Wednesday, 16 December 2015

Bukang-liwayway

Huminga siya ng malalim tsaka pinakawalan ang lahat ng kaba sa dibdib. 

Ngayon, sigurado na siya sa gusto niyang mangyari. Mula sa ika-siyam na palapag ng gusali, nakikita niya ang mamarating na araw. Hindi niya gusto ang nagbabagong kulay ng langit. Nalulusaw siya sa bawat liwanag na unti-unting sumisilip. Mas nais niyang yakap ang dilim. Mas nais niya ang lalim ng dilim. 

Isang hakbang at tuluyan siyang tumalon sa karagatan ng kadiliman. 

Ito ang huling larawan sa kanyang isipan. ### 


Before sunrise. Litrato mula kay Rice Dulguime.

Friday, 25 September 2015

Sampung Bagay na Natutunan ko Pagkatapos Umibig*

Una, laging may dalang kalungkutan ang umaga. Mag-aalmusal ka ng pighati at matutulog kang umaasa.
Pangalawa, lagi kang naliligalig. Walang habang buhay. Walang "tayo" na habang buhay.
Pangatlo, titigil ang mundo. Titigil ka at hindi na maghahanap.
Pang-apat,  babalik at babalik ka sa una, sa pangalawa, sa pangatlong pagkakataong muli kang aasa at mag-iisa.
Panglima, hindi ka sapat. Sa inyong dalawa, hindi ka nagbilang o nanukat. Ikaw ang nagbigay ng higit ngunit hindi ka pa rin sapat.
Pang-anim, masasanay ka sa sakit. Masasanay kang mabuhay kasama ang lahat ng kasalungatan ng salitang pag-ibig.
Pang-pito, maiintindihan mong ang pag-ibig ay hindi lamang pagmamahal. Ito rin ay galit.
Pang-walo, darating ang wakas.
Pang-siyam, mag-iisa ka sa hangganan ng galit at poot. Ikaw na lamang ang naiwan.
Pang-sampu, isang hakbang at may bagong simula sa wakas. ###

*Pasintabi kay Juan Miguel Severo
 

Wednesday, 26 August 2015

Ang tunog ng pamamaalam

Ito 'yun:

Noong isinara mo ang pintuan ng aking kuwarto at hindi ka na bumalik.

Noong nagkasalubong tayo sa Session Road at hindi mo ako tinignan. 
Noong sumakay ako ng bus isang madaling-araw, yakap-yakap ang lamig ng buong kalunsuran. 

Ito ang tunog ng pagtatangka kong kalimutan ka. ###




Saturday, 15 August 2015

Burnham Park 2010

Sa burnham park, nawawala ang galit at pag-ibig, naiintindihan ang pagkakakilala sa pagiging anonymous, ang nakalipas sa kasalukuyan, ang totoo sa hindi.

Sa burnham, lumalaya ang salitang pag-ibig sa iba't ibang paraan na hindi kailangang magwakas ng masaya o sa isang trahedya.

Sa burnham, ikaw ang huling ulap na tatakip sa maliwanag, malamig, at mabilog na buwan.
###

Wednesday, 5 August 2015

Hantungan

K:

Ito na ba ang araw na yun?

Naaalala mo 'yung usapan natin na ayaw nating tumanda, na dapat mamatay tayo ng maaga? Katulad sa Norwegian Wood, mananatili tayong bata kasi
'ayaw nga nating tumanda.
Ayaw nating mag-isang tumanda.
Ayaw nating mag-isa.

Ang sabi mo, mamamatay ka siguro kapag 33 ka na. Mamamatay ka sa cancer. Ang sabi ko naman, sana kapag namatay ako, isang pikit lang tapos hindi na ako magising.

Kanina, naalala ko ang usapan natin. Kanina, habang naghihintay ako sa ospital, naalala ko ang usapan natin.

Sabi ko pa noon sa iyo, baka hindi ako umabot ng 28 dahil sa lifestyle ko. Kanina sa ospital naalala ko lahat ng sinabi ko.

May nagbabadya sa mga alaala ngunit hindi ko lang sigurado kung ano.

Sa unang pagkakataon yata, nalunod sa katahimikan ang buong ospital habang nananalangin ako na sana
hindi ito cancer. ###

Saturday, 18 July 2015

Sagada

May kalungkutan itong mga restaurant at kainan. May kakaibang pait itong kape, usok ng sigarilyo, at malamig na hanging kanina pa kumakalabit sa akin.

Hinahanap pa rin kita sa mga sulok, mga eskinita,
sa mga lunang dati nating pinuntahan.
Ilang beses o ilang taon pa ba akong maggagalugad at aasa sa mga baka sakali –
mga muling pagkikita,
mga pagbabalik,
at muling pagsasama.

Marami nang nabago. Pero naririnig ko pa rin sa Echo Valley ang
alingawngaw ng mga salitang sinabi mo,
“Mahal kita.”

Nasasabik pa rin ako sa mga umaga. Baka
nasa tabi lang kita at handang samahan akong maglakad sa lilim ng mga punong pino.
Nasabik pa rin ako tuwing dapit-hapon dahil baka mula sa dulo nitong kalye ay dumating ka’t samahan akong habulin ang huling sikat ng araw.
Nasasabik pa rin ako init ng bonfire kasama ka. Nasasabik ako lagi sa’yo.

Nalulungkot ako dahil hindi kayang tangayin ng ulan ang mga alaalang ito na akala ko ay naibaon ko sa maraming nagdaang taon na wala ka. Ikaw ang laging hantungan ng lahat ng bagay at
hindi mo ako pinatatakas sa kalungkutan
na habang buhay kong bitbit kasama ng iyong alaala.

Mahal pa rin kita aking Sagada. ###  

Pasensya na. Mula 2009, hindi pa rin ako umuusad sa aking buhay. Punung-puno na ang blog na ito tungkol sa Sagada at kalungkutan. 

Monday, 13 July 2015

Kay Ateng Nagdadrama sa Bintana ng Jeep

Mahal ka pa niya. 

Kailangan lang niya siguro ng panahong pag-isipan kung kaya pa ba niyang maglaan ng pag-ibig na hihigit sa ninanais mo. 

Kailangan siguro niya ng panahon upang hanaping muli ang kanyang sarili na nawala noong ikaw itong hinahanap niya. 

Kailangan lang muna niya ng oras na mabuo bago muling malusaw ang katauhang inialay niya sa'yo 

nang walang pasubali. 

Mahal ka pa niya ngunit kailangan niya munang mapag-isa. #

Tuesday, 7 July 2015

Facebook Status December 15, 2009

"At matapos ang hikab ng mahaba at malungkot na 3:30PM, umusad na ulit ang oras"

###

Wednesday, 1 July 2015

Wednesday, 24 June 2015

Tawi-Tawi

Nagising ako sa tunog ng azan (call to prayer) mula sa isang malapit na mosque. Pang-apat na araw ko na dito sa Tawi-Tawi ngunit pakiramdam ko, ang tagal ko nang nakatira dito. 

Nasasanay na yata ako. Nasasanay na ako sa mausok na mga kalye ng Bongao at sa maingay na palengke nito. Nasanay na ako sa katahimikan, sa init ng klima, at sa lamig ng hangin tuwing alas kuwatro ng madaling-araw. 

Ngayon, hindi pa sumisikat ang araw, nakaramdam ako ng katahimikan habang pinapakinggan ang awit mula sa mosque. Naramdaman ko ang pagod na matagal ko nang iniinda. Naramdaman ko ang pagkaupos, ang pagkawala ng motibasyon sa maraming bagay. 

Ilang oras pa at babalik na ako sa Zambonga patungong Maynila at pauwi ng Baguio. Nakatakas ako pansamantala mula sa mabilis at magulong kagubatan ng siyudad. 

Iniisip ko, ang pagtakas ay hindi solusyon. Ang walang hanggan at mailap na katahimikan ay nasa ating mga sarili. Kailangan lang natin ng kaunting panahon ng pag-iisa at pagmumuni-muni. 

Masayang hanapin din ang sarili na nawala sa kabalintunaan ng buhay. ###    

Tuesday, 9 June 2015

Alas singko

Nagsisimula na ang lahat na mag-empake ng kanilang gamit pauwi. Mag-aalas singko na pero pareho yata tayong walang balak umuwi.
Nakakapanibago lang kasi minsan, mapapansin ko na lang na wala ka na sa cubicle mo lalo sa mga araw na sobrang dami ng mga gawain. Ngayon, himala yatang nasa opisina ka pa samantalanag ako ay sanay nang umaalis ng opisina ng walang araw.
"Tara. Siomai. Libre ko." sabi mo.
Hindi naman ako maarte pero noong sinabi mong mag-siomai tayo, hindi ako naniwala agad.
"Tara na. Di ba paborito mo ang siomai tsaka yung sunset sa SM hahaha " dagdag mo.
Sumama naman ako. Kasi gusto ko 'yun. Gusto kita.
Malamig ang hapon na 'yun. Wala akong dalang suot na jacket dahil sanay naman na ako habang ikaw naman ay suot-suot ang itim mong hoodie. Hindi naman awkward pero hindi lang yata akong sanay na kasabay kang maglakad paalis ng opisina papuntang SM. Yun yata ang pinakamahabang lakaran sa buhay ko. Mas mahaba pa sa mga trails sa kabundukang napuntahan ko.
Hindi naman kasi tayo ganooon ka-close. Sa inuman at kainan lang yata tayo nagkakasama o sa mga boring na meeting kung saan tayo nakakapag-yosi break. Wala akong ibang alam sa'yo maliban sa mag-isa mo dito sa Baguio at mahilig ka sa pusa. Na-inlove ka noon sa isang babaeng may iba. Na-tsismis ka noon sa isa pa nating ka-opisina. Mahilig kang kumanta. Madaling malasing.
Pero hindi mo rin ako kilala.
Nagba-blog ako tungkol sa'yo. Sinasadya kong humiram ng lighter tuwing makakasabay kang magyosi kahit may dalawang akong lighter sa opisina at sa bag. Pinapakinggan ko ang pinatutugtog mo tuwing alas dos ng hapon. Alam ko kung saan ka tumatambay tuwing Biyernes. Alam kong marami kang imbak na kape sa mobile ped at alam kong naglalaro ka ng Sims tuwing nabuburyong ka na sa trabaho.
May mga bagay na lilipas. Katulad ng sunset, katulad ng oras na ito. At sigurado akong isa rin ito sa mga bagay na hahayaan ko na lamang mangyari  at dumaan dahil alam kong hanggang dito na lamang - mga sunset ang laging pumupuno sa ating pagitan. ###

Monday, 20 April 2015

"At iindak na lamang sa tibok ng puso mo"*

We puff cigarettes and hope that the smoke will take away the feeling. We chase streets like children chasing butterflies. The roads are endless. The feelings are endless. 

We live in a city of broken hearts. Many times, we try to escape and miserably fail. 


Magpapaalam at magsisisi. ###


*See Armi Millare dancing to the tune of Indak (
http://aftertaste.ph/2015/04/20/2826/). 

Saturday, 11 April 2015

"Nilibot ang distrito ng iyong lumbay"

Nagjogging ako kanina. Inaasahan ko na makasalubong ka. Pareho kasi tayo ng ruta - John Hay-Southdrive. Pero wala ka. 

Kanina yata ang pinakamahabang jogging sa buong buhay ko. Mas mahaba ang natakbo ko kaysa sa nalakad ko. Matutuwa ka tiyak kapag nalaman mong mas kakaunti na ang pahinga ko kaysa sa aktwal na exercise. 


Malamig kanina. Tahimik sa daan kahit na rumaragasa ang mga sasakyan. Maagang sumikat ang araw. Hindi kita kasama. 


Kailangan ko nang sanayin ang sarili ko na mag-isa tuwing Sabado at Linggo ng umaga. Kailangan ko na rin siguro ng bagong ruta. ###

Tuesday, 7 April 2015

Bakit Tayo Nalulusaw sa Pagri-review ng Facebook Newsfeed

Binalikan ko ang newsfeed ko sa Facebook. Nililinlang yata ako ng mata ko. Matagal na akong hindi nakakakita ng update mula sa iyo.  Matagal nang hindi ko naaalala at nabibigkas ang pangalan mo.

Malikot ang isip ko at judgemental nga yata talaga ako gaya ng sabi ni Mace. Sa totoo lang, hindi ko alam kung masasaktan ako o hindi, kung malulungkot ako o hindi. In-assume ko na yung kasama mo sa litrato ay ang bago mong karelasyon. Maganda ang dagat. Mainit ang tag-araw. Mukha ka ring masaya.

Ang sabi mo dati, ako ang Pasipiko sa iyong dibdib. At masyado ko yatang dinibdib ‘yun. Naniniwala ako na nakakarma na ako sa mga kaartehan ko noong 20 years old ako.

Kaya siguro ayaw ko nang masyadong mag-Facebook. Mapait ang muling mabanggit ang pangalan mo. 

###

Ang haba ng nilakbay ko mula Baguio to Apayao, mula lamig tungong init para lamang magmoda ng ganito. Past whogoat: http://mgaespasyo.blogspot.com/2013/05/pasipiko-sa-aking-dibdib.html

Sunday, 8 March 2015

Pagudpud, Pagbabalik

Ikinuwento mo sa akin kung anong mga ginawa niyo ng karelasyon mo sa Baguio noong Disyembre. Nakikinig lang ako. Tumatango paminsan-minsan. Sumusulyap sa bintana, sa labas ng sasakyan, sa iyong mukha kapag hindi ka nakatingin.
“Ang saya nga noon eh. Sana nandito ulit siya” sabi mo.
Bigla yatang humaba ang biyahe mula Laoaog City tungong Pagudpud ng mga oras na ‘yun. Gusto kong malusaw. Mahina ang aircon. Putangina. Kanina ko pa gustong bumaba. Lahat ng kuwento mo, tumatagos sa puso ko.
“Bakit ba hindi tayo nagkita noong nasa Baguio ako?” tanong mo. Ngumiti ako.
“Mayroon ka naman nang kasama” sagot ko.
Napatigil ka. Nawala ang saya mo sa pagkukuwento. Umiwas ako ng tingin. Ganoon ka rin.
Pinagmasdan ko kung paanong mabilis na lumilipas ang lahat ng bagay sa labas ng sasakyan. Naiiwan, nahuhuli yata ako.
Lumakas ang aircon sa loob ng van at nanlamig ang sasakyan. Katulad ng distansya ng Laoag at Pagudpud ang ating pagitan. ###

Monday, 19 January 2015

Facebook Status 18 Enero 2010

"Gusto kong lumangoy sa dibdib mo. Hiwain ito para talagang malaman kung anong laman. Huwag kang mag-alala, gagamit ako ng matalim na kutsilyo, kasing talim ng mga salitang binitawan mo at humiwa rin sa dibdib ko."