Wednesday, 15 May 2013

Pasipiko sa aking dibdib*

Maaalala mo ‘yung taong nagsabi sa’yo dati na ikaw ang Pasipiko ng kanyang dibdib. At mag-iisip ka kung anong nangyari sa inyong dalawa at kung paanong nilamon ng distansya ang kwento niyong dalawa. 

Tapos, sa loob ng opisina, pasado alas-sais na.
Hihigop ka ng kape.
Titingin sa monitor.
Bubuksan ang Facebook, at hahanapin ang pangalan niya.

At babalikan mo kung paanong pinalagpas mo ang sana’y pinakamagandang kaganapan sa iyong buhay.

Maaalala mo kung paano niya sinabing
  
“Ikaw ang Pasipiko sa aking dibdib,” at kung paanong nawala ang kanyang tinig nang hindi mo namalayan.

At maiisip mo,

ang layo na nitong ilalim sa kanya. Sa inyong dalawa ikaw itong nalunod, sumuko, at naiwan sa ilalim ng sarili mong kababawan**. Ganito pala ang magmahal. ###

*Naalala ko lang dahil sa librong nakita kong inilabas ng Ateneo Press sa kanilang facebook account
**Paumanhin kay Piya Constantino sa paghiram sa phrase na 'nalunod sa sariling kababawan'

8 comments:

  1. may damdaming minsan ay hindi mo maamin sa sarili. masyado akong kampante na babalik siya ng ganon na lang. buti napadpad ako dito't natauhan. ^__^

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nasanay lang siguro na nandyan lang lagi :)

      Delete
  2. Trip ko yung "nalunod sa sariling kababawan."

    Ito ang parati kong sinasabi, na napagtanto kong totoo mula sa isang tulang nai-publish sa Kalyo (isang UP print):

    Yung ideya na mahirap magmahal ng makata, o ng manunulat.

    Bawat sakit ay kanilang hihima-himayin, malulugmok sila sa sitwasyon kung saan mo sila iniwan, magpapakabaliw kakasulat sa sakit at hinagpis na dinaranas nila. Mahirap magmahal ng makata o manunulat, dahil lahat ng mga salita'y di magiging sapat upang sila'y gumawa ng mga akda tungkol at para sa iyo, at ang kawalan ng mga salita ay mananatili, at mas lalawak, kapag iniwan mo na sila.

    Oo, mahirap magmahal ng makata o manunulat, dahil sa sandaling hugutin nila ang kanilang panulat, alam mo nang tungkol sa iyo ang kanilang mga ihahabing salita, at alam mong sa panahong iyon, mas mahal ka niya kaysa mas mahal mo siya.

    At sa mga pagkakataong iyo'y malalaman mong kapag nagmahal ka ng makata o manunulat, ikaw ang magiging Pasipiko sa maliit na mundo nila.




    .... Charot!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahahaha Pasipiko ng aking mundo

      Delete
    2. Ito ang naging inspiration nun : http://ingaybiswal.blogspot.com/search?updated-max=2010-09-02T19:34:00-07:00&max-results=100

      Delete
  3. "Maaalala mo ‘yung taong nagsabi sa’yo dati na ikaw ang Pasipiko ng kanyang dibdib. At mag-iisip ka kung anong nangyari sa inyong dalawa at kung paanong nilamon ng karagatan ng distansya ang inyong alaala."

    - hanep ka talaga! I usually leave long comments. Sa pagkakataon na ito hindi ko kaya. Dalang dala ako ng post na ito. Hehehehe!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ser baka may pinagdadaanan ka rin hehe salamat!

      Delete
  4. Ika nga, nasa huli ang pagsisisi.

    ReplyDelete