Friday, 30 August 2013

Pamamaalam

First year college ako noong isinulat ko ito para sa Freshie Poetry Jam. 

***

Makitid ang kama sa iyong kuwarto
Subalit nagawa mong palawakin ang aking mundo.
Hindi na ako naghanap ng iba pang init
Bukod sa dulot ng mga yakap mo.

Kape natin sa maalinsangang gabi ang mga halik
At ang bawat salitang binibigkas ay pangarap,
Habang sinusubukan nating malaman
Kung tunay ba ang nararamdaman
O sadyang pagkalito lamang.

Ganun ang init lamig sa kuwarto mo.
Madilim, masikip, makitid
Subalit pinili kong yakapin ito.

Pinilit kong isiping kasama rin ako sa paglalakbay
Ng mga ningning sa iyong mata—
            --habang nasa piling kita.

Pinilit kong talikuran ang ako,
At palayain ang isa pang katauhan ko—
            na nakatago sa iyo.

masarap damhing may karamay ako sa pagkabigo
            at pagsasaya
subalit paggising kinaumagahan,
tanging kumot at unan na lamang
ang aking hagkan. ###


Agosto 2005

Thursday, 29 August 2013

Kagabi ako'y nanaginip

Naliligaw daw tayo’t
naghahanap ng bahay sa isang kalyeng
hindi natin alam.
Tumingila tayo sa langit.
Humingi tayo ng tulong, nanalangin.
Humingi tayo ng ulan.
Humingi ng pagkulimlim sakaling maisip natin kung
saan tayo nagmula, baka sa pagkaaligaga’y
maituro ng paa ang patutunguhan,
ngunit pinagmasdan lang natin ang dumating na ambon.
Dumampi ito sa ating balat.
tinitigan kita at doon ko naramdaman ang matinding
pangungulila, 
pagkabalisa at pagkawala.
Tayo’y nasa sangandaan pa ring hindi natin nakikilala.### 09/15/11

Saturday, 24 August 2013

Ang bagyo ayon sa Grupong Pendong

'Bagyo-bagyo' mula sa album na 'Panahon'

Bagyo-bagyo anurin mo ang dungis ng katilingban,
sa bayan tila nagmamaliw.
Bawiin ang uhaw ng mga tigang na damdamin.
Hugasan ang poot ng mga pusong nangingitim.

Bagyo-bagyo ikalat mo ang kwento ng pagibig,
ang tula na di na madinig.
Isipol ang awit kasabay ng iyong pagdilig
sa lupang kay tagal na naghihintay sa pagsapit ng tag ulan.

Bagyo-bagyo sabihin mo
kailan nga ba darating 
ang pagsikat ng araw ng simula,
sariwang hangin na mapayapa.

Bagyo-bagyo wasakin mo pagkakahati-hati
ng mga tao sa bayan ko.
Ibuhos ang galit at baka sakaling mayanig 
ang kawalang damdamin ng mayroon narinig. 

Tuesday, 20 August 2013

Pagbabalik

May ipinapaala sa akin itong bagyo’t ulan.

Kahapon, rumaragasa sa labas ng opisina ang tubig-ulan. Mabuti na lang at hindi katulad ng Maynila dito na binabaha kaunting kembot lang ng ulan.


Wala akong payong. Wala akong kapote. At walang balak tumila itong ulan.

Nakatitig lang ako sa daan (highway tapat ng opisina) habang ang ibang katrabaho ko’y paalis na at pauwi. Naisip kong magkape sana muna sa labas, pampainit bago umuwi ng boarding house pero wala nga akong payong.

“Magdala ka kasi ng payong” sabi ng isang katrabaho ko na noong una’y nagtatanong kung makikisabay  akong papuntang SM. Tumanggi ako at ngumiti.

Matagal ko nang hindi naririnig ang ganoong paalala. Kinalkal ko ang bag ko para mahanap ang cellphone ko. Tinawagan ko si Mama.

Mang, kumusta kayo ditan?*

###


*(Ilocano) Mang, kumusta na kayo diyan? 

Saturday, 17 August 2013

Photo: Baguio

  • Dear S,
    all streets lead to somewhere lonely tonight.
    Baguio.
    It's raining.
    The fog is thick.
    Stay inside.#

Friday, 2 August 2013

Sulat III

S, 

hindi na ako naniniwala sa pantasya, 

nalasahan ko na ang pait ng pag-ibig na noon ay akala kong alam ko na (at pinilit na isulat), 
at higit sa lahat, 
hindi ko sinasadyang saktan ka.

###

Thursday, 1 August 2013

Tungkol sa Ulan

"Ginalugad ng ulan ang mga
kalye ng ating memorya.
Muling binasa ang mga
Lansangang hindi na
Natin nilalakaran.
May panghihimagsik ang
Pagbabalik sa akin,
May panunuyo ang iyo."
- Mga PS sa Ulan

"Ganito ka nakikipag-usap sa akin.

Nag-uunahang patak
ang mga salitang
hindi masabi-sabi."
- Ulan sa Sunshine Park

###