Sunday, 23 November 2014

"Hindi minamadali ang pag-ibig"

K,

Sa totoo lang, nagdalawang-isip ako kung dadalo ba ako sa kasal mo. Ngayon ko lang kasi napag-isipan ng mas maayos kung gaano ka-awkward ang lahat ng bagay sa pagitan natin. Ngayon ko lang rin naman naisip ang mga nangyari. Huwag kang mag-alala at wala naman na akong espesyal nararamdaman para sa'yo.


Ginusto kasi kita noon, nang hindi mo alam. Lagi tayong magkasama at magkausap. Lagi kang masaya. At naging masaya rin ako noong mga panahon na 'yun.


"Ano namang nararamdaman mo?" biro sa akin ng isang kaibigan kanina sa kasal. Sabi ko "wala naman na, wala na."  

Sa totoo lang, naiyak ako kanina noong nagmartsa kayo habang kinakanta ng isa sa mga kaibigan natin 'yung paboritong lovesong natin noong kolehiyo.   


"Hindi minamadali ang pag-ibig" 'yan ang sinabi kanina ng isa sa ninang ninyo sa kasal. Nagtawanan ang karamihan ng mga dumalo kanina na karamihan ay mga bata (o mas bata sa atin). Marami kasing nabubuntis ng wala sa panahon na nagiging dahilan ng komplikasyon, hiwalayan, etc. Marami kasi sa atin ang nakikipag-relasyon nang walang habas, para sa sex man 'yan o para sa ibang bagay.  


Pero sa akin, para akong sinaksak sa puso. Nagngitian kami ng iba pang mga kaibigan nating single at nasa mid-20s na, kaming mga naghahanap sa tunay na pag-ibig (wink).  


Malaki na ang ipinagbago ng mga bagay ngayon kumpara noon. Nakita ko kung paano ka naging mahusay sa iyong trabaho. Marami ang nagbago katulad ng damdamin ko sa'yo. Nanatili ka pa ring kaibigan at naging mainit pa rin ang pagbati mo sa paminsan-minsan nating pagsasalubong dito o sa Maynila. 


Naisip ko na dapat habang tumatanda ang isang tao, hindi na nagdadala ng sama ng loob mula sa nakaraan. Nasasayang ang oras at panahon dahil sa mga hindi pagkakaintindihan na dulot ng mga relasyong minadali, pinilit, at hindi pinag-isipan (o nakuha lang sa landi). Nasasayang ang ating kabataan sa mga kaganapang umuubos sa ating lakas. Madali tayong napapagod, at nawawalan ng gana sa buhay. Kaya tama, "hindi minamadali ang pag-ibig."    


Siguro, hindi ako sigurado pero hindi rin naman ako nagmamadali. Pero sana kung may darating man ay katulad mo sana siya. ###    


PS. May difference naman siguro ang naghahanap sa nagmamadali haha

Saturday, 4 October 2014

Sagada Notes II

Minamadali natin ang pagdating ulan tuwing Marso at Abril. Magbubunyi tuwing Mayo at magpapasalamat sa langit. Pagdating ng Hunyo, isinusumpa natin ang ulan, ang kapangyarihan nitong sakupin tayo ng buong-buo, walang pag-aalinlangan. Ganito tayo umiibig. ###

Sagada Notes I

Ang sabi mo, ililigtas mo ako mula sa kaguluhan ng lungsod. Naligaw ako sa mapang iginuhit mo sa aking palad. Nasaan ka na? ###

Thursday, 7 August 2014

Malamig na Kape

Pinanuod natin ang siyudad noong gabing 'yun 
sa tuktok ng Mandaluyong.
Ang sabi mo, 
handa kang iwan ang lahat dito at sumama sa akin sa Sagada 
o Baguio. 
Nangarap tayo, 
at sa unang pagkakataon, hinayaan kong 
may sumakop sa aking mga palad na lagi kong itinitiklop 
sa pag-iisa. 

###


Monday, 26 May 2014

Paalam Lola, Paalam sa Magandang Daigdig

Pinapatay tayo ng daigdig na ito sa kabila ng pananalig natin sa magandang bukas. Pinapatay tayo ng pangungulila kahit na libong alaala na ang nakasukbit sa ating isipan. Kabalintunaan ang umibig sa mga bagay na mawawala at hindi permanente. Tangina. 

###

Sunday, 18 May 2014

Lunes, Maulap na Umaga

A,

Noong Pebrero ang huli nating pagkikita na siya ring huling dalaw ko sa UP. Tinapik mo pa ako at sabi mo, “oh nakita ko yun.” Ang tinutukoy mo ang 'yung pagyakap ko sa dati kong crush na nai-kwento ko sayo noon.

Hindi ko naman alam na sa muling pagpunta ko sa UP ay necrological service para sa'yo ang aking dadaluhan. May pamilyaridad ang pagpunta sa UP kahit gaano pa katagal akong hindi makadalaw o makabalik pero kanina, ibang lamig ang naramdaman ko kahit pa tirik na tirik ang araw.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Guilt o lungkot, hindi ko alam. Guilt dahil sa mga bagay na nasabi ko sa'yo kahit pa nagkaayos na tayo. Pakiramdam ko ay hindi sapat ang sorry para sa mga bagay na 'yun. Lungkot dahil sa isang banda, naging magkaibigan naman tayo at may pinagsamahan.

Ang huli nating seryosong usapan ay noong nagkape tayo para ayusin ang lahat ng bagay. Ilang beses mong tinanong na “minahal mo ba ako?” Ilang beses din akong tumangging sumagot. O pareho ba tayong nagbibiro noon?

Nakakamiss ka rin pala. Cliche. 

Kanina, gusto kong magsalita sa harap. Gusto ibahagi ang nararamdaman ko tungkol sa iyong pagkamatay pero nahiya ako.

Masayahin kang tao at marami kang taong napasaya. Ang iyong pagkamatay ay paalala na hindi permanente ang buhay sa mundo at dapat nating sulitin itong oras na mayroon tayo.

Huling-huli at maling-mali na sabihin ko ngayong “salamat” pero ito lang yata ang kaya kong sabihin sa kabila ng lahat. 

###   

Wednesday, 23 April 2014

Tagaytay

Mas maarte pa kay Kris Aquino ang feelings ko para sa'yo. ###

Sunday, 6 April 2014

Ang huling gabi ng tag-araw

Dumating ang huling gabi ng tag-araw. Hindi na maalinsangan, at namumuo na sa mga sulok ng kanyang kuwarto ang mumunting lamig. 

Ipinagdasal niya dati ang gabing ito. 


Darating ang kanyang sundalo na may baong init ng pag-ibig mula sa mahabang pakikidigma. 



### 

Friday, 21 March 2014

Sa Tuktok ng Mt. Pulag

Bukas, sa tuktok ng Pulag, isisigaw ko ang pangalan mo at aalingawngaw ito sa kabundukan ng Kordilyera. Maglalakbay ito hanggang marinig mo, paulit-ulit at walang hanggan, katulad ng pag-ibig ko. ###

Wednesday, 5 March 2014

Bakit tayo naririto (o kung bakit pinipili nating manatili)?

“Nasa Baguio ka pa rin?”

‘Yan lagi ang tanong ng mga blocmates at mga kaibigang matagal ko nang hindi nakikita at matagal nang iniwan ang Baguio pagkatapos ng kolehiyo. Isa ako sa mga iilang mas piniling maiwan sa lungsod na ito kaysa subukan ang buhay sa Maynila.

Katulad ng iba pang pagro-romanticize ng mga bagay-bagay na may kinalaman sa Baguio, mayroong “something” na kahit gusto kong ipaliwanag ay hindi ko masabi (ng diretso). Sa pananaw ng mga hindi nag-aral sa Baguio at nakikita lamang ito bilang pasyalan, maaaring mababaw na dahilan ang klima at kaunting polusyon pero ang esensya ay mas malalim pa sa pag-ibig na walang hanggan. Keme lang.

Dumating ako sa Baguio noong 2005 para mag-aral. Ayaw ko naman talaga noong una kasi wala sa unibersidad na papasukan ako ang kursong gusto ko pero dahil dito na rin naman nag-aaral ang mga kuya ko, mas ginusto ng magulang ko na sa Baguio na rin ako mag-aral.

Malaki ang adjustment ko sa Baguio community. Ang unang buwan ko sa boarding house ay tungkol lamang sa bahay. Nakikinig lang ako sa Coldplay at Urbandub, nakakukot sa kama, at hinihintay lang na maihi ako o matae bago bumangon.

Sa eskwelahan, sa likod lang ako ng classroom, kumakain ng Skyflakes kapag lunch. May pagka-inferior ako noon dahil iba ito sa highschool. Mula probinsya tungong lungsod, para akong nalulunod sa kulturang bago sa akin. Hindi ako makasabay sa unang taon ko sa kolehiyo at pakiramdam ko bago ang lahat sa akin lalo na’t talagang mapipilitan kang umasa lamang sa sarili mo.

Sumali ako sa schoolpaper at sa iba pang organisasyon sa eskwelahan. Nakakilala din ako ng mga kaibigan at naging malapit ako sa iilang mga kaklase at blocmates. Natuto akong manigarilyo pero humina naman ako sa alak dahil wala naman akong perang pag-inom.
Noong tumagal, nawala na ang hiya ko at hindi ko alam kung paano akong naging aktibo sa iba’t ibang bagay sa loob at labas ng kolehiyo.

Mahal ko ang Baguio dahil malamig, tanghali man o gabi. Mahal ko ang Baguio dahil hindi ko kailangan ng pera kapag lalabas. Mahal ko ang Baguio dahil sa mga tao, mga kaibigan, at mga kaganapan humubog sa akin at sa aking mga paniniwala at pilosopiya sa buhay.
Hinubog ng kultura ng Baguio ang bagong “ako” at bagong pagtingin sa buhay. Natuto akong umibig at magparaya.. Natuto akong tanggapin ang mga kasawian at gawin itong asukal para sa mas matamis na tagumpay ng paglimot at pamamaalam.

Maaaring mas malaking bahagi ng pagkakabighani ko sa Baguio ang mga taong nakasama ko, na ngayon ay wala na at kumikilos sa ibang larangan, ibang daigdig. Maaaring dahil din ito sa pisikal na katangian ng lungsod – ang hamog, ang mga ilaw, ang kultura sa umaga at sa gabi, ang mga liwasang saksi sa lahat ng pagbabago sa buhay ko.

Tinatanong ko rin naman ang sarili ko. Bakit nga ba narito pa rin ako matapos ang lahat-lahat?

Marami din namang masasakit na alaala ang Baguio pero pinili ko pa rin ito kaysa sa maraming oportunidad sa labas. Mas pinili ko ang Baguio kaysa sa pag-ibig na hanggang ngayon ay hinahanap-hanap ko pa rin.

Sabi ng mga kaibigan kong nakabase na sa Maynila, ito ang sakit ng mga nag-aral sa Baguio – takot sa paglisan sa nakasanayan, sa comfort zone.

Hindi ko alam. Maaaring may katotohanan lalo na sa mga tulad kong ikinasal ang sarili sa kabundukan.

Hindi ko pa nakikita ang sarili kong umalis ng Baguio ngayong taon o sa susunod na taon. Handa pa rin naman akong masaktan sa tuwing nakikita ko sa Facebook ang taong gusto ko na piniling iwanan ako dahil sa distansya at layo. Habang buhay din siguro akong magsisisi dahil sa mga oportunidad na pinalagpas ko. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, mananatili ako dito hangga’t nais pa rin ng puso ko.

Patuloy akong magmamahal sa isang karelasyong umaaruga sa akin sa mga gabing ako’y nilalamig, nag-iisa, at nangangarap ng mga bagay na hindi ko mahahawakan hangga’t nakapako ako sa pangakong pag-ibig sa kabundukan. ###

-repleksyon mula North EDSA tungong Mandaluyong sa loob ng taxi

Saturday, 1 March 2014

Ang alas kuwatro kong pag-ibig

Madaling araw na.

O Baguio, o Panginoon ng pag-ibig at alaala. Ibalik mo sa akin ang lahat ng panaginip na inagaw mula sa magdamag. 


Ibalik sa kapayapaan, sa himbing ng tulog 

katulad ng lungsod na inihehele ng hamog at lamig ng kabundukan. 

###


Saturday, 22 February 2014

Paumanhin

Hinubad nya ang damit sa harap ng salamin. Tumitig sa katawan na parang batang bumalik sa kinalakhang bayan. Ginalugad niya muli ang mga mga kurba,
ang mga peklat, ang mga bahagi kung saan minsan, isang estranghero ang tumatalunton.
Humingi siya ng paumanhin sa sarili. Kinagat ang daliring nakatakip sa mga labing nanginginig. May kalungkutan, may galit.
Dinamitan nya ang sarili at nagpasyang magtungo sa banyo upang linisan ang mga bakas ng estrangherong minsan umapak sa kanyang katawan. ### 02042013

Thursday, 13 February 2014

Mga Itinago

Nararamdaman ko pa rin ang lahat ng tungkol sa iyo kapag nag-iisa na akong lumulutang sa alapaap. 

Paano ko kaya itatangging naalala kita? Paano ko ba sasanayin ang sarili kong hindi ka na nayayakap tuwing gugustuhin ko, o 'di kaya'y ayaing samahan akong magkape tuwing alas-sais ng hapon?


Paano ko nga ba sisimulang ituro sa sarili ko na ikaw at ako ay magkabilang dulo na ng pisi, ng sinulid, ng linya, ng lahat-lahat ng kasalungatan sa mundo?


Hindi ko na sana sinayang ang mga pagkakataong puwedeng-puwede kong hawakan ang iyong kamay, tapos ngingiti, tapos magsisindi ng sigarilyo kahit na sabihin mo pang ilang beses ka nang tumigil. Parang ganoon ang sa akin - ilang beses na pagsukom ilang beses na pagbabalik. 


Sigurado na ako. May tono ng pagdedesisyong sigurado ang mga salita mo. May tono ng pagwawakas na parang tuldok sa huli ng isang pangungusap, ng isang talata. 


Sana sinamahan kitang panuorin ang bukang-liwayway sa Besao noong na iyon (na tayo'y nasa Sagada). Marahil, naranasan ko pang hawakan ang kamay mo habang kinukumusta tayo ng mundo sa huling pagkakataon. 


Sa ating dalawa, ako ang mas nawalan. At ngayong umagang inaalala ko ang panaginip ng magdamag, alam kong hindi na ako muling sasagi pa sa iyong isipan. Ito ang paglimot mo sa akin at sa lahat.


At ngayon, ikaw at ako, magkalayong lumulutang sa magkabilang dulo ng kalawakan. ### 090910


Happy Valentines Day everyone! Pasensya na sa drama. :))  


Tuesday, 11 February 2014

Paglipad/ Paglisan

Hinihintay kong bumaba mula sa kisame ang mga kamay na magbubukas sa dibdib ko. Kanina pa ako nakatitig. Dumikit na ang balat ko sa kumot at sa kobre kama.
Walang puwang ang tunog sa loob ng kuwarto ko. Ngunit ang bawat tibok ng puso ko ay parang sugat na nais ko nang kamutin, bungkalin hanggang sa dumugo
nang dumugo
nang dumugo.
Pinamugaran na ng ipis ang tasang kinalimutan ng kapeng kanyang tangan-tangan. Dumaan ang paglimot. Dumaan
ang paglimot.
Sa sahig, nagdurugo ang cellphone na kanina pa naghihintay ng tawag at text. At sa labas ng bintana, sa himpapawid, naroroon kasama ng mga ulap ang magagandang bagay na mayroon ang daigdig. ### 111411

Sunday, 9 February 2014

Virgo

Paanong magsasalubong itong ating mga bituin?
Paano nila itinali at ibinuhol ang ating mga kapalaran
(o tadhana) sa mga tala?


### 042511

Thursday, 6 February 2014

Ang iyong pangalan,

Naiguhit ko na ang lahat konstelasyon sa kisame. Hindi pa natatapos ang ulan. Hindi pa nagpaparamdam ang mga panaginip.
Pumapasok na ang lamig. Anong pangamba? Anong pananahimik?  
Haharap sa kaliwa. Magdarasal. Mangungumpisal. Babaluktot. Naninigas na ang mga paa ko. Maikli lagi ang kumot sa tuwing iniisip kita, kapag hindi matapos-tapos ang magdamag at ang tag-ulan.### 030512

Ang hangganan

Ano ang hangganan?
‘Yung minsang humiga’t bumalukto’t ka sa paanan ng iyong kama. Tinitigan ang dingding at kesame na parang mayroong mapang magtuturo sa iyo ng hangganan ng lahat.
Ngunit hindi pa doon nagtatapos dahil babalikwas ka’t hahanapin ang bombilya sa iyong kuwarto na parang may bagong katauhang iluluwa at matagal nang hinihintay.
Pangungulila siguro ang nararamdaman mo. Gusto mong may umagos na luha sa pisngi para masabing sentimental ang sandaling ito. Ito ang kaganapan.
Maaalala mo siya – ang kinalimutan. Maaalala mo siya sa lambot o tigas ng kama, sa nalamukos na bed sheet at kumot, sa amoy ng unang nayakap at niyakap.
‘Yun ba ang hanggan ng mapang sinundan mo mula dingding tungong kesame? Siya ba ang hangganan, ang lahat?
Babangon ka’t hahaplusin ang buhok, bahagyang kakamutin ang batok tsaka hihilain ang makapal na buhok. Hihimasin ang batok baka mayroong bagong sugat na dumagdag, na sinasadya mong paduguin dahil sa labis na lumbay.
Ito ba ang hangganan?
Kukunin mo ang sigarilyo, sisindihan at papasuin ang sarili. Kukuha ka ng lapis o bolpen at isasaksak sa leeg. Hahayaan mong dumugo ang tinta sa kama, sa dingding, sa kesame. Isusulat mo ang hangganan. Ang hangganan muli ang simula.
Babalik ka sa unang sandali na malinaw pa siya sa iyong alaala. Ngunit wala kang makikita doon. Pagka’t ito na ang hangganan. ### 030812

Thursday, 30 January 2014

Mga Simula

Alam mong magtatapos itong tag-araw ngayong gabi. Dumating na rin ang lamig na lagi noong nagdadalawang-isip kung tutuloy o hindi sa ating pintuan. Bumalikwas ka ng higa. Marahil, ito na ang huling gabing pagpapawisan ka sa kaalinsanganan nitong kuwarto.
Ikinulong natin itong tag-araw sa pagitan ng ating mga dibdib,
mga labi,
mga palad,
mga salita.
Tititig ako sa kanan, ikaw sa kaliwa gayung parehong kadiliman itong ating nakikita. May puwang na ang lamig sa ating pagitan. Naging katahimikan ito na parang hindi na masisidlan pa ng anumang tunog kahit pa ang sumisigaw na tibok ng aking puso.
At ilang saglit pa,
mararamdaman ko ang iyong paglisan.
Ngayong gabi, alam mong magtatapos itong tag-araw. ### 092011