Nagpasya na lamang tumahimik ang lahat ng bagay. Hinihintay ang babala, o ‘di kaya’y pasabi na may darating. Ganito,
walang init ang palad sa mga haplos sa magkabilang siko habang naglalakad sa kadiliman ng parking lot. Malayo ma’y naaabot ako ng ilaw mula ng sala. Nagtampo yata itong buwan at hindi nagpapakita, pasilip-silip, patumpik-tumpik, nagdadalawang-isip kong darating o hindi.
Huwag ka muna kayang lumapit. Kaunting distansya lang ay pwede ko nang sabihin “huwag ka munang umalis,”
kung darating ka man.
At itong kalawakan sa taas, mahinahong bumubulong – malamig na dampi sa tenga, hamog na kanina pa lumulutang-lutang at wala direksyon. At hihinto.
Ilang ruta na ng pag-ikot ang natalunton ko dito sa parking lot. Anong haba ng paglalakbay na walang hinahantungan, na hindi umuusad.
Itong katahimikan, nagtakda ng katapusan. Ubos ang sigarilyo’t namatay sa talampakan.###
Sa alaala ng Sagada, hantungan ng lahat-lahat. Reblogged - May 29, 2012