Naririnig niya ang kalampag ng takip ng kaldero. Kailangan
na niyang maligo’t kanina pa nasasayang ang gas sa kanina pang kumukulong
kaldero ng tubig.
Kakamutin niya ang ulo, at titingin sa bintana. Pipikit
saglit tsaka hihilahin ang katawan. Ilang beses na syang nagigising ng alas-kuwatro
ng madaling-araw, magpapakulo ng tubig panligo, matutulog at magigising ng
alas-sais.
Titingin sa kesame. Inalis ang muta. Pagkahila ng kumot,
nahulog sa sahig ang libro ng mga tula ni Pablo Neruda.
Paminsan-minsan may dumadalaw na kalungkutan sa kanyang
pagtulog. At mamaya siguradong mapait na naman ang kapeng kanyang hihigupin.
Tumingin ulit sya sa bintana. Napansin niyang maulap lagi ang
umaga simula noong gumigising na siyang mag-isa. ###