Showing posts with label poetry. Show all posts
Showing posts with label poetry. Show all posts

Tuesday, 5 November 2013

Sa Natonin, Mt. Province

Sa Natonin, ang kabundukan ay dagat.
Ang mga dausdos ay alon na lumulukso patungo
sa iyong paanan.
Natatanaw kita sa mga payew na humahati
sa dibdib na kaluntian
na siyang binabagtas rin ng iyong mga paa
ang kurba
ang linya
ang hiwaga
ang payew
ang kabundukan.
Sa Natonin, ang ulan ay pangangamusta
itinatangay ang mapulang kulay ng mga idinurang momma,
sa pintuan na pinagpapanaugan ng mga bumabalik,
sa sulok-sulok na tagpuan
ng mga naghihintay
at naghahanap.
Sa Natonin, ang gabi ay mahabang biyahe
patungo sa iyo
patungo sa pusod
ng katahimikan,
o mga gabing para sana sa mahimbing na tulog,
at mahabang panaginip,
mga sandaling hinuhuli kita
sa aking isipan.
###
08/10/2009

Friday, 30 August 2013

Pamamaalam

First year college ako noong isinulat ko ito para sa Freshie Poetry Jam. 

***

Makitid ang kama sa iyong kuwarto
Subalit nagawa mong palawakin ang aking mundo.
Hindi na ako naghanap ng iba pang init
Bukod sa dulot ng mga yakap mo.

Kape natin sa maalinsangang gabi ang mga halik
At ang bawat salitang binibigkas ay pangarap,
Habang sinusubukan nating malaman
Kung tunay ba ang nararamdaman
O sadyang pagkalito lamang.

Ganun ang init lamig sa kuwarto mo.
Madilim, masikip, makitid
Subalit pinili kong yakapin ito.

Pinilit kong isiping kasama rin ako sa paglalakbay
Ng mga ningning sa iyong mata—
            --habang nasa piling kita.

Pinilit kong talikuran ang ako,
At palayain ang isa pang katauhan ko—
            na nakatago sa iyo.

masarap damhing may karamay ako sa pagkabigo
            at pagsasaya
subalit paggising kinaumagahan,
tanging kumot at unan na lamang
ang aking hagkan. ###


Agosto 2005

Thursday, 29 August 2013

Kagabi ako'y nanaginip

Naliligaw daw tayo’t
naghahanap ng bahay sa isang kalyeng
hindi natin alam.
Tumingila tayo sa langit.
Humingi tayo ng tulong, nanalangin.
Humingi tayo ng ulan.
Humingi ng pagkulimlim sakaling maisip natin kung
saan tayo nagmula, baka sa pagkaaligaga’y
maituro ng paa ang patutunguhan,
ngunit pinagmasdan lang natin ang dumating na ambon.
Dumampi ito sa ating balat.
tinitigan kita at doon ko naramdaman ang matinding
pangungulila, 
pagkabalisa at pagkawala.
Tayo’y nasa sangandaan pa ring hindi natin nakikilala.### 09/15/11

Thursday, 1 August 2013

Tungkol sa Ulan

"Ginalugad ng ulan ang mga
kalye ng ating memorya.
Muling binasa ang mga
Lansangang hindi na
Natin nilalakaran.
May panghihimagsik ang
Pagbabalik sa akin,
May panunuyo ang iyo."
- Mga PS sa Ulan

"Ganito ka nakikipag-usap sa akin.

Nag-uunahang patak
ang mga salitang
hindi masabi-sabi."
- Ulan sa Sunshine Park

###

Monday, 29 July 2013

Liwasan ni Allan Popa

Bumabalik ka sa lansangan nitong lungsod kung saan
muntik kang maligaw sa kabataan, makaraang masaulo

ang pasikot-sikot ng mga kalsadang walang patutunguhan

kundi ang isa’t isa, bumabalik kang tila nawawalang muli
upang maupo sa liwasan kahit walang katatagpuin

sa piling ng mga tulad mong hindi rin nais matagpuan

kahit panandalian habang walang-patid na pumapailanlang
ang tubig na sinasahod upang walang-said na bumukal

dito sa puwang na inilaan ng batas, bukas sa lahat ng dako

anumang oras para sa lahat, kahit sa walang pag-aari walang
malay sa sarili walang hiya walang dala mula sa nakaraan

kundi panganib na maibibigay mo sa iba at sa iyong sarili.

###

Monday, 27 May 2013

Ulan sa Sunshine Park

Tila binibilang mo ang ulan
habang pinagmamasdang maipon
ang tubig sa ating paanan.
Ganito ka nakikipag-usap sa akin.
Nag-uunahang patak
ang mga salitang
hindi masabi-sabi.
Aalis ka.
Magsisindi ako ng sigarilyo.
Ganito tayo namamaalam.
Dito sa liwasan, kabisado ko
ang lugar kung saan ka
uupo’t tatahimik,
kung saan ka seryoso’t
nagagalit.
Ang Sunshine Park
ang kanlungan ng lahat
ng alam ko tungkol sa iyo,
ang hindi mabilang
at hindi maalalang
mga alaala.
Sa ganitong paraan ako nagbabalik
sa ating tagpuan
at sa iyo.###

Wednesday, 15 May 2013

Pasipiko sa aking dibdib*

Maaalala mo ‘yung taong nagsabi sa’yo dati na ikaw ang Pasipiko ng kanyang dibdib. At mag-iisip ka kung anong nangyari sa inyong dalawa at kung paanong nilamon ng distansya ang kwento niyong dalawa. 

Tapos, sa loob ng opisina, pasado alas-sais na.
Hihigop ka ng kape.
Titingin sa monitor.
Bubuksan ang Facebook, at hahanapin ang pangalan niya.

At babalikan mo kung paanong pinalagpas mo ang sana’y pinakamagandang kaganapan sa iyong buhay.

Maaalala mo kung paano niya sinabing
  
“Ikaw ang Pasipiko sa aking dibdib,” at kung paanong nawala ang kanyang tinig nang hindi mo namalayan.

At maiisip mo,

ang layo na nitong ilalim sa kanya. Sa inyong dalawa ikaw itong nalunod, sumuko, at naiwan sa ilalim ng sarili mong kababawan**. Ganito pala ang magmahal. ###

*Naalala ko lang dahil sa librong nakita kong inilabas ng Ateneo Press sa kanilang facebook account
**Paumanhin kay Piya Constantino sa paghiram sa phrase na 'nalunod sa sariling kababawan'

Thursday, 2 May 2013

Narinig ng Baguio ang tibok ng puso ng ulan

Narinig ng buong Baguio ang tibok ng puso ng ulan.

Ang lahat ay tumanaw sa bintana.
Naghahanap ng mapagpupukulan
ng kaba,
may pagtatampo, 
may pagyayamot,
may pangungulila. 
Katulad din ng rumaragasang 
tubig
mula bubungan
tungo sa kalsada,
nagbabalik ang mga gunitang itinago ng 
pagmamadali at pag-aabala. 

Ang lahat ay tumigil at nagmasid. Tinakpan ng dilim ang langit. 

###