Saturday 28 September 2013

Note I

Pumasok si Joseph nang may bigat sa paglalakad. Kaunti lang ang nabago sa boarding house na ito ngunit sa kanya, parang isang siglo ang dumaan. Bawal na magyosi, bawal na ang bisita.
Una’y sumilip siya, at tuluyang tinulak ang pintuan na ‘sing bigat ng kung anong naganap sa silid na iyon.
***
Nabubuhay siya sa nakaraan (ng ganun katagal). Patuloy na nakikidigma ang kanyang puso. Tapos na ang laban, naisugal na ang lahat ng pwedeng itaya.
Sumuko na ang kanyang kalaban habang siya, naiwang nagmamahal sa mga bagay na lumipas (katulad ng kuwartong ito). ###
*mula ulit sa lumang blog

Monday 23 September 2013

Kupido I

‘Yung lasa ng dugo ay malansa na may kaunting alat. Hindi niya alam kung babangon ba sya o diretsong hihiga na lang sa sofa na nasabik yata sa katawan niya.
Masyadong nakakasilaw ang liwanag ng bulb sa sala. Binasa ng laway ang labi. May bagang gumagapang sa leeg niya. Kinagat ang labi tsaka ibinukas ang mata.
Itinulak niya si Kupido. Inalis ang palaso na nakatusok sa dibdib.
‘Putangina mo!’
Tumayo si Abel na parang nagkaroon ng panibagong lakas. Nalasahan ulit ang dugo mula sa namamanhid na labi.
Nakita niya ang puso niya sa kamay ni Kupido. Pumipintig ito. Naririnig niya. Papalakas ng papalakas.
Natatakot siyang marinig ito ng kanyang mga kabahay na abalang nanunuod ng porn sa kani-kanilang mga kuwarto. Naalala niya ang mga pusang kung makapagkantutan sa isa't isa ay parang walang bukas. Baka pumasok sila sa loob ng bahay at kainin ang kanyang puso.  
Ngumisi si Kupido. Nakahubad siyang naglakad. Papalapit. Malapit na malapit.
Naramdaman niya ulit ang palasong nakasaksak sa dibdib niya. Bagamat malayo ang puso, siya namang sakit na pilit niyang ipinadarama sa kanyang sarili. At hinayaang niyang kagatin ni Kupido ang kanyang mga labi na kanina pa dumurugo at namamaga. ###
Habang nakatambay/ trapped dito sa Greenhills. 

Friday 20 September 2013

Lansa

Iginuhit ng dugo sa kanyang dila ang mga tamang salita.  At doon, nalasahan niya sa unang pagkakataon ang galit.

“Putangina.”


###052211

Tuesday 17 September 2013

Sa Kanto Bonifacio

“Dalawang stick nga po ng green,” sabi ko kay manang. Matagal na yata akong hindi nagagawi sa kantong ito. Bukod sa kaunti ang estudyanteng tumatambay ngayong araw na ito, tatlong puwesto ng karinderya yata ang inaayos.
Makipot pero matao ang lugar na ito. Bukod kasi sa tabi nito ang pinakamalaking unibersidad dito sa Baguio, isa rin siyang major na daanan ng mga jeep.
“2.50 isa ha,” paalala ni manang. Inabot ko ang limang piso, nagsindi tsaka tumalikod para humithit ng sigarilyo.
Pulu-pulupot na ang mga wires sa katapat kong electric post. Makulimlim pero maalinsangan ang pakiramdam. Amoy guma. Amoy basura.
Hithit-buga. Parang tambutso lang ng mga jeep na dumadaan ang bunganga ko. Hithit-buga. Napagod yata ako sa maghapong trabaho, at lumulutang ang isip ko katulad ng usok galing sa baga ko.
Ilang saglit lang, lumapit sa akin ang isang bata. May kulay ng pula ang buhok na medyo mahaba. Parang ‘yung buhok ng stereotype na emo punk, mas magulo at dugyot nga lang. Maluwang ang damit niyang kakulay ng lupa. Sa sobrang haba at laki, hindi ko na makita ang shorts niya. O kung may shorts nga ba siya. Nakapasok sa sleeves ng damit niya ang kamay niya.
“Kuya, pahingi pera.”
“Wala akong pera.”
Tumalikod ako at hinintay ko siyang umalis. Pero nandoon pa rin siya.
“Kuya, sige na. Pera,” sabi niya ulit.
“Wala. Wala akong pera.”
Biglang nagsalita si manang.
“Walang pera ‘yan. Estudyante ‘yan” sabi niya.
Tumingin lang sa akin ang bata. Itinakip sa ilong at bunganga ang kuwelyo ng damit. Huminga ng malalim tsaka umalis.
“Pukinginang bata ‘to ah.”
Humithit ulit ako ng yosi. May dumaan pang apat na batang katulad niya.
“Itong mga batang ito, nagra-rugby tapos hihingi ng pera” sabi ko habang kumukuha ng candy sa mga paninda ni manang.
“Napabayaan ng magulang eh” sagot niya.
Inabot ko ang isang piso. Hinithit ang huling usok mula sa yosi. Ipinahid ang sindi nito sa talampakan ng sapatos ko. Binalatan ang candy at isinubo sa bunganga. Hinanap ko ang basurahan.
Dumating agad ang jeep. 
Sadyang marami ang nagbago sa kantong ito, pangalan na lang ang naiwang pamilyar sa akin. ### Hunyo 2011

Sabado ng gabi

Damhin mo itong dingding na namamagitan sa ating kuwarto at isiping itong kanyang gaspang ay katulad ng mga peklat na hindi ko pa handang ipakita sa'yo. ###

Monday 2 September 2013

Tungkol sa On the Job (OTJ)

Sa simula, habang nagdiriwang ang mga tao sa piyesta ng San Juan, ibang pagdiriwang naman ang pinaghahandaan nina Daniel (Gerald Anderson) at Tatang (Joel Torre). Walang kaabog-abog na babarilin ni Tatang ang target na Chinese businessman sa dibdib at sa noo. Makikita mo ang pagkawasak ng mukha at paglabas ng utak ng biktima.

Magkakagulo ang mga tao habang payapang aalis si Tatang na hindi mo makikitaan ng pagsisisi o pag-aalinlangan. Ito ang buhay ng mga bayarang preso na ginagamit bilang mga invisible weapon ng mga may kapangyarihan. Ito ang On the Job (OTJ).

***

Galit at kawalan ng pag-asa ang umiiral na motibo ng pelikulang OTJ.  Ibinabahagi ng pelikula sa mga manunuod ang motibong ito ng walang pagpipilit.

Ambisyoso si Erik Matti sa piniling genre at tema para sa pelikulang OTJ ngunit hindi siya nabigong bigyan ng larawan ang nakaririmarim na katotohanan sa lipunang Pilipino.

Sa panahong ginagawang bata ng mga mainstream films ang mga Pinoy sa pamamagitna ng mga rom-com, comedy, at horror movies (na karamihan ay mula rin sa Star Cinema), bago sa panlasa ng mga manunuod ang OTJ. Madilim at mabilis ang kabuuan ng pelikula ngunit hindi mararamdaman ang pagkaumay sa dami ng mga pagmumura nina Daniel, Tatang, at Acosta (Joey Marquez). Habang gumigiling ang istorya, dinadala ka nito sa lalim ng mga karakter ng OTJ.

Hindi na siguro kailangan pa ng debate pagdating sa katalinuhan sa pag-arte ni Joel Torre. Salungat sa imahe niya bilang Tatang sa loob ng kulungan ang kanyang pagiging tatay kay Tina (Empress) at asawa sa nangangaliwang si Lolet (Angel Aquino).

Nasabayan naman ito sa atakeng ginawa sa karakter ni Francis (Piolo Pascual), Daniel, at Acosta. Pinapalawak ngunit napanghahawakan ng pelikula ang kontradiksyon ng bawat karakter na hindi lamang nakakulong sa sentral na tunggalian – sa pagitan ni Francis at ng grupo ni Tatang – ngunit umaalpas sa kani-kanilang mga pamilya’t kaibigan na kumakatawan sa mas ordinaryong mga Pilipino. 
  
Napatunayan din ng pelikula na hindi kailangang i-resolba lahat ng naipakitang tunggalian bagkus binibigyan nito ng kakayahan ang mga manunuod na mag-isip. Hindi man nabanggit, alam na natin ang kahihinatnan ng karakter ni Nikki (Shaina Magdayao) na mas pipiliing tumahimik at sumunod sa amang (Michael de Mesa) kasabwat sa pagkamatay ng sariling asawa (Francis).

Alam na rin nating hindi kailanman mapaparusahan si General Pacheco (Leo Martinez) na siyang utak sa assassinations ng kanyang mga kalaban at pagkamatay ng mga ahenteng may alam sa transakyon sa kulungan. Alam na rin nating hindi kailanman mababago ang namamayaning sistema, ang pag-upo ng katulad ni General Pacheco sa gobyerno.

Samantala, maikli ngunit mahusay naman ang pagganap ng ilang kilalang artista na nagkaroon ng cameo roles sa pelikula katulad nina Rosanna Roces at JM de Guzman ganun din sina Dawn Balagot at Angel Aquino. Sila ang mga kabataang lulong sa droga, mga nanay na walang ibang ginagawa kundi umasa sa asawa, at mga taong walang kamalay-malay sa lalim ng sugat ng Pilipinas.

Mahusay na naihabi ang mga karakter sa pelikula na kahit sandali lamang ang papel ng iba ay parang kilala mo na sila ng matagal. Minsan sa buhay mo ay nakilala mo rin sina Lolet, Tina, Diana (Dawn Balagot), etc.

Pinatay ng pelikula ang pag-asang paglaya ni Tatang sa kulungan sa pamamagitan ng pagpatay nito sa estudyante at anak-anakang si Daniel. Nakakitaan ng puso, hindi puro karahasan, ang pelikula sa tagpong nagpapaalam na si Daniel kay Tatang. 

Bagama’t hindi gaanong kailangan, mapangahas din ang mga sex scenes nina Piolo-Shaina at Gerald-Dawn walang pag-aatubiling nagpakita ng katawan.

Hindi katulad ng ibang karaniwang action scenes sa pelikula, hindi ka mamamangha sa mga imposibleng stunts ng mga artista na kayang maging Superman pagdating sa pag-ilag sa mga bala. Makatotohanan ang OTJ. Makatotohanan ang mga tagpo sa pagitan ng mga pulis at nina Tatang at Daniel o nang daredevil na pagsugod ni Acosta sa convoy ng heneral.

Tumatagos sa bawat pag-inog ng kamera ang mga kwentong ito. Bagama’t karamihan ay madilim, hindi mo kakikitaan ng monotony ang mga shots o ‘di kaya’y pagkagasgas ang mga hand-held shots.

Hindi naman gaanong mapapansin ang musikang nakalapat sa pelikula maliban sa pagpasok ng Mateo Singko ni Dong Abay sa mga huling eksenang may malaking parte sa kabuuan ng pelikula.

Sa pag-ikot ng kwento, sa pagtalima ni Francis sa katotohanan, makikita ang kapangyarihan ng mga naghaharing-uri at kung paano nila kayang-kayang balikwasin ang katotohanan gamit ang media at iba pang rekursong sila lang ang may kontrol (kasama na dito ang NBI), kasama na dito ang buhay ng mga taong hawak nila sa kanilang mga kamay.

Sa huli, ipinagdidiinan ng OTJ ang namamayaning istruktura sa lipunang Pilipino – ang lumalawak na pagitan ng mayaman at mahirap, ang pang-aapi at pambubusabus ng estado o mga nasa poder sa ibang sektor, at ang buhay ng mas malawak na masang Pilipino na ginagawang mga alipin at laruan ng naghaharing-uri.

Laging pinapatay ang mga katotohanang ito katulad ng pagkamatay ni Francis at Daniel, at pagkaalis sa puwesto ni Acosta ngunit hindi nagtatapos sa kamatayan ang lahat. Iniluluwal ng karahasan ang bagong karahasan, at parte ng prosesong ito ang kamatayan. ###