K,
Ganito rin ang pakiramdam noong panahong nag-uusap pa tayo.
Habang kumakatok ang hangin sa bubong ng luma kong boarding house, pinipilit kong pakinggan ang kantang pinipilit mong iparinig sa akin mula sa kabilang linya. Kahit hindi ko napakinggang mabuti, sinabi ko na “ang ganda” at kung hindi mo pa ipinadala sa akin ang title ng kanta ay hindi ko maaalala.
Ilang buwan rin tayong napupuyat hanggang 3am para mag-usap tungkol sa maraming bagay. Yung mga pangarap mo, yung inis mo sa boss mo, kung gaano nakakatamad lumabas para magkape (dahil lagi akong nasa bar o cafe habang nasa bahay ka lang), kung gaano mo ako gustong makita, kung paano tayo magkikita.
Hindi ko ini-entertain yung thought na magsama tayo - yung aakyat ka para tumira dito. Hindi ko alam pero noong mga panahong iyon, hindi ako handa sa mga bagay na pwedeng pagmulan ulit ng masasakit na alaala.
Ilang buwan din tayong nagpapalitan ng mga paboritong kanta at pelikula, na hindi ko naman pinakikinggan o pinanunuod ng buo. Ilang buwan din tayong puyat, at papasok sa trabaho nang walang energy, at naghihintay ng 5pm para magkape, uminom, at tawagan ang isa’t isa. Noong mga panahon iyon, nararamdaman ko na mas handa ka kaysa sa akin. Nararamdaman ko na mas marami kang kayang ibigay kaysa sa akin.
Ilang linggo at buwan, at bigla kang nawala. Walang pasabi. Walang tawag, text, o message sa Messenger.
Ilang buwan ulit, tsaka ka nagmessage ng “Sorry. I’ve been an asshole.” Hindi na tayo nag-usap gaya ng dati mula noon. Hanggang sa pareho hindi na tayo nag-usap.
Dito ko napatunayan na kahit gaano ko kagusto ang isang tao, kay dali sa akin ang dumistansya, maging ang magparaya, magpaalam.
Paminsan-minsan, kapag naiisip kita, tuwing madaling-araw, pinapakinggan ko ang mga kantang ipinakilala mo sa akin, pinanunuod ko ang mga pelikulang inirekomenda mo sa akin, sumisilip sa iyong account kahit hindi ka naga-update. At sa pagitan ng pagpupuyat at pag-alala, iniisip ko, kay tagal na ng sampung taon pero tuwing Setyembre at umuulan ay naalala kita. ###