Thursday, 6 February 2014

Ang hangganan

Ano ang hangganan?
‘Yung minsang humiga’t bumalukto’t ka sa paanan ng iyong kama. Tinitigan ang dingding at kesame na parang mayroong mapang magtuturo sa iyo ng hangganan ng lahat.
Ngunit hindi pa doon nagtatapos dahil babalikwas ka’t hahanapin ang bombilya sa iyong kuwarto na parang may bagong katauhang iluluwa at matagal nang hinihintay.
Pangungulila siguro ang nararamdaman mo. Gusto mong may umagos na luha sa pisngi para masabing sentimental ang sandaling ito. Ito ang kaganapan.
Maaalala mo siya – ang kinalimutan. Maaalala mo siya sa lambot o tigas ng kama, sa nalamukos na bed sheet at kumot, sa amoy ng unang nayakap at niyakap.
‘Yun ba ang hanggan ng mapang sinundan mo mula dingding tungong kesame? Siya ba ang hangganan, ang lahat?
Babangon ka’t hahaplusin ang buhok, bahagyang kakamutin ang batok tsaka hihilain ang makapal na buhok. Hihimasin ang batok baka mayroong bagong sugat na dumagdag, na sinasadya mong paduguin dahil sa labis na lumbay.
Ito ba ang hangganan?
Kukunin mo ang sigarilyo, sisindihan at papasuin ang sarili. Kukuha ka ng lapis o bolpen at isasaksak sa leeg. Hahayaan mong dumugo ang tinta sa kama, sa dingding, sa kesame. Isusulat mo ang hangganan. Ang hangganan muli ang simula.
Babalik ka sa unang sandali na malinaw pa siya sa iyong alaala. Ngunit wala kang makikita doon. Pagka’t ito na ang hangganan. ### 030812

8 comments:

  1. minsan din, masarap din yung proseso patungo sa 'hangganan'. dahil dito, nagkakaroon ng kabuluhan kung dumating man yung 'hangganan'.

    ReplyDelete
  2. Wala. Kinalimutan ko na ang hangganan mula nung nagdesisyon akong magsimulang muli.

    ReplyDelete
  3. Lahat ay may hangganan. Ayaw man natin matapos ang mga bagay, wala tayong magagawa. Kung kailangan nang matapos, hindi na natin ito magagawang dugtungan pa.

    ReplyDelete
  4. nagdudugo ang mga neurons ko. Nosebleed pa. Love this post.

    ReplyDelete