakpan ng hamog ng kahirapan. 

###


Tuesday, 21 May 2013

Terminal

Ang terminal ang simula lamang lahat. Hindi dapat tayo nagpapaalam. ###  




Monday, 20 May 2013

Mga PS sa Ulan

I.
Tila salita ang tunog ng mga patak ng ulan
sa bubong at sa kalsada.
Pinupuno nito ang isipan ko.
Agos.
Umaagos ang mga salita
mula tenga tungong labi.
Sa paglabas ng unang salita,
Napulupot ang lambot ng dila.
Tuluyang nilamon ng mga salita
ng ulan
Ang sarili kong mga kataga.


II.
Ipinangako ng maitim na ulap ang maghapon at mahabang panaginip sa malamig nating mundo.


III.
Sa pagtanaw ko sa bintana,
Gumuguhit sa espasyo na abot tingin
Ang mga ambon.
Wala ka pa,
At kasamang inihugas ng
rumaragasang tubig sa kanal
ang aking katinuan.


IV.
Ginalugad ng ulan ang mga
kalye ng ating memorya.
Muling binasa ang mga
Lansangang hindi na
Natin nilalakaran.
May panghihimagsik ang
Pagbabalik sa akin,
May panunuyo ang iyo.


V.
Bumabalik ang kaalinsanganan
Ng lungsod.
Nahahawi ang mga ulap
sa ating pagitan.



###

Wednesday, 15 May 2013

Pasipiko sa aking dibdib*

Maaalala mo ‘yung taong nagsabi sa’yo dati na ikaw ang Pasipiko ng kanyang dibdib. At mag-iisip ka kung anong nangyari sa inyong dalawa at kung paanong nilamon ng distansya ang kwento niyong dalawa. 

Tapos, sa loob ng opisina, pasado alas-sais na.
Hihigop ka ng kape.
Titingin sa monitor.
Bubuksan ang Facebook, at hahanapin ang pangalan niya.

At babalikan mo kung paanong pinalagpas mo ang sana’y pinakamagandang kaganapan sa iyong buhay.

Maaalala mo kung paano niya sinabing
  
“Ikaw ang Pasipiko sa aking dibdib,” at kung paanong nawala ang kanyang tinig nang hindi mo namalayan.

At maiisip mo,

ang layo na nitong ilalim sa kanya. Sa inyong dalawa ikaw itong nalunod, sumuko, at naiwan sa ilalim ng sarili mong kababawan**. Ganito pala ang magmahal. ###

*Naalala ko lang dahil sa librong nakita kong inilabas ng Ateneo Press sa kanilang facebook account
**Paumanhin kay Piya Constantino sa paghiram sa phrase na 'nalunod sa sariling kababawan'

Thursday, 9 May 2013

Resolutions and cliches

IV.
But these cigarettes have taught me to ignore spaces, omit punctuation, have poetic license, and send wrong signals of passion and hatred. Maybe I should get another coffee, write more doodles and don’t expect any reply at all. ###

Tuesday, 7 May 2013

Kay M

Malakas ang ulan noong maramdaman ni Bimbo na ito na ang huling araw niya sa mundo. Naalala niya bigla ang amoy ng palay sa kabukiran noong bata pa siya. Doon niya gustong matulog sa ilalim ng mga puno, sa tabi ng karitong natambakan ng dayami.
Ngayon, nasa pinakamadilim na yata siyang parte ng mundo, o ng kalawakan - sa dausdos ng isang bundok, sa baba ay mabatong ilog.
Kay lalim ng sugat sa kanyang tagiliran. Pinisil niya ito. Hindi na nagpapigil ang sakit, o ang agos ng dugo sa lupa at putik kasama ng ulan.
Bang.
Wala nang pinagkaiba ang tunog ng baril sa patak ng ulan. Wala nang ipinagkaiba ang ingay ng paligid sa paspas ng alaala sa kanyang isipan.
Narinig niya ang awit ni Harry, ang bigwas sa gitara, ang koro na dating kinakanta ng mga kasama.
Hanggang sa sandaling kailangang
Muli tayong magkahiwalay
Hangga’t digma’y may saysay
Hangga’t dugo’y may kulay…’
 
Kay tamis sigurong mailibing sa sariling ili*. Maaalala kaya siya ng kanyang mga naging kasama't kaibigan? Siguro oo, sa iba't ibang pangalan nga lamang.
Bang.
Ngunit ngumiti siya.

Sisingilin kayo ng kadiliman hanggang tagumpay



###
*bayan [Ilokano]

Monday, 6 May 2013

Oyayi

"Ihimlay mo ang musmos na katawan at isip, at bukas paggising 
mo'y may bago nang daigdig. Sa pait at kirot ng 
paghihiwalay, may ginhawa't tamis ng laya't tagumpay." 
mula sa Oyayi kay Reb ng Musikang Bayan
Mahaba ang daan patungong Malibcong, Abra. Kahit ako na hindi sanay matulog sa byahe ay napaidlip. Paano pa kaya ang isang bata? At habang binabagtas ng jeep ang mabato, maalikabok, makitid, at nakamamatay na daan patungong sulok-sulok na kanayunan, naidlip muna ang paslit habang yakap-yakap ng kanyang ina. ###


Note sa Buwan (sa 1Q84)


Malalaman naman siguro ng buwan kung kailan siya pipikit.
Pinapanuod niya tayo — kung paano tayo nagmamahal, namumuhi, at nawawasak, 
kung paano natin sinisira itong daigdig ng pag-ibig.
Sana, maulap na lang lagi.

 ###

Saturday, 4 May 2013

5pm

Maingay ang mga tao sa opisina kanina. Alas singko na kaya lahat parang nasa kwentuhan mode na. Kanina pa kasi nila tinitiis 'yung amoy ng bagong pinturang kabinet na amoy pintura (wala nang iba).

Kung anu-ano nang ritwal ang ginawa namin para mawala ang amoy - maglagay ng suka galing Ilocos, magsindi ng malalaking scented candles, etc. At napagtanto namin na ang tanging solusyon ay ang umalis ng opisina. 


Hindi ko alam pero habang nag-iingay sila, nakararamdam ako ng inis at iritasyon. Sa totoo lang, ilang linggo na yatang ganito. At ngayon ko lang yata talaga na-realize kung bakit ako naiirita sa bagong ka-opisina, sa tahimik naming ka-opisina, at sa mga maiingay naming ka-opisina.

Kaninang lunch, nagpaalam ako na magbabayad ng bills sa SM pero sa totoo lang gusto ko lang mag-isa. Ganito 'yung pakiramdam noong malaman kong nilalandi ng kaibigan ko 'yung dati kong ka-MU (napaka-Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ng term na to). 'Yung tipong pupunta ako ng bar tapos iinom ng isang vodka tonic o beer, o yung magkakape sa isang tahimik na coffee shop at kunwari magsusulat.

Ang totoo, hindi na ako ang sentro ng mga kwentuhan. Hindi na ako laging pinapansin ng mga tao. Hindi na ako ang pinakabata sa opisina. Hindi na ako ang bunso ng mga tao at may mga bago nang bata na pinagkakatuwaan at binibigyan nila ng atensyon. 

Ang totoo, gusto ko sa akin lang ang atensyon ng lahat ng tao.

Kaya, alas singko na. Pero hindi ako pupunta sa Rumours Bar at iinom ng beer, o tatambay sa Ionic at oorder ng kape, dalawang tasa, at pagmamasdan ang Session Road na parang may bago lagi.

Ngayon, tatahimik muna ako dito sa aking desk, mag-iisip kung anong pwedeng gawin bukas habang nagpapaalam na ang lahat ng tao.

Kinuha ko ang tumbler ko na regalo sa akin ng boss ko, pinuno ito ng mainit na tubig tsaka nilagyan ng Kopiko black.

Magpapanggap kunwari na may tinatapos pang trabaho kahit wala naman. Ang gusto ko lang ay saglit na katahimikan.

Binalikan ko ang lahat ng bagay, ang lahat ng kaganapan, at kung ano ba ang tingin ng mga tao sa akin.

Ngayon, oras ko naman. Kailangan ko munang mag-ipon ng katahimikan para sa sarili ko. Pakiramdam ko, gasgas na yata ako. O di kaya'y nangungulila sa isang bagay na hindi ko masabi kung ano talaga. Hindi naman ito pag-ibig. Hindi naman ito alak.

Mamaya, pagkauwi ko, baka pagkahiga ko sa kama, pagkatitig sa kesame, maalala ko kung anong gusto at hinahanap ko sa buhay. Para bukas, hindi ko na sinasaksak at minumura sa isip ang mga ka-opisina kong wala namang kinalaman sa personal kong mga kontradiksyon sa buhay.

Ang gulo ng isip ko. Makahigop muna ng kape. 



### 

Thursday, 2 May 2013

Narinig ng Baguio ang tibok ng puso ng ulan

Narinig ng buong Baguio ang tibok ng puso ng ulan.

Ang lahat ay tumanaw sa bintana.
Naghahanap ng mapagpupukulan
ng kaba,
may pagtatampo, 
may pagyayamot,
may pangungulila. 
Katulad din ng rumaragasang 
tubig
mula bubungan
tungo sa kalsada,
nagbabalik ang mga gunitang itinago ng 
pagmamadali at pag-aabala. 

Ang lahat ay tumigil at nagmasid. Tinakpan ng dilim ang langit. 

###