Showing posts with label new year. Show all posts
Showing posts with label new year. Show all posts

Friday, 27 December 2013

Bago matapos ang taon #4

Nakatatakot ang paglimot. Ayaw kong lumimot pero ito lang yata ang kaya kong gawin, ang kaya nating gawin. #

Bago matapos ang taon #3

Ilang beses ko nang isinasadula sa isip ko ang ating muling pagkikita:
Mananahimik ang paligid.
Mag-aantay ng tunog.
Ilang pulgada lang ang pagitan natin.
Malayo ang tingin.Walang hangganan.
Lagi akong handa (at hindi handa) sa iyong pagbabalik.
Paano ba? Paano ko sasabihing
ikaw lang naman ang kaya kong isalba sa tuwing ninanakaw ng
pagtanda ang lahat,
na lagi’t lagi ,
may nakalaang kuwarto sa aking gunita para sa iyong ngiti, mukha
na lagi kong binibisita tuwing
nangungulila.
Ganito kaya talaga ang hindi paglimot?
Ilang beses na sigurong sumagi sa iyong isipan
ngunit piniling itapon kasabay ng paglayo, pagsakop
ng distansya?
Ito lang, patawad, ang kaya kong gawin
tuwing nakikinig sa tunog ng katahimikan:
Ang isiping sa ating muling pagkikita, tatanungin mo sa akin,
‘Maaari ba akong bumalik sa aking kuwarto?’
Magsisilipiran ang lahat ng pangamba, makikinig ang Sagada
sa mga salitang naantala sa dila:
‘Hindi ka naman nawala dito.’
###

Bago matapos ang taon #2

I.
Humahaba ang oras kapag nakatitig ako sa ‘yong mata. Hindi ko sila masisid,
dahil tuwing palalim ako ng palalim, pumapailanlang naman ako tungong liwanag,
Natutuklasan ko lagi ang kaluwalhatian at kalayaan,
na nahati sa dalawa mong mata.

II.
Hindi ko alam kung pagkalunod ba ang nararamdaman ko.
Kay lalim ng iyong pinagmumulan.
Nalulunod ako at hindi ko na mapigilang –
hawakan ang iyong kamay at salatin ang mga peklat, sugat at kalyo,
haplusin ang iyong pisngi at pakiramdaman ang kulubot na inani mo sa digma,
yakapin ka para damhin din ang pagod ng paggawa,
halikan ka nang malasahan ko ang tamis ng ‘yung pakikibaka.
III.
Sa gayung ayos, ngingiti ka at alam ko,
Oras na naman ng pamamaalam,
Inililigtas mo ako lagi sa kamatayan.
‘Babalik naman ako.’
Inililigtas mo ako lagi sa sarili kong kalungkutan.
###

Bago matapos ang taon #1

Nagising siya nang may bumangon mula sa kanyang higaan. Wala pa sya sa tamang katinuan nang tumingin siya sa kalangitang kayang ipakita ng bintana. Inaagaw ng liwanag ang dilim,
may lumubog na barko sa gitna ng dagat,
may inang nawalan ng anak,
may pusang nasagasaan sa kalye, may musikang papahina ang tunog,
may mangingibig na handang ialay ang buong kalawakan
ngunit huli na ang lahat.
Hinaplos nya ang katahimikan sa kanyang tabi. Pinakiramdaman ito. Iniwan nya ang kama. Pinahiran ang namuong tubig sa mata.
Tinitigan ang sarili. Tumitig ang tokador, ang salamin. May pakiusap ang umaga. Maliwanag na’t madilim pa rin sa kanyang kuwarto. ###