Thursday, 14 December 2017

Saglit pa, dito ka muna sa aking tabi

May dalang lungkot itong hangin ng Disyembre.
Hahalik at
ipapaalala ang lahat ng naganap nang isinilid sa nakaraan.

Bumabalik na 'sing linaw ng iyong mata -
anong pait ang tamis ng pag-ibig?
Bakit pa muling nalulungkot kung wala na?
Bakit sa huling buwan ng taon
ako nagkakaroon ng pagbabalik
sa "tayo."

Pagod na akong maghanap ng kapayapaan. At sa mga nakaraang buwan, sigurado akong hindi na kita naiisip ngunit sa huling buwan ng taon
ikaw
pa
rin
ang
biglang
naaalala.
Ikaw pa rin
Ang lahat.

Kung nasaan ka man, sana,
Sana ay nararamdaman mo rin itong lamig ng hangin, sana ay nararamdaman mo rin itong punyal na lamig sa iyong puso.
Umaasa akong
itong huling buwan ng taon ang magpapaalala sa iyo sa una't huli mong pagtanggi nang alukin kitang
"saglit pa,
dito ka muna sa aking tabi."

Umaasa akong ito na ang huling lungkot sa aking Disyembre. ###

Sagada, isang malamig na hapon




Wednesday, 23 August 2017

Laundry Day

"Kung liligaya ka sa piling ng iba..."

Ito ang tugtog sa loob ng laundry shop. Medyo may tampuhan yata itong mag-asawang may-ari ng shop. Kanina pa ipinapapatay ng lalaki ang tugtog. Nakatingin lang sa labas si ate. Itinangay ng jeep ang pag-iisip. Mabilis ang takbo ng mga sasakyan sa labas. Nakikisabay ang busina ng mga jeep sa boses ni Imelda Papin, kasabay ng ikot ng mga laundry machine. Paulit-ulit. 

Ito siguro ang musika nila araw-araw. Ganito sila umiibig at nagtitiis. ###

Tuesday, 18 April 2017

Magnanakaw ng panaginip

Inagaw mo ulit sa akin ang magdamag.

Sigurado na akong
Nakalimutan na kita
Ngunit bumabalik ka lagi
At lagi rin akong hindi handa.

Tatawid ulit tayo sa magdamag-
Ako na nakapako lagi sa hatinggabi,
Ikaw na siyang hudyat ng mga hatinggabing
Hindi matapos-tapos.

Inagaw mo ulit ang magdamag
Nang hindi ko namamalayan.

Ako lang naman ang nalulusaw pagdating ng sikat
Ng araw sa umaga.
At ikaw,
Ikaw ang panaginip na hindi nabubura. ###

Free write. Timecheck: 1:16am. Matulog na tayo.


Saturday, 11 February 2017

9.6°C dito sa Baguio

Limang minuto lang ang dumaan at malamig na lahat
mula sa kabilang dulo ng kama
hanggang sa kapeng kanina ko pa
natimpla. Ganito na lang lagi tuwing umaga.

Darating ka kaya?
Darating ka kaya?

Kay tagal nang sinabi mong "nandyan na"
Isang taon na akong
gumigising at
nagkakape
nang
mag-isa. 


###