Monday, 20 April 2015

"At iindak na lamang sa tibok ng puso mo"*

We puff cigarettes and hope that the smoke will take away the feeling. We chase streets like children chasing butterflies. The roads are endless. The feelings are endless. 

We live in a city of broken hearts. Many times, we try to escape and miserably fail. 


Magpapaalam at magsisisi. ###


*See Armi Millare dancing to the tune of Indak (
http://aftertaste.ph/2015/04/20/2826/). 

Saturday, 11 April 2015

"Nilibot ang distrito ng iyong lumbay"

Nagjogging ako kanina. Inaasahan ko na makasalubong ka. Pareho kasi tayo ng ruta - John Hay-Southdrive. Pero wala ka. 

Kanina yata ang pinakamahabang jogging sa buong buhay ko. Mas mahaba ang natakbo ko kaysa sa nalakad ko. Matutuwa ka tiyak kapag nalaman mong mas kakaunti na ang pahinga ko kaysa sa aktwal na exercise. 


Malamig kanina. Tahimik sa daan kahit na rumaragasa ang mga sasakyan. Maagang sumikat ang araw. Hindi kita kasama. 


Kailangan ko nang sanayin ang sarili ko na mag-isa tuwing Sabado at Linggo ng umaga. Kailangan ko na rin siguro ng bagong ruta. ###

Tuesday, 7 April 2015

Bakit Tayo Nalulusaw sa Pagri-review ng Facebook Newsfeed

Binalikan ko ang newsfeed ko sa Facebook. Nililinlang yata ako ng mata ko. Matagal na akong hindi nakakakita ng update mula sa iyo.  Matagal nang hindi ko naaalala at nabibigkas ang pangalan mo.

Malikot ang isip ko at judgemental nga yata talaga ako gaya ng sabi ni Mace. Sa totoo lang, hindi ko alam kung masasaktan ako o hindi, kung malulungkot ako o hindi. In-assume ko na yung kasama mo sa litrato ay ang bago mong karelasyon. Maganda ang dagat. Mainit ang tag-araw. Mukha ka ring masaya.

Ang sabi mo dati, ako ang Pasipiko sa iyong dibdib. At masyado ko yatang dinibdib ‘yun. Naniniwala ako na nakakarma na ako sa mga kaartehan ko noong 20 years old ako.

Kaya siguro ayaw ko nang masyadong mag-Facebook. Mapait ang muling mabanggit ang pangalan mo. 

###

Ang haba ng nilakbay ko mula Baguio to Apayao, mula lamig tungong init para lamang magmoda ng ganito. Past whogoat: http://mgaespasyo.blogspot.com/2013/05/pasipiko-sa-aking-dibdib.html

Sunday, 8 March 2015

Pagudpud, Pagbabalik

Ikinuwento mo sa akin kung anong mga ginawa niyo ng karelasyon mo sa Baguio noong Disyembre. Nakikinig lang ako. Tumatango paminsan-minsan. Sumusulyap sa bintana, sa labas ng sasakyan, sa iyong mukha kapag hindi ka nakatingin.
“Ang saya nga noon eh. Sana nandito ulit siya” sabi mo.
Bigla yatang humaba ang biyahe mula Laoaog City tungong Pagudpud ng mga oras na ‘yun. Gusto kong malusaw. Mahina ang aircon. Putangina. Kanina ko pa gustong bumaba. Lahat ng kuwento mo, tumatagos sa puso ko.
“Bakit ba hindi tayo nagkita noong nasa Baguio ako?” tanong mo. Ngumiti ako.
“Mayroon ka naman nang kasama” sagot ko.
Napatigil ka. Nawala ang saya mo sa pagkukuwento. Umiwas ako ng tingin. Ganoon ka rin.
Pinagmasdan ko kung paanong mabilis na lumilipas ang lahat ng bagay sa labas ng sasakyan. Naiiwan, nahuhuli yata ako.
Lumakas ang aircon sa loob ng van at nanlamig ang sasakyan. Katulad ng distansya ng Laoag at Pagudpud ang ating pagitan. ###

Monday, 19 January 2015

Facebook Status 18 Enero 2010

"Gusto kong lumangoy sa dibdib mo. Hiwain ito para talagang malaman kung anong laman. Huwag kang mag-alala, gagamit ako ng matalim na kutsilyo, kasing talim ng mga salitang binitawan mo at humiwa rin sa dibdib ko."

Sunday, 23 November 2014

"Hindi minamadali ang pag-ibig"

K,

Sa totoo lang, nagdalawang-isip ako kung dadalo ba ako sa kasal mo. Ngayon ko lang kasi napag-isipan ng mas maayos kung gaano ka-awkward ang lahat ng bagay sa pagitan natin. Ngayon ko lang rin naman naisip ang mga nangyari. Huwag kang mag-alala at wala naman na akong espesyal nararamdaman para sa'yo.


Ginusto kasi kita noon, nang hindi mo alam. Lagi tayong magkasama at magkausap. Lagi kang masaya. At naging masaya rin ako noong mga panahon na 'yun.


"Ano namang nararamdaman mo?" biro sa akin ng isang kaibigan kanina sa kasal. Sabi ko "wala naman na, wala na."  

Sa totoo lang, naiyak ako kanina noong nagmartsa kayo habang kinakanta ng isa sa mga kaibigan natin 'yung paboritong lovesong natin noong kolehiyo.   


"Hindi minamadali ang pag-ibig" 'yan ang sinabi kanina ng isa sa ninang ninyo sa kasal. Nagtawanan ang karamihan ng mga dumalo kanina na karamihan ay mga bata (o mas bata sa atin). Marami kasing nabubuntis ng wala sa panahon na nagiging dahilan ng komplikasyon, hiwalayan, etc. Marami kasi sa atin ang nakikipag-relasyon nang walang habas, para sa sex man 'yan o para sa ibang bagay.  


Pero sa akin, para akong sinaksak sa puso. Nagngitian kami ng iba pang mga kaibigan nating single at nasa mid-20s na, kaming mga naghahanap sa tunay na pag-ibig (wink).  


Malaki na ang ipinagbago ng mga bagay ngayon kumpara noon. Nakita ko kung paano ka naging mahusay sa iyong trabaho. Marami ang nagbago katulad ng damdamin ko sa'yo. Nanatili ka pa ring kaibigan at naging mainit pa rin ang pagbati mo sa paminsan-minsan nating pagsasalubong dito o sa Maynila. 


Naisip ko na dapat habang tumatanda ang isang tao, hindi na nagdadala ng sama ng loob mula sa nakaraan. Nasasayang ang oras at panahon dahil sa mga hindi pagkakaintindihan na dulot ng mga relasyong minadali, pinilit, at hindi pinag-isipan (o nakuha lang sa landi). Nasasayang ang ating kabataan sa mga kaganapang umuubos sa ating lakas. Madali tayong napapagod, at nawawalan ng gana sa buhay. Kaya tama, "hindi minamadali ang pag-ibig."    


Siguro, hindi ako sigurado pero hindi rin naman ako nagmamadali. Pero sana kung may darating man ay katulad mo sana siya. ###    


PS. May difference naman siguro ang naghahanap sa nagmamadali haha

Saturday, 4 October 2014

Sagada Notes II

Minamadali natin ang pagdating ulan tuwing Marso at Abril. Magbubunyi tuwing Mayo at magpapasalamat sa langit. Pagdating ng Hunyo, isinusumpa natin ang ulan, ang kapangyarihan nitong sakupin tayo ng buong-buo, walang pag-aalinlangan. Ganito tayo umiibig. ###

Sagada Notes I

Ang sabi mo, ililigtas mo ako mula sa kaguluhan ng lungsod. Naligaw ako sa mapang iginuhit mo sa aking palad. Nasaan ka na? ###

Thursday, 7 August 2014

Malamig na Kape

Pinanuod natin ang siyudad noong gabing 'yun 
sa tuktok ng Mandaluyong.
Ang sabi mo, 
handa kang iwan ang lahat dito at sumama sa akin sa Sagada 
o Baguio. 
Nangarap tayo, 
at sa unang pagkakataon, hinayaan kong 
may sumakop sa aking mga palad na lagi kong itinitiklop 
sa pag-iisa. 

###


Monday, 26 May 2014

Paalam Lola, Paalam sa Magandang Daigdig

Pinapatay tayo ng daigdig na ito sa kabila ng pananalig natin sa magandang bukas. Pinapatay tayo ng pangungulila kahit na libong alaala na ang nakasukbit sa ating isipan. Kabalintunaan ang umibig sa mga bagay na mawawala at hindi permanente. Tangina. 

###