Monday 29 July 2013

Liwasan ni Allan Popa

Bumabalik ka sa lansangan nitong lungsod kung saan
muntik kang maligaw sa kabataan, makaraang masaulo

ang pasikot-sikot ng mga kalsadang walang patutunguhan

kundi ang isa’t isa, bumabalik kang tila nawawalang muli
upang maupo sa liwasan kahit walang katatagpuin

sa piling ng mga tulad mong hindi rin nais matagpuan

kahit panandalian habang walang-patid na pumapailanlang
ang tubig na sinasahod upang walang-said na bumukal

dito sa puwang na inilaan ng batas, bukas sa lahat ng dako

anumang oras para sa lahat, kahit sa walang pag-aari walang
malay sa sarili walang hiya walang dala mula sa nakaraan

kundi panganib na maibibigay mo sa iba at sa iyong sarili.

###

Monday 22 July 2013

Umaga

Naririnig niya ang kalampag ng takip ng kaldero. Kailangan na niyang maligo’t kanina pa nasasayang ang gas sa kanina pang kumukulong kaldero ng tubig.

Kakamutin niya ang ulo, at titingin sa bintana. Pipikit saglit tsaka hihilahin ang katawan. Ilang beses na syang nagigising ng alas-kuwatro ng madaling-araw, magpapakulo ng tubig panligo, matutulog at magigising ng alas-sais.

Titingin sa kesame. Inalis ang muta. Pagkahila ng kumot, nahulog sa sahig ang libro ng mga tula ni Pablo Neruda.

Paminsan-minsan may dumadalaw na kalungkutan sa kanyang pagtulog. At mamaya siguradong mapait na naman ang kapeng kanyang hihigupin.

Tumingin ulit sya sa bintana. Napansin niyang maulap lagi ang umaga simula noong gumigising na siyang mag-isa. ### 

Sunday 21 July 2013

Ang pagpaparaya ayon sa Up Dharma Down

Pinag-isipan kong mabuti kung sasabihin ko ba sa iyo na gustong-gusto kita. Hindi ko alam kung kailan eksaktong nagsimula ito. Kahapon habang nakahiga lang ako sa dalampasigan, habang ipinapanalangin sa mga diyosa ng alon at buhangin na sana sa La Union na lang ako lagi nakatira, naisip ko na dapat pagkabalik ng Baguio ay mayroon na akong desisyon.

Pasensya na at ang babaw nitong pinag-iisipan ko. Sasabihin ko lang naman na gusto kita, wala namang na dapat kaso iyon. Sasabihin ko lang 'yung nararamdaman ko tapos okey na siguro.

Pero alam naman nating hindi lang iyon ang gusto ko. Gusto ko siyempre may sagot ka. Gusto ko siyempre na maging tayo. 


At alam kong hindi mangyayari 'yun.

Kaya, siguro, hahayaan ko na lang munang lumipas itong nararamdaman ko at sigurado naman akong mawawala rin ito. Sa mga susunod na buwan baka okey na rin ako. Sa ngayon, ayaw ko munang makita ka o makasama. Marami akong naaalala tungkol sa atin at hindi ko alam kung ako lang ba ang nagbigay ng malisya sa lahat ng iyon, at inisip na baka may gusto ka rin sa akin. Torpe lang talaga ako minsan. Hindi ko na yata malalaman kung ano ang nararamdaman mo para sa akin. 



Ang iyong mangingibig, E. 


###



Ang Pagitan ni Carlos M. Piocos III

I.
Ganito iyon: Kung makikinig ka nang mabuti,
mauulinigan mo ang aking alingawngaw na parang hanging
umuuwi sa kabilang pampang, hampas ng tubig sa malalaking bato,
o tinig na humihingi ng saklolo mula sa pinakailalim ng bangin.

Kapag inilapit mo pa ang iyong tainga,
baka marinig mo ang paggaralgal ng aking boses
na parang hinahalong inumin sa loob ng pitsel, nanlalagkit sa gasgas
ng pagkaaligamgam at duro ng mapaglarong dilang-kutsara.

Kapag lumapit ka pa, sige, halika
lumapit ka pa, mawawala ang tunog, garalgal, gasgas
at sagasa ng mga salita mula sa aking bibig patungo sa iyong tainga.
Sapagkat hahalikan kita at saka mo pakinggan
ang mga sinusukat mong akala.

II.
Ganito iyon: kung lalayo ka ng tatlong hakbang
mula sa aking kinauupuan, magkakaroon ng mesa
at puting-puting mantel at sabihin na nating may mataas na kandila
sa pagitan natin. Sinisigurado ko na hindi kita papasuin.

Kung lalayo ka pa ng sampung hakbang
maaapakan mo ang basag na pinggan sa sahig
ngunit tulad ng maraming lumang pelikula, wala kang maririnig
na tunog ng pagkawasak, kahit ang iyong hiyaw sa hapdi sa sugat
ay magiging mga salitang sinakmal ng saknong sa ilalim ng eksena:
Sumigaw ang Lalaki.

Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay.

Kung lalayo ka ng isandaang hakbang
nakaupo ka na sa loob ng bus, sa iyong kanan
ay ang bintana: ang kalsada, ang lungsod, ang gabi,
ang mga tala at pagkaantala. Sa iyong harap, isang pagod na konduktor,
ipinamasaheng pagkakataon at isinukling pagkaligta.

Kung lalayo ka pa ng ilang kilometro, isang milya,
Tutunog ang katabi mong telepono sa loob ng opisina,
at sa ganito kalayong distansiya, ibubulong ko kung
natatandaan mo pa ba ang pangalan ko?

###