Tuesday, 26 November 2013

EDSA Shaw

Ikaw ang madaling-araw sa mga gabing ako ay lasing. ###

Saturday, 23 November 2013

Sabado ng Umaga

Iniabot mo sa akin ang isa sa dalawang huling stick ng yosi mo. Ang sabi ko kagabi ay titigil na ako sa pagyoyosi.

Nasisilip na ng araw itong smoking area ng hotel. Nagsisimula nang magsilabasan ang ibang guests patungo sa katapat na highway habang tayo’y nagsisimula pa lamang ang araw mula sa napakahabang gabi ng Biyernes.

“Nalasing ka ba kagabi o nabitin?” tanong mo sa akin.

“Ayos naman. Ayos lang.”

Humithit ako. Ngayon ko na nararamdaman ang antok, alas diyes ng umaga.

“Sasakay ka na ba dito?” tanong mo sabay buga ng usok.

“Oo yata. Ikaw ba?” sagot ko.

“Sa kabila.”

Maaliwalas itong umaga at tila lahat ng naganap kagabi ay parte ng mahaba’t magandang panaginip. Manipis ang ulap. Maganda ang pangitain para sa buong araw ng Sabado. Sana hindi na matapos ito.

“Sige.”

Nauna kang umalis at sumakay ng taxi sa kabilang parte ng highway. Mabilis ang iyong pamamaalam at paglisan.

“Ingat.”

Sa kabila ng sigla ng sikat ng araw, may mumunting kalungkutan itong smoking area kung saan hinihithit ang huling sigarilyo, naibubulalas ang huling mga paalam at habilin. Ikaw. Ikaw ang huling parte ng Biyernes ko na naiwang nakapako sa umaga ng Sabado.###



Tuesday, 19 November 2013

Pangatlo

May kakaibang katahimikan itong loob ng hospital. Bagama’t maingay ang mga nagdadaldalang mga nurse o umiiyak na mga bata, para akong nakakulong sa isang vacuum na tanging hininga ko lang ang maririnig.

Bumalik ka noong umalis na ang doctor na nang-check up sa akin.

“Amoy yosi ka” sabi ko.

“Hindi naman” ang sagot mo.

Lagi tayong magkasalungat.

Tumingala ako sa kesame at pinilit na isara ang mga mata. Umupo ka sa tabi ko. Bumulong ka sa akin.

“Magiging okey din ang lahat.”

Itinangay ako ng iyong mga salita sa langit. ### 

Monday, 18 November 2013

Pangalawa

Noong hinawakan mo ang kamay ko habang naglalakad tayo paalis ng Cubao X, alam kong hindi na ako bibitiw pa.

Sigurado akong maingay noong Biyernes ng gabi pero pakiramdam ko, 'yung tibok lang ng puso ko ang umaalingawngaw sa paligid.


Pagkalagpas natin sa puwesto ni Manong Guard, binitawan mo ang aking mga kamay. Sabi mo 'lasing na yata ako.'


Sumakay ako ng taxi mag-isa. Ang wakas ng gabing iyon ang simula ng lahat. ###

Thursday, 14 November 2013

Una

Naiwan ako doon sa segundong malapit na ang labi mo sa aking batok.

Nararamdaman ko na ang mainit mong hininga. Sumisikip itong kuwarto para sa ating dalawa. Maalinsangan.


Pero gaya ng dati, para akong nasementong pusa. Hindi ko masabing 'sige, ituloy mo pa.' Sa pagitan natin, alam ko, naghihintay itong mga kataga ng pag-ibig.


Pasensya na't takot lang ako sa unang gabing may kasama ako sa kama. ###

Monday, 11 November 2013

Yolanda

Niyakap niya ang anak na kanina pa umuubo’t natutulog. Malakas na kasi ang ulan at hangin sa labas. Hapon pa lamang ngunit tila tumutulay sa hating gabi ang buong daigdig. 

Alam niyang kailangan nilang lumikas ngunit hindi niya maiwan ang tanging tahanang uuwian ng kanyang asawa na hindi pa umuuwi mula sa trabaho.  

Sa loob ng kanilang barung-barong, maririnig ang dasal niya na siya na ring oyayi sa anak na may sakit. Ito ang kanyang pag-asa. 

“Mawawala rin itong bagyo.”

Ang sabi sa TV kinabukasan, pinulbos ng bagyo ang kalawakan ng Tacloban. ### 

Tuesday, 5 November 2013

Sa Natonin, Mt. Province

Sa Natonin, ang kabundukan ay dagat.
Ang mga dausdos ay alon na lumulukso patungo
sa iyong paanan.
Natatanaw kita sa mga payew na humahati
sa dibdib na kaluntian
na siyang binabagtas rin ng iyong mga paa
ang kurba
ang linya
ang hiwaga
ang payew
ang kabundukan.
Sa Natonin, ang ulan ay pangangamusta
itinatangay ang mapulang kulay ng mga idinurang momma,
sa pintuan na pinagpapanaugan ng mga bumabalik,
sa sulok-sulok na tagpuan
ng mga naghihintay
at naghahanap.
Sa Natonin, ang gabi ay mahabang biyahe
patungo sa iyo
patungo sa pusod
ng katahimikan,
o mga gabing para sana sa mahimbing na tulog,
at mahabang panaginip,
mga sandaling hinuhuli kita
sa aking isipan.
###
08/10/2009

Paano ko pinatay si Bob Marley

            Dumating si Bob Marley sa kuwarto ko nang bumagsak ang panglimang bote ng beer. Kahit ako’y nagtataka kung bakit siya narito sa kuwarto ko. Hinayaan ko na lang siya. Wala na rin kasi akong makausap na iba maliban sa mga bote ng beer na kanina ko pa kinakausap.

            Nagkukuwentuhan kami noong una. Maayos ang usapan. Nakikinig lang siya.  Pero habang tumatagal napapansin kong nababagot na siya. Malikot ang mga mata niya. Ayaw raw niya sa pulang bombilya. Humiga pa sa kama ng boardmate ko. Ayaw raw niya sa blue na kumot. Hindi na siya nakikinig at parang nang-iinsultong binubuklat ang mga libro sa kama. Corny raw ang mga binabasa ko. Nagsasawa na raw siya sa mga paulit-ulit kong kuwento. Nagsimula na siyang magkuwento ng iba.

            Tumahimik ako. Sandali lang iyon dahil naiirita na talaga ako sa kanya. Sa tingin ko’y niloloko na niya ako. Gusto kong hugutin ang bituka niya at gawing pulutan.

            Hindi ko na siya maintindihan. Ayaw daw niya sa kuwarto ko. Ilang sandali pa’y inilabas na niya ang isang pakete ng marijuana at sinimulang pausukan ang loob ng aking kuwarto. Nasa langit na daw kami.

            Kinabahan ako. Baka malaman ng landlady ko. Pinilit kong agawin ‘yon sa kanya. Pero hindi ko makuha ang umuusok na marijuana. Mahaba ang mga braso niya, abot ang kesame.

            Gusto ko siyang palabasin pero ayokong mag-isa sa kuwarto. Gusto kong may kasama. Pero naiinis na ako sa mga ginagawa niya. Nakakagago. Pinagtatawanan na niya ako at ininsulto pa. “Magpakamatay ka na lang…” sabi niya.

            Kahit pa nakapikit ako ay alam kong tuwang-tuwa siya sa pang-iinsulto sa akin. Naririnig ko ang mga tawa niya.

            Hindi ko alam pero bigla na lang nagkaroon ng baril sa ilalim ng kama ko. Hindi ko alam kung saan galing ‘yon. Sumabit sa mga kamay ko ang baril at mahiwagang alam ko kung paano ikasa ‘yon, parang radyo. Tumayo ako at humarap sa aking bisita. Namumula pa rin ang mukha niya sa katatawa. May  mga ulap at hamog sa kuwarto namin.

              “Nasa langit na ba ako…” Kumikinang ang mga mata niya na parang salamin. Parang mga mata ko rin.

            Alam niyang babarilin ko na siya pero hindi siya natatakot. Tuloy pa rin siya sa trip niya na pagtawanan ako. Hindi ako nagdalawang-isip na paputukin ang baril. Para lamang akong pumapatay ng lamok. 

            Isang bala pa lang tumahimik na amputa. Tumahimik ang kuwarto ko. Unti-unting kumalat ang dugo. Kitang-kita ko sa dugo ang repleksyon ko. Mapula. Pulang-pula ang mukha ko lalo na ang mga mata ko.

            “Patay na ang gago.”

            Gusto ko pa sana siyang barilin pero baka marinig ng landlady namin. Buti na lang at hindi pa niya ako sinisita sa naunang putok. Itinago ko ang baril ulit sa ilalim ng kama. Ngayon hindi ko alam kung paano lilinisin ang bangkay ng Marley na ‘toh.

            Biglang dumating ang boardmate ko dala ang pulutang pinabili ko. Nagmura siya. “Paksyet.”

            Nag-away kami ng kaibigan ko dahil pinatay ko si Bob Marley, ang paborito niya.### 

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes 

Thursday, 31 October 2013

Multo


            Sinikap kong ilayo ang tingin sa ibang bagay maliban sa pinto ng  kuwarto. Pero hinihila talaga nito ang dalawang bola ng mata ko na lalong tignan at buksan ito. Sigurado talaga ako. May multo sa kuwarto ng tita ko.
…..
            Dumating ang multo matapos ang libing ng tita ko. Parang ganoon ‘yong nangyari kay tita. Umalis na lang bigla ng walang pasabi nalaman ko na lang na patay na siya  sa isang ospital sa Dagupan. Hindi man lang  niya naibigay ang pangako niyang banana cue.  Ganoon ang pagdating ng multo. Hindi ko alam kung ano ang pakay niya. Basta ang alam ko, malimit siyang magparamdam, tahimik, paunti-unti. Lalo na sa mga panahong nag-iisa ako at nag-iisip ng malalim.
…..
            Ngayon, muling nang-aakit ang multo. Lumapit ako sa pinto. Idinikit ko ang aking tenga sa poster na nakadikit sa pinto na may “silence please at knock first before entering.” Walang kaluskos akong narinig.  Alam niyang nasa labas ako at minamatyagan siya. Kumuha ako ng walis sa kusina at bumalik. “Huhuliin kita.” Pinihit ko ang seradora ng pinto. Hindi ako natakot.
…..
            Inangkin na ng multo ang kuwarto ni tita. Tuwing biyernes ang madalas niyang pagpaparamdam. Naririnig ko minsan mula sa aking kuwarto ang paghila ng upuan, ang pagbuklat niya sa mga libro at notebooks ni tita na minsan ay nahuhulog niya. Pati ‘yong mga gamit ni tita sa pagtuturo sa school ay ginugulo niya rin, mga lesson plans at class records o kaya mga informal themes ng mga estudyante niya. Sa tingin niya siguro dahil wala na si tita ay sa kanya na iyon.
…..
            Patay ang ilaw. Mabilis ang mga kamay kong nanghagilap  sa  “on”. Alam ko kung nasaan  iyon kaya naging madali na sa akin ‘yon. Agad akong niyakap ng lamig mula sa bukas na bintana, ng kakaibang pakiramdam, ng kakaibang amoy ng pabango ni tita na medyo amoy ilang-ilang. Kasabay ng pagpasok ng amoy sa ilong ko ang biglaang paglabas ng mga alaala sa isip ko. Pero hindi ko muna iisipin iyon. Kailangan kong huliin ang multo.
…..
            Mahilig manggulo ng mga gamit ang multo at mahilig ding makialam. Minsan naabutan na lang ni mama na nakakalat ang mga libro ni tita sa kuwarto. Sa may study table, sa kama, sa tukador. Pati ‘yong mga photo albums. Pati ang kama ay pinaglalaruan nito. Punong-puno ito ng mga papel na may drowing. Nagagalit tuloy sina mama. Hindi nila alam na may multo. Ako ang lagi nilang sinisisi.
…..
            Determinado akong huliin ang multo. Gusto kong malaman kung sino siya at kung ano nga bang itsura niya. Kamukha niya kaya ‘yong nasa mga “Shake, Rattle and Roll” na mga pelikula? Pagkasindi ko ng ilaw, wala na siya. Pinasadahan ko ng tingin ang buong kuwarto at tama ang hinala ko. Nagkalat na naman siya ng mga papel na may mga drowing niya.  Alam kong magagalit na naman sina mama. Itinago ko ang lahat ng mga kalat sa komoda ni tita na gawa sa nara. Napakalaki nun kaya siguradong hindi na ‘yun titignan ni mama. Amoy naphtalene pa ang aparador.   
…..
            May mga oras na pakiramdam ko ay bumubulong ang multo sa akin. May mga oras na pinipilit niya akong pumunta sa kuwarto ni tita. Iyon ‘yung mga oras na sana buhay pa si tita para takbuhan ko. Siguradong rosaryo lang ang katapat niya tulad ng sakit sa tiyan, bukol sa ulo, palo ni mama at sapak ni kuya.
…..
            Isinuksok ko nang mabuti ang mga piraso ng papel sa mga damit ni tita. Kapag natuklasan iyon ni mama, tiyak ako ang mapapagalitan. Isinara ko ng mahigpit ang komoda. Ganoon din kalakas ang ingay noong isinara ko ito, parang pinupunit na plywood. Kinuha ko ang mga bolpen na nakakalat. Naamoy ko pa ang mabangong tinta na paborito ni tita at gustong-gusto ko rin. Inilagay ko ‘yon sa Flintstones niyang lalagyan ng bolpen. Inayos ko lahat ng libro na ikinalat ng multo at inilagay sa shelf sa tabi ng komoda. Naroon din ang bibliya.

            Nang maayos ko na lahat, muli kong tinignan lahat kung meron pa bang bakas ng multong iyon. Pero nakaramdam lang ako ng pangungulila ng makita ang mga litrato ni tita sa dingding. Nakatingin sila lahat sa akin. Pati ang malaking larawan ni Jesus sa altar nakatingin sa akin.

            Sa likod ko paglingon ko, ang malaking salamin. Malapad ito kasya ang katawan ko bilang isang pitong taong gulang na bata. Pinagmasdan ko ang sarili ko. Hindi ako nagkakamali sa nakikita ko. Nasa likod ko ang multo
.
            “Sabi ko na nga ba eh. Ikaw na bata ka ha. Sige labas. Ila-lock ko na ito para hindi mo na pakialamanan ang mga gamit ng tita mo.”

            Hindi ko namalayan mula sa pagkakatitig ko sa salamin ang paparating na tunog ng mga yapak ni mama. Binuksan niya ang pinto ng pabigla. Agad akong tumingin sa salamin kung nandoon pa ang multo. Pero wala na.

            Ako na naman ang mapagbibintangan. Paano ko kaya ipapaliwanag sa kanya ang tungkol sa multo? Maniniwala ba sila sa akin? Isa lang akong bata.

            Tumingin ako ulit sa salamin. Wala na nga talaga ang multo. Pero nakita ko ang sarili ko.
…..
            Maraming multo sa buhay ko.
            Paminsan-minsan natatakot ako.
             Basta mag-pray lagi daw ako sabi ni tita noon.
……
            Hindi ko na alam kung sino ang multo. Kung ano ang pakay niya. Isang linggo pagkatapos noon, ginawang bodega ang kuwarto ni tita. Hindi na ako nangahas na pumasok pa doon. Kung paanong dumating ang multo sa bahay namin ay ganoon din siyang umalis ng walang paalam.

###

Oct. 2006 | Class requirement sa klase (BLL 140) ni Sir Jun Cruz Reyes 






Tuesday, 29 October 2013

Sampung kwento mula sa Sugarfree at kung paano tayo nabigo sa pag-ibig


I.
O ngayong gabi, managinip
Managinip ulit tayo sa sarili nating mundo

II.
Dahil dito sa Mariposa ay mahirap ang nag-iisa
Dahil dito sa Mariposa, ako lang yata ang nag-iisa

III.
Tinatawag kita
Sinusuyo kita
Di mo man madama
Di mo man marinig

O kay tagal kitang mamahalin

IV.
Hintay, hintayin mo ako
Mahirap nang maiwan dito
Hintay, hintayin mo ako

V.
Tapusin na natin ang mga hindi natin kailangang dalhin

VI.
Wag ka nang matakot sa lungkot
Wag kang mag-alala ako ang iyong kumot
Sa alinlangan

VII.
Parang atin ang gabi

***

VIII.
Walang paalam
Natutulog ka lang
Bukas paggising ko nandyan ka na muli
Sa aking tabi
At ikukuwento mo
Mga nakita mo
Habang tayo’y magkalayo

IX.
Ito na ang ating huling gabi

X.
Magpapaalam na sa’yo ang aking kuwarto
Magpapaalam na sa’yo

 ###

 Ang mga linya ay mula sa mga kanta ng Sugarfree:


I. Telepono
II. Mariposa
III. Burnout
IV. Hintay
V. Wala
VI. Alinlangan
VII. Prom
VIII. Walang paalam
IX. Huling gabi
X. Kwarto