Showing posts with label Vergara Alley. Show all posts
Showing posts with label Vergara Alley. Show all posts

Thursday, 13 June 2013

Sa Vergara Alley











Tumingala ako sa langit. Umaambon ng kalungkutan.
Binabasa nito paunti-unti ang aking pisngi, pilik-mata, labi at buhok at palad at mga bubong, ang daanan.
Naninilaw ang paligid. Pakupas itong alaala. Katulad noong minsang humingi ako ng sigarilyo sa’yo, dito rin, sa ilalim ng streetlight, may pamamaalam, di tiyak na distansya, di tiyak na muling pagkikita, na laging sumasagi sa aking nalulungkot na isipan.
Napakakipot ng eskinita ng Vergara ngunit lubhang malawak ito para sa aking pag-iisa.###

Saturday, 1 June 2013

Dapithapon


May pelikulang ipinapalabas sa langit. Nagsisiliparan ang liwanag. Nag-uunahan ang mga larawan.
Tumigil saglit ang lahat ng nasa labas ng kani-kanilang bahay. Tumigil ang magbabalot sa paghiyaw. Sumilip si Aling Tinay mula sa bintana ng kanyang tindahan. Ang mga nagkakape’t naninigarilyo sa labas ng call center ay natigil. Lahat ng nasa Vergara Alley ay tumingin sa langit. Naantala pansamantala ang daigdig.
Lahat sila nalungkot. Lahat sila nangulila.
Nakalimutan na nilang umibig sa mahabang panahon.###