Nasasanay na yata ako. Nasasanay na ako sa mausok na mga kalye ng Bongao at sa maingay na palengke nito. Nasanay na ako sa katahimikan, sa init ng klima, at sa lamig ng hangin tuwing alas kuwatro ng madaling-araw.
Ngayon, hindi pa sumisikat ang araw, nakaramdam ako ng katahimikan habang pinapakinggan ang awit mula sa mosque. Naramdaman ko ang pagod na matagal ko nang iniinda. Naramdaman ko ang pagkaupos, ang pagkawala ng motibasyon sa maraming bagay.
Ilang oras pa at babalik na ako sa Zambonga patungong Maynila at pauwi ng Baguio. Nakatakas ako pansamantala mula sa mabilis at magulong kagubatan ng siyudad.
Iniisip ko, ang pagtakas ay hindi solusyon. Ang walang hanggan at mailap na katahimikan ay nasa ating mga sarili. Kailangan lang natin ng kaunting panahon ng pag-iisa at pagmumuni-muni.
Masayang hanapin din ang sarili na nawala sa kabalintunaan ng buhay. ###