Tuesday, 7 May 2013

Kay M

Malakas ang ulan noong maramdaman ni Bimbo na ito na ang huling araw niya sa mundo. Naalala niya bigla ang amoy ng palay sa kabukiran noong bata pa siya. Doon niya gustong matulog sa ilalim ng mga puno, sa tabi ng karitong natambakan ng dayami.
Ngayon, nasa pinakamadilim na yata siyang parte ng mundo, o ng kalawakan - sa dausdos ng isang bundok, sa baba ay mabatong ilog.
Kay lalim ng sugat sa kanyang tagiliran. Pinisil niya ito. Hindi na nagpapigil ang sakit, o ang agos ng dugo sa lupa at putik kasama ng ulan.
Bang.
Wala nang pinagkaiba ang tunog ng baril sa patak ng ulan. Wala nang ipinagkaiba ang ingay ng paligid sa paspas ng alaala sa kanyang isipan.
Narinig niya ang awit ni Harry, ang bigwas sa gitara, ang koro na dating kinakanta ng mga kasama.
Hanggang sa sandaling kailangang
Muli tayong magkahiwalay
Hangga’t digma’y may saysay
Hangga’t dugo’y may kulay…’
 
Kay tamis sigurong mailibing sa sariling ili*. Maaalala kaya siya ng kanyang mga naging kasama't kaibigan? Siguro oo, sa iba't ibang pangalan nga lamang.
Bang.
Ngunit ngumiti siya.

Sisingilin kayo ng kadiliman hanggang tagumpay



###
*bayan [Ilokano]

2 comments:

  1. bang. ganun lang kadali, marka at presensyang mawawala. pero ang hidwa, wala daw pagasang maging alaala na lamang.

    ReplyDelete
    Replies
    1. may mga bagay na nababaon sa kadiliman pero yung naiwang mga alaala ay nananatiling ilaw para sa iba.

      Delete