Wednesday, 16 December 2015

Bukang-liwayway

Huminga siya ng malalim tsaka pinakawalan ang lahat ng kaba sa dibdib. 

Ngayon, sigurado na siya sa gusto niyang mangyari. Mula sa ika-siyam na palapag ng gusali, nakikita niya ang paparating na araw. Hindi niya gusto ang nagbabagong kulay ng langit. Nalulusaw siya sa bawat liwanag na unti-unting sumisilip. Mas nais niyang yakap ang dilim. Mas nais niya ang lalim ng dilim. 

Isang hakbang at tuluyan siyang tumalon sa karagatan ng kadiliman. 

Ito ang huling larawan sa kanyang isipan. ###

Before sunrise. Litrato mula kay Rice Dulguime.

Friday, 25 September 2015

Sampung Bagay na Natutunan ko Pagkatapos Umibig*

Una, laging may dalang kalungkutan ang umaga. Mag-aalmusal ka ng pighati at matutulog kang umaasa.

Pangalawa, lagi kang naliligalig. Walang habang buhay. Walang "tayo" na habang buhay.
Pangatlo, titigil ang mundo. Titigil ka at hindi na maghahanap.
Pang-apat,  babalik at babalik ka sa una, sa pangalawa, sa pangatlong pagkakataong muli kang aasa at mag-iisa.
Panglima, hindi ka sapat. Sa inyong dalawa, hindi ka nagbilang o nanukat. Ikaw ang nagbigay ng higit ngunit hindi ka pa rin sapat.
Pang-anim, masasanay ka sa sakit. Masasanay kang mabuhay kasama ang lahat ng kasalungatan ng salitang pag-ibig.
Pang-pito, maiintindihan mong ang pag-ibig ay hindi lamang pagmamahal. Ito rin ay galit.
Pang-walo, darating ang wakas.
Pang-siyam, mag-iisa ka sa hangganan ng galit at poot. Ikaw na lamang ang naiwan.
Pang-sampu, isang hakbang at may bagong simula sa wakas. ###

*Pasintabi kay Juan Miguel Severo
 

Wednesday, 26 August 2015

Ang tunog ng pamamaalam

Ito 'yun:

Noong isinara mo ang pintuan ng aking kuwarto at hindi ka na bumalik.
Noong nagkasalubong tayo sa Session Road at hindi mo ako tinignan. 
Noong sumakay ako ng bus isang madaling-araw, yakap-yakap ang lamig ng buong kalunsuran. 

Ito ang tunog ng pagtatangka kong kalimutan ka. ###



Saturday, 15 August 2015

Burnham Park 2010

Sa burnham park, nawawala ang galit at pag-ibig, naiintindihan ang pagkakakilala sa pagiging anonymous, ang nakalipas sa kasalukuyan, ang totoo sa hindi.

Sa burnham, lumalaya ang salitang pag-ibig sa iba't ibang paraan na hindi kailangang magwakas ng masaya o sa isang trahedya.

Sa burnham, ikaw ang huling ulap na tatakip sa maliwanag, malamig, at mabilog na buwan.
###

Wednesday, 5 August 2015

Hantungan

K:

Ito na ba ang araw na yun?

Naaalala mo 'yung usapan natin na ayaw nating tumanda, na dapat mamatay tayo ng maaga? Katulad sa Norwegian Wood, mananatili tayong bata kasi
'ayaw nga nating tumanda.
Ayaw nating mag-isang tumanda.
Ayaw nating mag-isa.

Ang sabi mo, mamamatay ka siguro kapag 33 ka na. Mamamatay ka sa cancer. Ang sabi ko naman, sana kapag namatay ako, isang pikit lang tapos hindi na ako magising.

Kanina, naalala ko ang usapan natin. Kanina, habang naghihintay ako sa ospital, naalala ko ang usapan natin.

Sabi ko pa noon sa iyo, baka hindi ako umabot ng 28 dahil sa lifestyle ko. Kanina sa ospital naalala ko lahat ng sinabi ko.

May nagbabadya sa mga alaala ngunit hindi ko lang sigurado kung ano.

Sa unang pagkakataon yata, nalunod sa katahimikan ang buong ospital habang nananalangin ako na sana
hindi ito cancer. ###

Saturday, 18 July 2015

Sagada

May kalungkutan itong mga restaurant at kainan. May kakaibang pait itong kape, usok ng sigarilyo, at malamig na hanging kanina pa kumakalabit sa akin.

Hinahanap pa rin kita sa mga sulok, mga eskinita,
sa mga lunang dati nating pinuntahan.
Ilang beses o ilang taon pa ba akong maggagalugad at aasa sa mga baka sakali –
mga muling pagkikita,
mga pagbabalik,
at muling pagsasama.

Marami nang nabago. Pero naririnig ko pa rin sa Echo Valley ang
alingawngaw ng mga salitang sinabi mo,
“Mahal kita.”

Nasasabik pa rin ako sa mga umaga. Baka
nasa tabi lang kita at handang samahan akong maglakad sa lilim ng mga punong pino.
Nasabik pa rin ako tuwing dapit-hapon dahil baka mula sa dulo nitong kalye ay dumating ka’t samahan akong habulin ang huling sikat ng araw.
Nasasabik pa rin ako init ng bonfire kasama ka. Nasasabik ako lagi sa’yo.

Nalulungkot ako dahil hindi kayang tangayin ng ulan ang mga alaalang ito na akala ko ay naibaon ko sa maraming nagdaang taon na wala ka. Ikaw ang laging hantungan ng lahat ng bagay at
hindi mo ako pinatatakas sa kalungkutan
na habang buhay kong bitbit kasama ng iyong alaala.

Mahal pa rin kita aking Sagada. ###  

Pasensya na. Mula 2009, hindi pa rin ako umuusad sa aking buhay. Punung-puno na ang blog na ito tungkol sa Sagada at kalungkutan. 

Monday, 13 July 2015

Kay Ateng Nagdadrama sa Bintana ng Jeep

Mahal ka pa niya. 

Kailangan lang niya siguro ng panahong pag-isipan kung kaya pa ba niyang maglaan ng pag-ibig na hihigit sa ninanais mo. 

Kailangan siguro niya ng panahon upang hanaping muli ang kanyang sarili na nawala noong ikaw itong hinahanap niya. 

Kailangan lang muna niya ng oras na mabuo bago muling malusaw ang katauhang inialay niya sa'yo 

nang walang pasubali. 

Mahal ka pa niya ngunit kailangan niya munang mapag-isa. #