Sa totoo lang, nagdalawang-isip ako kung dadalo ba ako sa kasal mo. Ngayon ko lang kasi napag-isipan ng mas maayos kung gaano ka-awkward ang lahat ng bagay sa pagitan natin. Ngayon ko lang rin naman naisip ang mga nangyari. Huwag kang mag-alala at wala naman na akong espesyal nararamdaman para sa'yo.
Ginusto kasi kita noon, nang hindi mo alam. Lagi tayong magkasama at magkausap. Lagi kang masaya. At naging masaya rin ako noong mga panahon na 'yun.
"Ano namang nararamdaman mo?" biro sa akin ng isang kaibigan kanina sa kasal. Sabi ko "wala naman na, wala na."
Sa totoo lang, naiyak ako kanina noong nagmartsa kayo habang kinakanta ng isa sa mga kaibigan natin 'yung paboritong lovesong natin noong kolehiyo.
"Hindi minamadali ang pag-ibig" 'yan ang sinabi kanina ng isa sa ninang ninyo sa kasal. Nagtawanan ang karamihan ng mga dumalo kanina na karamihan ay mga bata (o mas bata sa atin). Marami kasing nabubuntis ng wala sa panahon na nagiging dahilan ng komplikasyon, hiwalayan, etc. Marami kasi sa atin ang nakikipag-relasyon nang walang habas, para sa sex man 'yan o para sa ibang bagay.
Pero sa akin, para akong sinaksak sa puso. Nagngitian kami ng iba pang mga kaibigan nating single at nasa mid-20s na, kaming mga naghahanap sa tunay na pag-ibig (wink).
Malaki na ang ipinagbago ng mga bagay ngayon kumpara noon. Nakita ko kung paano ka naging mahusay sa iyong trabaho. Marami ang nagbago katulad ng damdamin ko sa'yo. Nanatili ka pa ring kaibigan at naging mainit pa rin ang pagbati mo sa paminsan-minsan nating pagsasalubong dito o sa Maynila.
Naisip ko na dapat habang tumatanda ang isang tao, hindi na nagdadala ng sama ng loob mula sa nakaraan. Nasasayang ang oras at panahon dahil sa mga hindi pagkakaintindihan na dulot ng mga relasyong minadali, pinilit, at hindi pinag-isipan (o nakuha lang sa landi). Nasasayang ang ating kabataan sa mga kaganapang umuubos sa ating lakas. Madali tayong napapagod, at nawawalan ng gana sa buhay. Kaya tama, "hindi minamadali ang pag-ibig."
Siguro, hindi ako sigurado pero hindi rin naman ako nagmamadali. Pero sana kung may darating man ay katulad mo sana siya. ###
PS. May difference naman siguro ang naghahanap sa nagmamadali haha