Showing posts with label Baguio City. Show all posts
Showing posts with label Baguio City. Show all posts

Saturday, 11 February 2017

9.6°C dito sa Baguio

Limang minuto lang ang dumaan at malamig na lahat
mula sa kabilang dulo ng kama
hanggang sa kapeng kanina ko pa
natimpla. Ganito na lang lagi tuwing umaga.

Darating ka kaya?
Darating ka kaya?

Kay tagal nang sinabi mong "nandyan na"
Isang taon na akong
gumigising at
nagkakape
nang
mag-isa. 


###

Monday, 27 May 2013

Ulan sa Sunshine Park

Tila binibilang mo ang ulan
habang pinagmamasdang maipon
ang tubig sa ating paanan.
Ganito ka nakikipag-usap sa akin.
Nag-uunahang patak
ang mga salitang
hindi masabi-sabi.
Aalis ka.
Magsisindi ako ng sigarilyo.
Ganito tayo namamaalam.
Dito sa liwasan, kabisado ko
ang lugar kung saan ka
uupo’t tatahimik,
kung saan ka seryoso’t
nagagalit.
Ang Sunshine Park
ang kanlungan ng lahat
ng alam ko tungkol sa iyo,
ang hindi mabilang
at hindi maalalang
mga alaala.
Sa ganitong paraan ako nagbabalik
sa ating tagpuan
at sa iyo.###