Saturday, 22 February 2014

Paumanhin

Hinubad nya ang damit sa harap ng salamin. Tumitig sa katawan na parang batang bumalik sa kinalakhang bayan. Ginalugad niya muli ang mga mga kurba,
ang mga peklat, ang mga bahagi kung saan minsan, isang estranghero ang tumatalunton.
Humingi siya ng paumanhin sa sarili. Kinagat ang daliring nakatakip sa mga labing nanginginig. May kalungkutan, may galit.
Dinamitan nya ang sarili at nagpasyang magtungo sa banyo upang linisan ang mga bakas ng estrangherong minsan umapak sa kanyang katawan. ### 02042013

Thursday, 13 February 2014

Mga Itinago

Nararamdaman ko pa rin ang lahat ng tungkol sa iyo kapag nag-iisa na akong lumulutang sa alapaap. 

Paano ko kaya itatangging naalala kita? Paano ko ba sasanayin ang sarili kong hindi ka na nayayakap tuwing gugustuhin ko, o 'di kaya'y ayaing samahan akong magkape tuwing alas-sais ng hapon?


Paano ko nga ba sisimulang ituro sa sarili ko na ikaw at ako ay magkabilang dulo na ng pisi, ng sinulid, ng linya, ng lahat-lahat ng kasalungatan sa mundo?


Hindi ko na sana sinayang ang mga pagkakataong puwedeng-puwede kong hawakan ang iyong kamay, tapos ngingiti, tapos magsisindi ng sigarilyo kahit na sabihin mo pang ilang beses ka nang tumigil. Parang ganoon ang sa akin - ilang beses na pagsukom ilang beses na pagbabalik. 


Sigurado na ako. May tono ng pagdedesisyong sigurado ang mga salita mo. May tono ng pagwawakas na parang tuldok sa huli ng isang pangungusap, ng isang talata. 


Sana sinamahan kitang panuorin ang bukang-liwayway sa Besao noong na iyon (na tayo'y nasa Sagada). Marahil, naranasan ko pang hawakan ang kamay mo habang kinukumusta tayo ng mundo sa huling pagkakataon. 


Sa ating dalawa, ako ang mas nawalan. At ngayong umagang inaalala ko ang panaginip ng magdamag, alam kong hindi na ako muling sasagi pa sa iyong isipan. Ito ang paglimot mo sa akin at sa lahat.


At ngayon, ikaw at ako, magkalayong lumulutang sa magkabilang dulo ng kalawakan. ### 090910


Happy Valentines Day everyone! Pasensya na sa drama. :))  


Tuesday, 11 February 2014

Paglipad/ Paglisan

Hinihintay kong bumaba mula sa kisame ang mga kamay na magbubukas sa dibdib ko. Kanina pa ako nakatitig. Dumikit na ang balat ko sa kumot at sa kobre kama.
Walang puwang ang tunog sa loob ng kuwarto ko. Ngunit ang bawat tibok ng puso ko ay parang sugat na nais ko nang kamutin, bungkalin hanggang sa dumugo
nang dumugo
nang dumugo.
Pinamugaran na ng ipis ang tasang kinalimutan ng kapeng kanyang tangan-tangan. Dumaan ang paglimot. Dumaan
ang paglimot.
Sa sahig, nagdurugo ang cellphone na kanina pa naghihintay ng tawag at text. At sa labas ng bintana, sa himpapawid, naroroon kasama ng mga ulap ang magagandang bagay na mayroon ang daigdig. ### 111411

Sunday, 9 February 2014

Virgo

Paanong magsasalubong itong ating mga bituin?
Paano nila itinali at ibinuhol ang ating mga kapalaran
(o tadhana) sa mga tala?


### 042511

Thursday, 6 February 2014

Ang iyong pangalan,

Naiguhit ko na ang lahat konstelasyon sa kisame. Hindi pa natatapos ang ulan. Hindi pa nagpaparamdam ang mga panaginip.
Pumapasok na ang lamig. Anong pangamba? Anong pananahimik?  
Haharap sa kaliwa. Magdarasal. Mangungumpisal. Babaluktot. Naninigas na ang mga paa ko. Maikli lagi ang kumot sa tuwing iniisip kita, kapag hindi matapos-tapos ang magdamag at ang tag-ulan.### 030512

Ang hangganan

Ano ang hangganan?
‘Yung minsang humiga’t bumalukto’t ka sa paanan ng iyong kama. Tinitigan ang dingding at kesame na parang mayroong mapang magtuturo sa iyo ng hangganan ng lahat.
Ngunit hindi pa doon nagtatapos dahil babalikwas ka’t hahanapin ang bombilya sa iyong kuwarto na parang may bagong katauhang iluluwa at matagal nang hinihintay.
Pangungulila siguro ang nararamdaman mo. Gusto mong may umagos na luha sa pisngi para masabing sentimental ang sandaling ito. Ito ang kaganapan.
Maaalala mo siya – ang kinalimutan. Maaalala mo siya sa lambot o tigas ng kama, sa nalamukos na bed sheet at kumot, sa amoy ng unang nayakap at niyakap.
‘Yun ba ang hanggan ng mapang sinundan mo mula dingding tungong kesame? Siya ba ang hangganan, ang lahat?
Babangon ka’t hahaplusin ang buhok, bahagyang kakamutin ang batok tsaka hihilain ang makapal na buhok. Hihimasin ang batok baka mayroong bagong sugat na dumagdag, na sinasadya mong paduguin dahil sa labis na lumbay.
Ito ba ang hangganan?
Kukunin mo ang sigarilyo, sisindihan at papasuin ang sarili. Kukuha ka ng lapis o bolpen at isasaksak sa leeg. Hahayaan mong dumugo ang tinta sa kama, sa dingding, sa kesame. Isusulat mo ang hangganan. Ang hangganan muli ang simula.
Babalik ka sa unang sandali na malinaw pa siya sa iyong alaala. Ngunit wala kang makikita doon. Pagka’t ito na ang hangganan. ### 030812